Gusto ko talagang mag-artista pramis.

Unang published ngayong 2018. Yeah!

Gusto ko talagang maging artista. Bata pa lang ako, pinangarap ko nang lumabas sa ANG TV o kaya naman ay mapasama sa cast ng Mula Sa Puso, kahit extra lang. Sabi ko sa sarili ko, kapag naging artista ako, makikita niyo rin ang mukha ko sa spiral na notebook kung saan tampok ang mga idolo kong sina John Prats, Stefano Mori at John Wayne Sace. Sabi ko sa sarili ko, mapapanood ko rin ang sarili ko sa mga pelikula tulad nina Jolina at Marvin at makakapunta ako ng Baguio para i-shoot ang pelikulang iyon.
Dahil bata pa lang ako noon, marami akong pimples, nognog ako dahil lagi akong laru nang laro sa kalsada, at wala akong sense ng hairstyle noon (kahit naman ngayon.) Ang tangi ko lang baon ay ang lakas ng loob.
Naunang mag-audition sina Kuya at Pinsan ko. Nakapasok sila sa second round. At yung ako na yung mag-audition, well, look test palang naman, doon na nagsimula ang lahat. Mga sampu kaming nakahilera. At noong tinawag ang number ko, tiningnan ako ng mga judges. Natawa sila at may nagsabi pa ng “Ang lakas ng loob mo ah!” at yung isa naman “Teka. Gusto kong manigarilyo sandali. Naumay ako.” Lahat ng masasakit na salita, natanggap ko. Hahaha.
Kaya ‘pag labas ko ng studio, lumuhod ako at tumingin sa itaas na tila ba may camerang nakatutok sa akin. Kinuha ko ang fliers na lumipad sa harapan ko at sinimulang lukutin ito sabay sabing “Balang araw, matitikman niyo ang batas ng isa apiiiiiiiiii!”
Narealize ko na, hindi man sakto ang pangarap na napunta sa’yo pero may kakaibang paraan si God para tuparin ang mga ito. Na sa sipag, tiyaga at pananalig, makakamit mo ang mga gusto mo. Dreams do come true. Hindi man ngayon, bukas o sa susunod na buwan, darating ang araw na masasabi mong happy ending ang nangyari sa buhay mo.
And ang importanteng lesson talaga na natutunan ko:
Masama sa kalusugan ang paninigarilyo.

SalamatHSD

Ako na sa tingin kong efficient at may output araw-araw. Ako na sa tingin kong productive nang walang pagpapanggap. At ako na sa tingin kong ginugugol ang kalahati ng buhay sa pagtatrabaho para sa kakapiranggot na sahod. Pero… opinyon ko lang yun. Iba sa opinyon nila.

Naniniwala ako na walang maling desisyon sa buhay. Ito ay depende kung paano ka lang manindigan. Lahat tayo ay may choice. Choice na sa tingin nating tama sa mga panahong tayo ay agrabyado. Choice na sa tingin nating mas makakabuti para sa atin. Choice na sa tingin nating hindi tayo iniiwan at palaging naghihintay.

Bukas makalawa, ako rin ay aalis na.  Aalis sa lugar kung saan maraming masasayang ala-ala kasama ang mga piniling kaibigan.

Mahirap mang tanggapin, nakahanda na akong harapin ang panibagong hamon sa buhay ko. Pagkatapos ng mahigit anim na taon na pamamalagi dito sa kumpanyang aking minahal, isang panibagong bukas muli ang aking haharapin.

Lubhang napakahirap para sa akin ang desisyong ito at kinailangan ko ang panandaliang pagtahimik sa mga bagay na toh. Sa lahat din po nang sumuporta at gumalang sa aking pagpapasya, marami pong salamat sa pag-intindi.

