SalamatHSD

Ako na sa tingin kong efficient at may output araw-araw. Ako na sa tingin kong productive nang walang pagpapanggap. At ako na sa tingin kong ginugugol ang kalahati ng buhay sa pagtatrabaho para sa kakapiranggot na sahod. Pero… opinyon ko lang yun. Iba sa opinyon nila.

Naniniwala ako na walang maling desisyon sa buhay. Ito ay depende kung paano ka lang manindigan. Lahat tayo ay may choice. Choice na sa tingin nating tama sa mga panahong tayo ay agrabyado. Choice na sa tingin nating mas makakabuti para sa atin. Choice na sa tingin nating hindi tayo iniiwan at palaging naghihintay.

Bukas makalawa, ako rin ay aalis na.  Aalis sa lugar kung saan maraming masasayang ala-ala kasama ang mga piniling kaibigan.

Mahirap mang tanggapin, nakahanda na akong harapin ang panibagong hamon sa buhay ko. Pagkatapos ng mahigit anim na taon na pamamalagi dito sa kumpanyang aking minahal, isang panibagong bukas muli ang aking haharapin.

Lubhang napakahirap para sa akin ang desisyong ito at kinailangan ko ang panandaliang pagtahimik sa mga bagay na toh. Sa lahat din po nang sumuporta at gumalang sa aking pagpapasya, marami pong salamat sa pag-intindi.

Magiging madamdamin ang mga susunod na araw sa buhay ko. Susubukan ko na kasing simulan ang pagpapaalam sa mga taong naging bahagi ng aking pamamalagi sa kumpanyang ito. Mga taong nagbigay ng inspirasyon at kulay sa aking propesyunal at personal na mundo.
Sa mga taong nakasalamuha ko dito sa kumpanyang ito at sa mga line leaders na lubha akong pinahanga sa pagmamahal sa trabaho, taas kamay akong nagpupugay sa inyo.

Ano man ang mangyari sa napiling kong propesyon… ano man ang mangyayari sa paninindigang aking nadesisyunan, wala akong ibang masasambit sa ngayon kung hindi… “Salamat”.

History never really says goodbye. History says, ‘See you later.’
If you are brave enough to say goodbye, life will reward you with a new hello.