Pa-like naman po nito

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 1: May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 2: Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila. Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha!

Like 3: Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Panimula: Pangalawang Pagkakataon

Ngayon lang ulet ako nagkaroon ng pagkakataong makalikha muli ng isang blog, natagalan bago ako makagawa ng isang blog mula sa huli kong inilikha, marahil na din sa takbo ng buhay ko magmula nang inilathala ko ang huli kong iniakda, marahil na din sa busy sa trabaho, at sa mga bagay na minsan kinakain ako ng katamaran sa pag-iisip ng mga patungkol sa kung ano-ano at walang kwentang kwento pumpasok sa isip ko. Kaya eto ngayon, gumawa ako ng isang seryosong blog patungkol sa 2nd chance…..

 

Everyone deserves a second chance.

 
Siguro narinig mo na ang mga salitang ito, kahit sa tv man o sa kaibigan mong magaling magpayo pero wala namang love life. Ang tanong, totoo ba ito at dapat paniwalaan? Ilang beses ko na rin naitanong sa sarili ko yan, at heto ang sagot ko.

Sa isang maikling sagot, oo. Kahit na nalilito ka o nagdadalawang isip, sige na, bigyan mo na sya ng 2nd chance. Kagaya lang yan ng paniniwala na “kapag nagmamahal ka ng dalawang tao, piliin mo yung pangalawa, kasi kung mahal mo talaga at kuntento ka sa una, hindi ka magmamahal ng isa pa.” Dito naman, “Kung hindi mo alam kung bibigyan mo pa sya ng 2nd chance o hindi, bigyan mo, kasi ang totoo nyan ay gusto mo pa talaga syang bigyan ng 2nd chance, natatakot ka lang na sayangin nya yun at saktan ka nya ulit.” Ano may sense ba? Isipin mo, ganun naman talaga diba? Eh Ayoko Nga Masaktan Ulit…

Siguro iniisip mo, “eh pano kung di pa rin sya magbago? Pano kung sayangin lang nya yung 2nd chance na ibibigay ko at saktan nya ulit ako?” Tama, pwede ngang mangyari ‘yun. Pwedeng pinapaasa ka lang nya at wala naman talaga syang balak na ayusin ang buhay nya dahil sa 2nd chance na ibibigay mo. Pero kaya nga tinawag na chance, diba? Ang dapat mo lang isipin ay hindi lang ito chance para sa kanya, kundi chance din para sa iyo. Sa pagbibigay mo sa kanya ng chance, binibigyan mo din ang sarili mo ng chance na magawa ang isa sa dalawang bagay na ito:

Matanggap mo kung ano man ang hindi mo matanggap sa kanya. Kadalasan kaya sya humihingi ng 2nd chance ay dahil may bagay syang hindi magawa o hindi maibigay sayo. O kaya naman ay may nagagawa o ginagawa syang bagay na nakakasakit sayo. Kahit hindi nya pa rin ito maibigay o mabago, pwedeng matanggap mo sa sarili mo na ganun na talaga sya, at hindi na nya kailangan pa ng 2nd chance para magbago. Pwedeng ikaw ang magbago ng pananaw, at matanggap mo kung ano man ang mga pagkukulang nya.

Magising ka sa realidad na hindi na talaga masosolusyonan ng “chance” ang kung ano man ang problema nyo. Pag nangyari sayo ‘to, hindi mo na itatanong sa sarili mo kung dapat bang bigyan mo sya ng chance (3rd man o 4th o kung pang-ilan man yun), dahil alam mo nang hindi mo na sya kayang bigyan pa nito.

Kelan Dapat Hindi Magbigay Ng Chance?

Sa totoo lang, wala akong maisip na dahilan para hindi magbigay ng 2nd chance. Ang naiisip  ko lang ay para sa 3rd chance pataas, at ito ay kapag nagawa mo na ang letter B na sinabi ko sa taas. In other words, napagod ka na sa kabibigay ng chance at napagtanto mo na mapapagod lang kayo at masasaktan ng paulit-ulit kahit na ilang beses nyo pa subukan. Hindi lang yun, ikaw mismo ay pagod na, ngayon na. Tandaan, hindi ko sinasabing sumuko agad kayo. Ang gusto ko nga e laban lang ng laban hangga’t kaya pa. Try lang ng try hanggang sa makuha nyo ang tamang timpla ng samahan nyo. Pero pag dumating ka na sa point na ubos na ang lakas mo at sigurado ka na na nagpapantasya ka na lang na maaayos nyo pa ang problema nyo, aba’y tama na.

