Sot-Palu: Baligtarin ang pagbigkas ng mabasa mo

Ang blog ay iba pang katawagan o pinaiksing salita para sa weblog (literal na “talaan sa web”). Isa itong websayt o sityo sa web na parang isang talaarawan. Karamihan sa mga tao ang makagagawa ng isang blog at, pagkatapos nito, sumulat kasunod ng blog na iyon. Tinatawag na mga blogero (mula sa Ingles na blogger o literal na “taga-blog”) ang mga taong sumusulat sa mga blog. Kalimitang isinusulat ng mga blogero sa mga blog ang kanilang mga opinyon at mga naiisip.

Karamihan sa mga blog ay naglalaman ng mga komentaryo o balita ukol sa ilang mga paksa; ang ilan naman ay ginagamit ito para gawing online diary (talaarawang nasa internet). Isang mahalagang bahagi ng mga blog ay ang pagiging interaktibo, iyon ay ang kakayahang mag-iwan ng mga komentaryo mula sa mga taong nagbasa ng isang partikular na blog.Karamihan sa mga blog ay binubuo lamang ng purong salita (o textual), pero mayroon ding nakapunto ang nilalaman sa mga obra (art blog), larawan (photoblog), mga bidyo (video blogging), musika (MP3 blogging), at mga tunog (podcasting). Microblogging naman ang tawag sa blog na sobrang ikli.

Pero maiba tayo ng usapan. Bigla ko lang kasi naisip to nitong mga nakaraang araw habang bumibyahe. Para bang utang na bigla mong naisip bayaran..

May dalawang bahagi ang isang nagpapalusot: Ang pagiging malikhain at ang isa ay pagkaduwag.

Palusot (Pa-lu-sot.. Pa/lu/sot) . Isinasagawa ito sa tuwing o kung ikaw ay naiipit sa isang sitwasyon na gusto mong takasan o takbuhan. Dulot ng paulit-ulit sa mga pagkakataong ganito, nakakatuwang isipin na ganitong pagkakataon ay nakakagawa ng isang malikhaing solusyon. Gaya na lamang ng mga sumusunod na halimbawa:

1. Eksena sa isang bahay ng iyong kaklase o iyong Kaibigan:

Napautot ka ng pagkalakas-lakas at ang palusot mo ay “Anong masama kung umutot ako? Humihinga rin naman ang pwet ko ah.”

2. Eksena sa classroom:

Titser: Asan na ang assignment mo?
Estudyante: Ah, sir, nawala ko po kasi. Nakipag-away po ako sa isang estudyante. Kasi sabi nila hindi daw kayo ang Best Teacher in the World.

3. Nagtanong ang nanay mo makaraang matapos ang exam nyo noong nakaraang linggo.
Nanay: Anak, musta grades mo dun sa exam nyo last week?
Anak: Ma, ang mahalaga buo pamilya natin. Nagmamahalan tayo.

4. Sa Classroom again:
Teacher: Carlito!! bakit ka natutulog sa gitna ng klase ko??
Carlito: Napaka lambing kasi ng boses mo mam, un po ung dahilan kung bakit ako naka tulog
Teacher: Eh bakit ung iba hindi naman nakatulog?
Carlito: Kasi po hindi naman sila nakikinig sayo eh..

5. Ano sasabihin mo sa friend mo, kapag nakita nyang maitim ang kilikili mo?

Palusot #1 : eto yung usong tattoo ngayon, Henna Tattoo toh!

Palusot #2 : ahh..eto kasi yung bagong labas na deodorant sa Market kailan lang.. Di mo ba nabalitaan yun.. Ok nga e. Darkening deodorant para maiba naman.

Palusot #3 : sobrang sipag ko kasing mag-aral, kasi hindi lang kilay ko ang sinusunog ko, pati kili-kili.

6. Sa isang Lomihan.

Tekla: Waiter, bakit may langaw itong Lomi ko?
Waiter: Ah yun po ba..E, kasi po Mam, sa sobrang sarap ng Lomi namin pati langaw gusto makatikim.

yan lang naman ang isa sa maraming palusot ng mga mamayang Pilipino, may nakakatuwa at may nakakabwisit paminsan-minsan.

Ngunit sa kabilang banda ng pagiging palusot mo, gumagawa ka lang ng isang bersyon ng realidad na kapani-paniwala ngunit malayo sa katotohanan. Nangangatwiran kahit mali. Pagtakas sa pagkakamali. Ngunit sa ganitong mga pagkakataon nananaig ang pagnanais na ipaglaban ang sarili kahit nagigipi na tayo.

Tinatamad na akong mag-isip magpapalusot na lang ako sa inyo.. 🙂

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling tigpipisong asukal sa tindahan ngunit mas mataba pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Noong bata pa ako, naglalaro sa piso hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi mga bata nuon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pineapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at chocolate. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kaibigan ko noong elementary na sipunin.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng nanay ko. Sa plastik ng yelo n’ya inilalagay ang tinimplang Milo.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore halimbawa ay ang dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik), o kaya adobo flavor tas may mangangata kang paminta.. Ang cool!

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas. Laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa plastik ng yelo. Nakakamiss lang..

imagesAng larawan ay nagmula sa my_sarisari_store.typepad.com