Magiging madamdamin ang mga susunod na araw sa buhay ko. Susubukan ko na kasing simulan ang pagpapaalam sa mga taong naging bahagi ng aking pamamalagi sa kumpanyang ito. Mga taong nagbigay ng inspirasyon at kulay sa aking propesyunal at personal na mundo.
Sa mga taong nakasalamuha ko dito sa kumpanyang ito at sa mga line leaders na lubha akong pinahanga sa pagmamahal sa trabaho, taas kamay akong nagpupugay sa inyo.

Ano man ang mangyari sa napiling kong propesyon… ano man ang mangyayari sa paninindigang aking nadesisyunan, wala akong ibang masasambit sa ngayon kung hindi… “Salamat”.

History never really says goodbye. History says, ‘See you later.’
If you are brave enough to say goodbye, life will reward you with a new hello.

Untitled love

Naniniwala ako sa love. Naniniwala ako na someday, may happy ending ang lahat love story ng bawat tao sa mundo. Na wala nang iiyak, walang malulungkot, wala nang mag-iisa at wala nang masasaktan. Pero sabi nga nila, walang perpektong love story. Yung mahal mo na kaso may iba na. Yung handa ka nang sagutin sya, pero napagod na sya kakahintay. Yung sa sobrang dami mong iniintindi sa buhay, nakalimutan mo nang may taong naghihintay sayo, nakakalimutan mong may isang taong lagi kang iniintindi. Yung laging nagmamahal, laging umaasang mapansin mo. Yung humihiling na sana makasama ka habang buhay.

Maganda ang plano Nya sa akin

Lagi ko itong iniisip. Maganda ang plano ng Diyos sa akin. Maganda ang plano Niya sa ating lahat. Kailangan lang natin ay ang magtiwala at kumilos.

Pero bakit may mga pagsubok pa rin? Bakit may mga sakit pa rin tayong nararanasan sa buhay? Bakit bumagsak tayo sa exam? Bakit hindi tayo naaappreciate ng mga boss natin sa trabaho? Bakit wala ka pa rin lovelife hanggang ngayon? Bakit hindi natin nakukuha ang mga gusto natin?

Madalas na tanong ko rin yan noon. Dumating pa nga sa puntong parang wala namang nangyayari sa buhay ko. Na kahit ilang beses akong magdasal, wala pa rin. Nawawalan na ako ng pag-asa. Doon tayo bumibitiw. Doon tayo nawawalan ng gana. Doon tayo susuko na.

Pero nagdasal ako na parang hindi ko na kayang humawak sa Kanya kaya sana, Siya na ang humawak sa akin nang mahigpit. Kasi alam kong never Niya akong bibitiwan. Sa kapit Niya at sa hawak ko sa kamay Niya, doon ko na-realize na hindi Niya naman ako pinapabayaan. AKO ANG UMAALIS SA KANYA. AKO ANG UMIIWAS.

Ganun naman eh. Parang paggawa ng bahay. Sa umpisa puro kalat, puro mabibigat na bato. Nakakapagod sa umpisa. Pero kapag hindi ka sumuko at nagtiwala ka sa Blueprint na gawa ni God, makikita mo ang magandang bahay at magandnag buhay na regalo Niya sa’yo.

In short, huwag kang susuko. Huwag kang titigil. Huwag kang bibitiw sa Kanya. Yakapin mo Siya. Isumbong mo ang mga nasa puso mo. Kausapin mo Siya. At lagi mong isipin na MAHAL NA MAHAL KA NIYA. 🙂

Mahal Niya tayo.

SaLASTmat?

Nagsulat ako ng mga salitang ni hindi ko maalalang nasulat ko. Madami pang salita ang naisulat ko (sa kalungkutan) pero binura ko dahil may prinotektahan ako ng mga panahong yun. Mas madaming salita pa ang mga naitago sa himpapawid na kailangang paliparin papalayo sa kung saan, maging ako, di ko maaalala.

