Maganda ang plano Nya sa akin

Lagi ko itong iniisip. Maganda ang plano ng Diyos sa akin. Maganda ang plano Niya sa ating lahat. Kailangan lang natin ay ang magtiwala at kumilos.

Pero bakit may mga pagsubok pa rin? Bakit may mga sakit pa rin tayong nararanasan sa buhay? Bakit bumagsak tayo sa exam? Bakit hindi tayo naaappreciate ng mga boss natin sa trabaho? Bakit wala ka pa rin lovelife hanggang ngayon? Bakit hindi natin nakukuha ang mga gusto natin?

Madalas na tanong ko rin yan noon. Dumating pa nga sa puntong parang wala namang nangyayari sa buhay ko. Na kahit ilang beses akong magdasal, wala pa rin. Nawawalan na ako ng pag-asa. Doon tayo bumibitiw. Doon tayo nawawalan ng gana. Doon tayo susuko na.

Pero nagdasal ako na parang hindi ko na kayang humawak sa Kanya kaya sana, Siya na ang humawak sa akin nang mahigpit. Kasi alam kong never Niya akong bibitiwan. Sa kapit Niya at sa hawak ko sa kamay Niya, doon ko na-realize na hindi Niya naman ako pinapabayaan. AKO ANG UMAALIS SA KANYA. AKO ANG UMIIWAS.

Ganun naman eh. Parang paggawa ng bahay. Sa umpisa puro kalat, puro mabibigat na bato. Nakakapagod sa umpisa. Pero kapag hindi ka sumuko at nagtiwala ka sa Blueprint na gawa ni God, makikita mo ang magandang bahay at magandnag buhay na regalo Niya sa’yo.

In short, huwag kang susuko. Huwag kang titigil. Huwag kang bibitiw sa Kanya. Yakapin mo Siya. Isumbong mo ang mga nasa puso mo. Kausapin mo Siya. At lagi mong isipin na MAHAL NA MAHAL KA NIYA. 🙂

Mahal Niya tayo.

SaLASTmat?

Nagsulat ako ng mga salitang ni hindi ko maalalang nasulat ko. Madami pang salita ang naisulat ko (sa kalungkutan) pero binura ko dahil may prinotektahan ako ng mga panahong yun. Mas madaming salita pa ang mga naitago sa himpapawid na kailangang paliparin papalayo sa kung saan, maging ako, di ko maaalala.

Ngayon, para saan ito? Sa mga nakaraang taon, sinubukan kong tapatan ang bawat nararamdaman ko ng bawat salita na sa tingin ko’y maaaring tumumbas ng mga iyon. Matibay ang mga salita pero mas matibay ang emosyon sa likod ng mga salita. Gusto ko lang iparating ang taos puso kong pasasalamat sa pagtitiis, sa pagbabasa nito. Sinusulit ko lang ang bawat oras ngunit di ko ipipilit na ako’y mawawala.

Salamat sa pagbabasa kahit parang wala naman na akong isinusulat. Salamat sa pagche-check lagi nito. Salamat sa pagsheshare nito sa ibang mga kakilala ninyo. Salamat kasi yung mga salita dito, hindi na lang salita, kundi emosyon na dumadaloy sa akin, naipapasa sayo, sayo patungo sa kanya, sa kanya patungo sa madami pang iba.

Salamat. Sobrang sobrang salamat. Hayaan ninyo akong sabihing salamat ng sobra sa kalayaang ibinibigay ninyo para sa mga salita ko.