Happy Mothers Everyday

KAPAG KINUMUSTA KA NG NANAY MO,
HUWAG KANG SASAGOT NG “OKAY LANG”

Kahit ano pang pinagdadaanan mo.
Kahit gaano kababaw, kabaliw o kasabaw.
Ikwento mo sa kanya.

Kahit tungkol pa ‘yan
sa financial assets ng kumpanya.
Sa nalalapit na merger.
O sa nalalapit mong pakikipagbalikan
sa ex mong mukhang nasabugan ng bulkan sa mukha.
Ikwento mo sa kanya.
Kahit ‘di niya lubos na maintindihan,
ikwento mo lang.

Gusto lang niya ng kausap.
Ng isang paalalang minsan
siya ang pinakamahalagang tao sa buhay mo.
Ang takbuhan mo noong mga panahong
wala ka pang ibang alam na mundo
maliban sa mga yakap niya.
Wala ka pang ibang kaibigan
maliban sa mga gawa-gawa niyang manika.
Wala ka pang ibang bukambibig kundi “Nanay”.
Masaya. Malungkot.
Natatakot.
Nakikiliti.
Inaantok.
Nagagalit.
Nagugutom.
Nauutot. Natatae.
“Nanay” lang lagi ang sambit.

Naninibago lang siya sa katahimikan ng tahanan
ngayong daan-daang milya na ang inyong pagitan.
Gusto lang niyang maramdaman
na parte pa rin siya ng ikaw.
Kahit alam naman niyang magkaiba
ang estilo niyo sa lahat ng bagay.
Gusto lang niyang maging bahagi ng buhay mo.
Kahit sa text man lang.
Kahit minsan sa isang linggo lang.

Para lang hindi siya nag-iimbento ng kwento
tuwing tatanungin ng mga kapitbahay
kung kumusta na ba ang kanyang anak
na pinag-alayan niya ng pangarap at buhay.