Ngayon, para saan ito? Sa mga nakaraang taon, sinubukan kong tapatan ang bawat nararamdaman ko ng bawat salita na sa tingin ko’y maaaring tumumbas ng mga iyon. Matibay ang mga salita pero mas matibay ang emosyon sa likod ng mga salita. Gusto ko lang iparating ang taos puso kong pasasalamat sa pagtitiis, sa pagbabasa nito. Sinusulit ko lang ang bawat oras ngunit di ko ipipilit na ako’y mawawala.

Salamat sa pagbabasa kahit parang wala naman na akong isinusulat. Salamat sa pagche-check lagi nito. Salamat sa pagsheshare nito sa ibang mga kakilala ninyo. Salamat kasi yung mga salita dito, hindi na lang salita, kundi emosyon na dumadaloy sa akin, naipapasa sayo, sayo patungo sa kanya, sa kanya patungo sa madami pang iba.

Salamat. Sobrang sobrang salamat. Hayaan ninyo akong sabihing salamat ng sobra sa kalayaang ibinibigay ninyo para sa mga salita ko.

Bukas na liham para sayo

Ikaw na napa-pagod na sa paulit-ulit na siklo ng iyong buhay. Ikaw na sawang-sawa na gumising sa umaga at naghihintay na sana mag-pahinga na agad ang araw. Ikaw na nag-iisip na tapusin na ang lahat, hindi ko man alam ang istorya mo pero para sa’yo ‘to.

Malalim na naman ang gabi, at kahit na anong pilit mong pag-takip sa mag-kabila mong tenga, hindi mo matakasan ang mga bumu-bulong dyan sa isip mo. “Wala kang kwenta. Pabigat ka sa kanila, bakit ‘di ka pa mawala?” Hindi sila mga kaibigan pero natutunan mo na rin silang kaibiganin dahil kapag binalot na ng dilim ang gabi, sila lang ang nananatili mong karamay sa iyong tabi.

“Hihiga ka sa kama at
ipa-pako ang paningin sa kisame
At habang kina-kain ka ng
kalungkutan, hindi mo mapa-pansin
na binabaybay na pala ng mga
luha mo ang mga pisngi mo.”

Alam ko, hanggang ngayon, kuma-kapit ka pa din sa mga pangako sayo ng mundo na: “Magiging ayos din ang lahat. Magiging ayos ulit ang lahat” Tatanungin mo ang sarili mo kung kailan at alam mong hindi mo naman alam ang sagot pero sasabihin ko sa’yo, nandyan lang sa balikat mo ang mga “kaibigan” mo at handang sumagot sa mga tanong mo: “Magiging ayos lang ang lahat kapag wala ka na.” ‘Wag kang maki-kinig sa kanila. Sinu-subok ka lang nila. Hindi nila kilala ang puso mo at kung gaano ka kalakas.

Nandito ako para ipa-alala sa’yo na, kahit na kakaiba na ang tingin sa iyo ng mundo o kahit na pakiramdam mo, hindi mo na kilala ang sarili mo, sana malaman mo na, ikaw pa din yung batang sabik na matulog dahil kaibigan at kalaro mo ang bukas. Yung batang punong-puno ng pag-asa na tuparin kung ano man yung gusto niya maging balang araw. Ikaw pa din yung batang amoy kalsada at pawisan sa ilalim ng araw. Ikaw pa din yung batang ‘yun. Sana, isang araw, tanggapin mo na ulit ang imbitasyon ng mundo na makipag-laro sa’yo.

Hindi tayo magka-kilala pero sinulat ko ang liham na ‘to para sa’yo dahil ilang buwan na ba o taon na ang nakalipas, nandyan din ako sa pwesto mo, sa parehas na uri ng gabi at sa parehas na sitwasyon. Ang kaibahan lang natin ay: Sumikat ang araw nun pero iniwan ko na sa gabi ang aking buhay pero ikaw, bukas, gigising ka, kikitain ang mga taong mahal mo at nagma-mahal sayo at magpapa-tuloy ulit ng isa pang araw sa buhay; Patuloy na kumakapit sa katotohanang, magiging ayos din ang lahat. Balang araw magiging maayos ulit ang lahat.

