BUKAS KEKEMBOT ANG MGA TALA

Habang nakasalaksak ang middle finger ko sa kaliwang butas ng ilong ko dahil overpopulated na ng kulangot, napatingin ako sa kadiliman ng langit; meron palang nag-iisang bituin dun sa itaas na nakikitambay kasama ko.

“Hindi kaya siya nalulungkot dun sa taas? O sadyang sanay na siya sa lungkot?”

Hindi ko alam kung ano yung outlet ko pag nakakaramdam ako ng lungkot. Hindi ko ugaling magpakalasing dahil ang ending niyan, ako rin yung maglilinis ng sarili kong pinagsukahan. Malulungkot lang lalo ako. Hindi ko ugaling umakyat sa mataas na lugar at doon magdrama na parang korean superstar. Sa tanga kong ‘to, di malayong magsala yung tinatapakan ko at mahulog ako. At mas laong hindi ko ugaling isulat ng back to back sa manila paper kung bakit ako malungkot. Mas madaling ipaliwanag kung bakit ka masaya kesa ipaliwanag kung bakit ka malungkot. Kaya nga nagbblog lang ako kapag masaya ako.

Pero ganun talaga siguro no, darating talaga sa punto na makakaramdam ka ng lungkot na tanging sarili mo lang ang makakapagpaliwanag kung bakit. Yung masasabi mo na lang na, “Nalungkot ka ng walang dahilan.” Pero ang totoo, alam mo naman talaga ang dahilan. Naduduwag ka lang aminin dahil maarte ka. Kaya ang tendency, magpapakaipokrito na lang.

Ang buhay ay hindi palaging ma-confetti. Hindi yan palaging masaya. Isipin mo na lang na sa kahit anong emosyong ipinaglalaban mo, malungkot ka man, masaya o sakto lang, mananatili pa ring trapik sa EDSA, iikot pa rin ang mundo at mauubos ang oras. Malungkot ka ngayon dahil naranasan mong sumaya kahapon. Isang pambihirang pagkakataon para pahalagahan mo ang bawat yugto ng buhay mo. Malungkot ka dahil paparating ka palang sa pinakamaaksyong climax ng buhay mo. Ang mahalaga, hindi ka man palaging masaya, may isang libong anggulo pa rin para ngumiti at tumawa. Bukas malay mo, hindi lang lumuhod ang mga tala, kumembot kembot pa.