Panimula: Pangalawang Pagkakataon

Ngayon lang ulet ako nagkaroon ng pagkakataong makalikha muli ng isang blog, natagalan bago ako makagawa ng isang blog mula sa huli kong inilikha, marahil na din sa takbo ng buhay ko magmula nang inilathala ko ang huli kong iniakda, marahil na din sa busy sa trabaho, at sa mga bagay na minsan kinakain ako ng katamaran sa pag-iisip ng mga patungkol sa kung ano-ano at walang kwentang kwento pumpasok sa isip ko. Kaya eto ngayon, gumawa ako ng isang seryosong blog patungkol sa 2nd chance…..

 

Everyone deserves a second chance.

 
Siguro narinig mo na ang mga salitang ito, kahit sa tv man o sa kaibigan mong magaling magpayo pero wala namang love life. Ang tanong, totoo ba ito at dapat paniwalaan? Ilang beses ko na rin naitanong sa sarili ko yan, at heto ang sagot ko.

Sa isang maikling sagot, oo. Kahit na nalilito ka o nagdadalawang isip, sige na, bigyan mo na sya ng 2nd chance. Kagaya lang yan ng paniniwala na “kapag nagmamahal ka ng dalawang tao, piliin mo yung pangalawa, kasi kung mahal mo talaga at kuntento ka sa una, hindi ka magmamahal ng isa pa.” Dito naman, “Kung hindi mo alam kung bibigyan mo pa sya ng 2nd chance o hindi, bigyan mo, kasi ang totoo nyan ay gusto mo pa talaga syang bigyan ng 2nd chance, natatakot ka lang na sayangin nya yun at saktan ka nya ulit.” Ano may sense ba? Isipin mo, ganun naman talaga diba? Eh Ayoko Nga Masaktan Ulit…

Siguro iniisip mo, “eh pano kung di pa rin sya magbago? Pano kung sayangin lang nya yung 2nd chance na ibibigay ko at saktan nya ulit ako?” Tama, pwede ngang mangyari ‘yun. Pwedeng pinapaasa ka lang nya at wala naman talaga syang balak na ayusin ang buhay nya dahil sa 2nd chance na ibibigay mo. Pero kaya nga tinawag na chance, diba? Ang dapat mo lang isipin ay hindi lang ito chance para sa kanya, kundi chance din para sa iyo. Sa pagbibigay mo sa kanya ng chance, binibigyan mo din ang sarili mo ng chance na magawa ang isa sa dalawang bagay na ito:

Matanggap mo kung ano man ang hindi mo matanggap sa kanya. Kadalasan kaya sya humihingi ng 2nd chance ay dahil may bagay syang hindi magawa o hindi maibigay sayo. O kaya naman ay may nagagawa o ginagawa syang bagay na nakakasakit sayo. Kahit hindi nya pa rin ito maibigay o mabago, pwedeng matanggap mo sa sarili mo na ganun na talaga sya, at hindi na nya kailangan pa ng 2nd chance para magbago. Pwedeng ikaw ang magbago ng pananaw, at matanggap mo kung ano man ang mga pagkukulang nya.

Magising ka sa realidad na hindi na talaga masosolusyonan ng “chance” ang kung ano man ang problema nyo. Pag nangyari sayo ‘to, hindi mo na itatanong sa sarili mo kung dapat bang bigyan mo sya ng chance (3rd man o 4th o kung pang-ilan man yun), dahil alam mo nang hindi mo na sya kayang bigyan pa nito.

Kelan Dapat Hindi Magbigay Ng Chance?

Sa totoo lang, wala akong maisip na dahilan para hindi magbigay ng 2nd chance. Ang naiisip  ko lang ay para sa 3rd chance pataas, at ito ay kapag nagawa mo na ang letter B na sinabi ko sa taas. In other words, napagod ka na sa kabibigay ng chance at napagtanto mo na mapapagod lang kayo at masasaktan ng paulit-ulit kahit na ilang beses nyo pa subukan. Hindi lang yun, ikaw mismo ay pagod na, ngayon na. Tandaan, hindi ko sinasabing sumuko agad kayo. Ang gusto ko nga e laban lang ng laban hangga’t kaya pa. Try lang ng try hanggang sa makuha nyo ang tamang timpla ng samahan nyo. Pero pag dumating ka na sa point na ubos na ang lakas mo at sigurado ka na na nagpapantasya ka na lang na maaayos nyo pa ang problema nyo, aba’y tama na.

Pero pag dating sa 2nd chance, naniniwala ako na at least a 2nd chance is deserved by everybody. Kahit gaano pa kasama yung taong yun, at kahit gaano kagrabe at kasakit yung ginawa nya sayo, naniniwala ako na kayang magbago ng isang tao. Isipin mo na lang kung ikaw yung taong humihingi ng chance. Isipin mo na masama kang tao nung una, at sobrang nasaktan mo yung taong hinihingan mo ng chance. Tapos isang araw nagising ka, at narealize mo lahat ng pagkakamali mo, at nangako sa sarili mo na magbabago ka na. Pero wala na, ayaw na nya, napuno na sya sayo. Lumapit ka ngayon sa kanya, humihingi ng isa pang pagkakataon, para itama ang mga mali, buuin ang mga sira at punan ang mga pagkukulang. Alam mo sa sarili mo na gagawin mo ang lahat. Kahit anong mangyari ay magtatagumpay ka sa pagbabagong ito. Pero ayaw na nya, at hindi ka nya binigyan ng isa pang pagkakataon. Habang buhay kang magsisisi at manghihinayang sa isang bagay na nawala sayo nang wala kang nagawa. Hindi mo nasubukang patunayan sa kanya at sa sarili mo na kaya mong magbago. Masakit diba? Ayaw mong mangyari yun sayo, at sana ayaw mo rin mangyari yun sa iba. Kaya nga dapat natin magbigay ng chance.

Huling Salita

Aray. Mahirap masaktan. Mahirap din umasa. Pero mas mahirap mabuhay sa pagsisisi at pagtataka. Kung may humihingi sayo ng 2nd chance, at hindi mo binigyan, makakatulog ka ba ng mahimbing sa gabi? Hindi ka ba magtataka kung ano kaya ang nangyari kung nagbigay ka ng chance? Pano kaya kung nagbago sya talaga at naging happy ever after na kayo? At sa huli, kahit na sayangin nya ang chance na ibibigay mo, at least masasabi mo sa sarili mo na “I gave him/her a chance.”

Sinasabi ko ito bilang isang taong makailang beses na humingi ng 2nd chance sa iba’t ibang tao, ang nahingan na rin ng 2nd chance. Alam ko ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan at ang manghinayang sa hindi pagbibigay ng 2nd chance. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagbigay sakin ng 2nd chance, at nagtiwalang muli ka kabila ng mga bagay na ginawa ko. At dahil dun, ipinangako ko na rin sa sarili ko na magbibigay ng 2nd chance sa kung sino man ang manghingi nito. Pero tandaan, 2nd chance lang ang usapan dito. Sa 3rd at mga kasunod, kayo nang bahala dun. Haha.

So yun lang. Sa madaling salita: Oo, bigyan mo pa sya ng 2nd chance kung humihingi sya. Bigyan mo sya dahil nagtatanong ka pa imbis na tapusin na ang lahat. Bigyan mo sya para mabigyan mo din ang sarili mo. Bigyan mo sya para mapanatag ang loob mo. Bigyan mo sya dahil lahat tayo ay nagkakamali, pero lahat din ay pwedeng magbago.