Ate Isay (Likha ni Rizza Ofilada Paguio-Tabud)

Malapit na naman ang pasko
Mahigit isang taon na akong ganito
Ano na kaya mangyayari sa buhay ko?
Gagaling at magiging normal pa ba ako?

Naalala ko pa noon
Isinalang ako sa isang operasyon
Inabot ako ng isang linggo doon
Upang mapabuti ang aking kondisyon

Sumailalim din ako sa ilang gamutan
Dahilan kung bakit ako namayat ng lubusan
Halos di man lang makabangon sa higaan
Wala akong magawa kundi umiyak na lamang

Naaawa ako sa aking sarili
Sapagkat di ko alam na ito ay mangyayari
Wala pa man din kabiyak ko sa aking tabi
Sobrang hirap pala di ko mawari

Siya ay pinauwi ko buhat sa ibang bansa
Kahit na may mga taong umaapila
Gusto ko lang naman sa aki’y may mag alaga
Nang buong puso at walang sawa

Isinuko ko na ang lahat sa Kanya
Nanalangin at sa Kanya ay nagtiwala
Ako’y pinakinggan at patuloy na pinagpala
Kung kaya ngayon ako ay buhay pa

Nagpapasalamat ako ng lubusan
Sa mga taong mabubuti ang kalooban
Ako ay tinulungan at kanilang sinuportahan
Upang ipagpatuloy ko ang aking laban

Sa dami ng aking naranasan
Ang buhay ko ay naging makabuluhan
Para sa aking mga minamahal
Lalaban ako at mabubuhay ng matagal…

Continue to Pray lang Rizza Ofilada Paguio-Tabud

There’s always time f0r everything.

Bata..Bata bakit ka laging taya?

Noong bata pa ako, syempre maliit pa ko noon, pero hindi tungkol sa height ang pag-uusapan natin ngayon.  Naalala mo ba yung mga kakulitan mo nung bata ka pa? Tanda mo pa ba yung dahilan kung bakit ka pinapalo ng nanay at tatay mo? Anong nagpapasaya sayo nung bata ka?

Minsan nagtagu-taguan kami ng mga kalaro ko, ako ang taya.

taguan_by_mababangungutin-d4doz6g

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap, wala sa gilid, pagkabilang ko ng sampu nakatago ng kayo, SAMPU!

Ayokong tapusin ang pagbibilang, magmumuka akong tanga, eh 2 seconds pa lang pagpikit ng mata ko ay nagkakaripas na sila ng takbo para magtago, bibilang pa ba ko ng sampu? Minsan pagkatapos kong bumilang ng sampu may magbe-“base” na agad, nasa likuran ko lang pala. Hindi man lang mag-effort na magtago. May mga pagkakataon din namang talagang mahirap silang hanapin, yung tipong hinalughog mo na ang buong kalye ng street niyo wala pa rin. Saan ba sila nagtatago, sa poso negro? Kapag nahihirapan akong maghanap sa mga kalaro ko… “Bahala kayo dyan, kakain muna ko dinner, LA LA LA LA LA…”

araw-lilim

Taya-Tayaan

Uso din syempre ang walang kamatayang larong “taya-tayaan”. Ang pambansang larong kalye ng mga bata sa Pilipinas?

taympers – ito ang sinasabi ng mga kalaro ko kapag malapit ko na silang mataya.

Hindi perpekto ang mga bata, minsan sutil at sa kakulitan ay may pagkakamali ding nagagawa. May mga pagkakataon din na medyo takot akong umuwi sa bahay dahil baka nagsumbong yung kalaro kong nabaril ko ng pellet gun. Syempre, pag-uwi may palo sa pwet at sermon di ko naman naiintindihan nung bata ako, basta ang alam ko puro laro.

