Ang Blog Ko (JRdante ang nagpipilingerong blogger)

“makagawa kaya ng blog. Ano bang magandang pangalan?”

“Hhhmm. pangalan ko na lang wala akong maisip e..”

“Bakit ‘yun?”

“Bakit hindi?”

Sa ganyan lang nagsimula ang blog na pinuntahan mo ngayon, sa pagkakatanda ko. Kakabasa ko lang din kasi ng Stainless Longganisa ‘nung mga panahon na ‘yun at ng Paboritong Libro ni Hudas kaya mga ganyang bagay ang lumabas sa utak ko (meron ba ko ‘nun?). At nabasa ko din ang mga blog ni Juan Mandaraya http://www.definitelyfilipino.com. Wala akong alam sa pagmamanage ng blog. Hindi rin ako magaling magsulat kaya hindi ko naman masyadong sineryoso ang plano ng mga ibang mambabasa. Basta ang alam ko lang, nagpipilingerong blogger lang ako nun at nangangarap lang magkablog para lang sa katuwaan.

Masyado akong adik sa mga gawa ni Bob Ong at ni Juan Mandaraya ‘nung mga panahon na ‘yun, at aminado naman ako. May ilang nagbabasa dito sa blog ko na nagsasabing para daw gawa ni Bob Ong o ni Marcelo Santos ang mga pinopost ko dito, at pinagpapasalamat ko naman yun. Pero iba pa rin si Bob Ong, si Juan Mandaraya at si Marcelo, at alam kong hinding-hindi ko sila kayang pantayan. Minsan talaga kapag masyado mong iniidolo ang isang tao, hindi sinasadyang magaya mo ‘yung mga istilo nila, ang masama pa, nakukulong ka sa istilo na yun at guilty talaga ako ‘dun. Sorry na. Haha.

Sa mga unang araw ko ng pagbablog, kung anu-ano lang ang mga pinopost ko. Mula sa pinaka may sense hanggang sa pinaka-nonsense. At dahil tuwang tuwa ako at meron na kong blog na maipagmamalaki sa mga kaofficemate, kaibigan, atbp. Nakakatuwa talagang isipin ang mga “simula.” Pero nakakatuwa ding isiping hindi ko pa naman nakikita ang “katapusan”.

Kapag binabalikan ko ang mga sinulat ko dati dito, natututo ulit ako. Nasabi na rin ata ni Bob Ong ‘yun sa isa sa mga libro niya. Meron kasi akong mga sinusulat dati na sinusulat ko lang ‘pag talagang purgang purga na ang utak ko sa pag iisip ng mga bagay na walang katuturan o mapupulutang araw, at may maidahilang may ginagawa pa rin akong matinong bagay.

Pero hindi ko masabing isa akong mabuting blogger. Hindi na kasi ako madalas mag-blog hindi tulad ng dati na laging may bagong binabasa araw-araw ang mga matitiyagang tagasubaybay ko. Kung nandiyan pa rin sila, hindi ko na alam.Tambak na gawain. Tambak na ang tulog sa bahay. Tambak ng trabaho naman sa gabi at shifting naman sa umaga. Tambak na tukso gaya ng Facebook. Tambak na tukso ng COC at MU. Nakakalimutan ko minsan ang blog ko. Sorry na talaga. Hehe.

Sa mga makakabasa nito, salamat at nagtyaga pa rin kayong basahin ang mga sinusulat ko. Salamat sa lahat ng mga pumuri at humusga sa Blog sa loob ng mahigit isang taon. Salamat sa mga nagtitiwalang tao na makita ung blog ko kahit madalas non sense. Salamat sa nga blog-supporters na nagbigay ng mga payo sa akin lalo na kay iamdoctor. Salamat kay Sir Bob Ong, kay Juan Mandaraya, at kay Marcelo para sa pagbibigay ng inspirasyon. Salamat sa mga magulang ko na hindi nagsasawang makita akong nagbablog kahit araw-araw at nagfeFacebook lang. Salamat sa mga katrabaho at kaklase ko dati na nagsasabing medyo maayos naman ang mga isinusulat ko sa mga naging blog ko o fb. Salamat sa mga kapwa ko bloggers, lalo na kay Juan Mandaraya at iamdoctor At salamat kay Bro na nagbigay ng utak (pero di masyadong nagagamit ng maayos) Salamat din sayo babs. ☺

Sisikapin ko na mas mapabuti pa ang website na nagsimula lang sa iisang utak na walang laman at walang magawa. Sana mas marami pa ang tumangkilik at tumagal pa ang blog na ito sa loob ng maraming maraming taon, at maipamana pa ito sa apo ng mga magiging something ko, I mean, mga anak. Hehe

Muli, THANK YOU talaga!
👌👍

Masarap Pakinggan ang Pag-Ibig

Kung naging mabait ba ang madrasta’t kapatid ni Cinderella, mamahalin ba natin siya? Kung di ba kinagat ni Snow White ang mansanas, magugustuhan ba natin siya? Kung si Beast ba ay naging isang karaniwang prinsipe lang, mapapansin ba natin ang kwento nila ni Belle?
 
 
Masarap basahin ang mga kwento ng pag-ibig.

Masarap pakinggan.

Lalo na yung mga kwentong hango sa tunay na buhay, at yung mga nagtatapos ng masaya. Natututo tayong maniwala.
 
 
Pero sa likod ng itinakdang halik. Bago natin marinig yung tatlong salitang gusto nating marinig. Yung mga tao sa likod ng mga kwentong ito, marami silang pinagdaanan. Merong mga magaganda, at merong malulungkot. Masaya yung magaganda, pero ibang klase rin pag malungkot na. Sino ba ang hindi dumaan sa problema? Tungkol sa ex, sa mga kumplikasyon, mga kaibigang di sumasang-ayon, sa drama, lahat ng susubok kung gaano katibay ang pundasyon ng inyong relasyon.

Pero gaano man tayo nasasaktan, nahihirapan sa lahat ng iyon, ito yung mga sangkap na nagpapaganda sa ating kwento ng pag-ibig.
 
Kung sabihin ko sa inyo na ang kwento namin ng kasintahan ko nuon, oo nuon pa,  ay simple lang, nagkakilala, nainlove at nagkatuluyan, siguro mabuburyo kayo. Ako man, mababato. Siguro kung ganun nga ang nangyari, baka halos siyam na buwan na akong single ulit. Pero di ko expected na magkakabalikan ang lahat bago man mangyari ang lahat, Di ko man kinukwento dito, pero ilang beses na akong nalungkot, umiyak, nasaktan at nadepress bago naging kami ulet. At gaya ng ibang pag ibig nalungkot, binaliwala at iniwan ulit. Pero ayus lang. wala akong pinagsisihan, sa huli lahat ng aking pinagdaanan ay nasulit.

Sa mga kwento ng pag-ibig, ang importante lang naman ay tayo ay naniwala, naghanap, nagmahal at lumaban para dito. Pero ung mga ibang kaka-break pa lang, andyan lang sila nagpapaka-bitter at lubos ko naman nauunawaan yun, ung iba nga lang e OA na sa pagkabitter.
 
 
Tungkol doon naman talaga ang mga kwento ng pag-ibig, di ba?

Ito’y para sa mga naniniwala, naghahanap at lumalaban para sa pag-ibig.

 
 
Sa mga naghahanap ng isa sa dahilan para ngumiti. Anjan lang sya, maging bukas lang isip mo sa mga bagay na pepwede na sa pagkakataon at panahon.