Trip ko din nung bata ako yung paglalaro ng text o maliliit na baraha. Hindi pa uso nun ang NBA2K16 kaya ang pakikipaglaban sa text ang naging hobby ng karamihan. Sobra itong nauso noon na tipong araw araw parang nagpapa-tournament si Brgy. Captain dahil nagkalat ang mga bata sa daan na naglalaban laban. Minsan kapag nanalo ako pinapaagaw ko din (mukhang ewan lang). Madami naman akong text nun, isang kahon ng sapatos. Minsan nagbebenta pa ko, bente pesos isang dangkal. Pero yung iba nagbebenta rin ng pamato nila (mukhang ewan lang). Ngayon hindi ko na maalala kung saan napunta ang mga text ko at saan napunta ang mga text ng mga kalaro ko. Nakatabi pa rin kaya yung sa kanila o sinunog na ng mga magulang nila?

Kapag wala akong ginawa at nabo-boring ako sa bahay madalas akong pumunta sa kusina, pinaghahalo halo ko ang toyo, mantika, patis, suka, Bear brand, Nescafe, UFC catshup, Star Margarine, Mama Sita hot sauce, asukal, asin, paminta, vanilla at vetsin. Lakas ng trip ko… tinikman ko at ang sarap ng lasa, promise! Kung ayaw niyo maniwala try niyo din. haha!

Kapag wala ulit akong magawa sa bahay kasi umuulan sa labas o di kaya ay brownout, madalas akong makipaghabulan sa mga sandamakmak naming pusa. Minsan nakikipaglaro ako sa kanila pero sa hindi malamang dahilan, kinalmot nya ako. haha. Mababait naman ang mga pusa sa bahay. May mga pagkakataon ding kinakausap ko sila pero sa dialect nila syempre. “Meow meowww meow” (Kumain ka na Muning?), tanong ko sa kanila. “Meoww meoww meow miyow meooow!”(Oo), sagot nila sa tanong ko.

Mayroon din pala kong natatanging kapangyarihan nung bata ako. Secret lang natin to ha, kaya kong gumawa ng bubbles gamit ang aking laway.

Nakaka-miss yung mga panahonng lagi kang sinusundan ng buwan kahit saan ka magpunta, yung mga panahong lagi mo nililigtas ang syota ni Mario, yung mga panahong nilalagay mo ang tabo sa ulo mo kapag naliligo ka, yung pagtalon mula sa upuan papuntang kabilang upuan para makaiwas sa lava, kumanta sa harap ng electric fan at paglaruan ang ilaw ng ref. Sino bang bata ang hindi natutuwa kapag nakakakita ng rainbow at lumilipad na eroplano sa langit. Kapag nakatulog ka sa sofa ay sa kwarto na ang gising mo dahil kung hindi malamang tapos na ang pagkabata mo. Unti unti mo ng maiintindihan ang mga bagay sa paligid mo. Matuto ka ng magtali ng sintas ng sapatos mo at mahihiya ka ng umiyak kapag nadapa ka. Masaya maging bata at masarap balikan ang pagkabata… teka may nakita akong pusa, kausapin ko na din si maya at si onyok pagdating ko sa bahay. hehe!

Nariyan na si Santa Claus

Hwag na tayong magbolahan pa, si Santa ang tunay na bida tuwing magpapasko. Panget lang kasing pakinggan kapag sinabing “Merry Santamas” kaya hindi pwedeng gawing ganun. Sabi nga sakin nung batang nakausap ko, “Ang galing noh kuya, sakto yung birthday ni Jesus sa pasko..” oo nga no? hindi ko rin naisip yun.

At mula sa blog na ito, susubukan nating sagutin ang mga misteryo sa katauhan ng nagbibida- bidahang (epal) na karakter na nakikientra sa kaarawan ng ibang nilalang.

 

happy

Bakit laging masaya si Santa tuwing lumilibot pag magpapasko?

Sino nga ba’ng hindi sasaya kung alam mo kung saan nakatira ang mga Naughty Girls. Nuon ko lang naisip na ansarap lumagay sa katauhan niya. Hindi mo na kailangan pang humanap ng malupet na bar kung ang totropahin mo e si Santa Claus.

 

Cute Santa on winter background

Bakit “ho ho ho” ang tawa ni Santa?

Ang “ha ha ha” kasi ay karaniwang tawa ng mga tao so hindi na niya pwedeng gamitin yun dahil parang walang originality yung dating. Yung “he he he” naman para sa mga manyakis, pang parental guidance kung yun ang gagamitin niya. Ang “hi hi hi” naman ay para sa mga nakakasabayan niyang bumiyahe sa ere na mga mangkukulam at pwede rin’g gamitin ng mga babaeng akala mo e kinikiliti sa tinggel kaya hindi rin pwedeng gamitin yun dahil parang nakakabawas sa kamachohan ng isang lalakeng malaki ang tiyan. At ang “hu hu hu” naman ay hindi isang tawa. Subukan mo’ng tumawa na gamit yan sigurado ko’ng mako-confuse ang mga makakarinig sa’yo.

 

 

Santa Claus Measuring Fat Belly

Bakit mataba si Santa?

Ikaw ba naman ang tumira sa north pole na may teribleng kakaibang lamig ng panahon sanhi ng mga yebe malamang ang sarap kumain dun kada oras. At kapag malamig, gawain ng iba ang makipag-inuman kaya sigurado ko’ng beer belly ang bundat na tiyan ni santa.

 

images

Bakit red ang suot na uniporme ni Santa?

Tulad ng pagsusuot ni Andres Bonifacio ng pulang pang ibaba na maging ang mga prominenteng historyador ay hindi mabigyan ng kasagutan, isa rin ito sa hiwaga ng buhay. Maaring kaya pula para mas madali siyang makita ng mga piloto sa eroplano kapag bumibiyahe sila sa himpapawid.

17325321
Paanong nagkakasya sa chimneya si Santa eh halos makitid yung daan para sa kanya?

Kung paano nagkakasyang magtago si Sylvester sa ga’palitong lapad ng puno para mahuli si Road Runner, kung paano naibabala sa kanyon si Jerry the cat at kumokorteng bilog lang ang katawan niya pagkatapos ng pagsabog, at kung pano nagkakasya si Spongebob sa loob ng inidoro ay ganun din ang maaaring kasagutan kung paanong nagkakasya si Santa. Mala cartoons ang tema ika nga.

chimineya
Bakit sa chimneya napiling dumaan ni Santa? Paano yung mga bahay na walang fireplace?

Kapag sa bintana piniling dumaan ni Santa, baka mapagkamalan siyang magnanakaw o kaya akyat-bahay, kulong sya pag nagkataon. Kung sa pintuan naman, walang hassle. Hindi cool. Kaya kung sa mas mahirap na paraan, mas kakagatin ng masa. At kung walang fireplace yung bahay nyo simulan nyo ng maglagay dahil choosy si Santa sa gusto niyang pasukan.

 

10-beard-bows-elf

Bakit mahaba yung balbas ni Santa?

Malamang walang pang-ahit. O pwede rin’g nagpaconvert siya sa pagiging muslim.

index
Bakit “Santa”? di ba pang babae yun?

Iyan ang malaking debate ng milenyo na hindi pa matapos tapos hanggang ngayon. Pwede rin’g Santa ang first name niya at Claus ang apelyido kaya ganun.

 

465ec4bc6ee7b72a14b78e1ea712_grande

Bakit hindi na lang ipa-LBC ni Santa yung mga regalo na pamimigay niya?

Dagdag gastos pa yun. Kaya nga siya gumamit ng raindeers para tipid sa gasolina e.

Pa-like naman po nito

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 1: May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 2: Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila. Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha!

Like 3: Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.