Pero pag dating sa 2nd chance, naniniwala ako na at least a 2nd chance is deserved by everybody. Kahit gaano pa kasama yung taong yun, at kahit gaano kagrabe at kasakit yung ginawa nya sayo, naniniwala ako na kayang magbago ng isang tao. Isipin mo na lang kung ikaw yung taong humihingi ng chance. Isipin mo na masama kang tao nung una, at sobrang nasaktan mo yung taong hinihingan mo ng chance. Tapos isang araw nagising ka, at narealize mo lahat ng pagkakamali mo, at nangako sa sarili mo na magbabago ka na. Pero wala na, ayaw na nya, napuno na sya sayo. Lumapit ka ngayon sa kanya, humihingi ng isa pang pagkakataon, para itama ang mga mali, buuin ang mga sira at punan ang mga pagkukulang. Alam mo sa sarili mo na gagawin mo ang lahat. Kahit anong mangyari ay magtatagumpay ka sa pagbabagong ito. Pero ayaw na nya, at hindi ka nya binigyan ng isa pang pagkakataon. Habang buhay kang magsisisi at manghihinayang sa isang bagay na nawala sayo nang wala kang nagawa. Hindi mo nasubukang patunayan sa kanya at sa sarili mo na kaya mong magbago. Masakit diba? Ayaw mong mangyari yun sayo, at sana ayaw mo rin mangyari yun sa iba. Kaya nga dapat natin magbigay ng chance.

Huling Salita

Aray. Mahirap masaktan. Mahirap din umasa. Pero mas mahirap mabuhay sa pagsisisi at pagtataka. Kung may humihingi sayo ng 2nd chance, at hindi mo binigyan, makakatulog ka ba ng mahimbing sa gabi? Hindi ka ba magtataka kung ano kaya ang nangyari kung nagbigay ka ng chance? Pano kaya kung nagbago sya talaga at naging happy ever after na kayo? At sa huli, kahit na sayangin nya ang chance na ibibigay mo, at least masasabi mo sa sarili mo na “I gave him/her a chance.”

Sinasabi ko ito bilang isang taong makailang beses na humingi ng 2nd chance sa iba’t ibang tao, ang nahingan na rin ng 2nd chance. Alam ko ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan at ang manghinayang sa hindi pagbibigay ng 2nd chance. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagbigay sakin ng 2nd chance, at nagtiwalang muli ka kabila ng mga bagay na ginawa ko. At dahil dun, ipinangako ko na rin sa sarili ko na magbibigay ng 2nd chance sa kung sino man ang manghingi nito. Pero tandaan, 2nd chance lang ang usapan dito. Sa 3rd at mga kasunod, kayo nang bahala dun. Haha.

So yun lang. Sa madaling salita: Oo, bigyan mo pa sya ng 2nd chance kung humihingi sya. Bigyan mo sya dahil nagtatanong ka pa imbis na tapusin na ang lahat. Bigyan mo sya para mabigyan mo din ang sarili mo. Bigyan mo sya para mapanatag ang loob mo. Bigyan mo sya dahil lahat tayo ay nagkakamali, pero lahat din ay pwedeng magbago.

Balik Tanaw: Dirty Ice Cream (Isa sa pinaka-paboritong pagkaing kalye)

imagesImage Source: Ang Mamang Sorbetero sa Manila Bay

Maraming klase ng street foods o mga pagkaing kadalasang inilalako sa kalye. Fishballs, kikiam, proven, kwek-kwek, tokneneng, adidas, betamax, ice candy, ice scrambles, snowbol, manggang hilaw, singkamas na may alamang at iba pa. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa. Pero isa na siguro sa pinaka-popular ang dirty ice cream. Sigurado ako, kahit sino ang tanungin mo ay nakakain na ng ice cream na inilalako sa kalye.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dirty ice cream sa normal na ice cream? Bukod sa may kalakip na alikabok ng lansangan at mapagpala at pinagpapawisang kamay ni Manong Sorbetero, mabibili mo ang dirty ice cream sa mura at kayang-kayang halaga. Naaalala ko noon, sa halagang tatlong piso ay meron ka nang dirty ice cream na nakalagay sa isang maliit na apa. Pinagbabawalan pa kaming kainin ‘yung dulo ng apa dahil marumi daw ‘yun (may kulangot daw umano) at hinawakan kasi ni Manong. Meron ding dirty ice cream na nakalagay sa isang plastic cup (na kadalasan ay kulay berde o dilaw) at may kasama pang wooden scoop kaya kung ikaw ang tipo nung kumakain na ninanamnam pati ang pangsubo ay malalasahan mo talaga ang kahoy na ito. At meron ding dirty ice cream na sa malaking apa naman nakalagay at nagkakahalaga lamang ng limang piso. Oo, five pesos lang ang pinakamahal na dirty ice cream noon. Halos magkapareho lang ng minimum fare noon. Isipin mo, sa halagang sampung piso pala eh makakabyahe ka na, makakapagmeryenda ka pa ng ice cream. ‘Yun nga lang, wala nang uwian kasi wala ka nang pamasahe pauwi. Atsaka hindi ka naman siguro babyahe para lang kumain ng dirty ice cream.

Anu-ano ang kadalasang flavors ng sorbetes? Normal na sa mga ito ang flavors na tulad ng cheese, ube, at syempre, ang kakaibang sipa ng chocolate, Chok-Nut style. Napatanong ako, bakit kaya hindi sila gumawa ng dirty ice cream na tulad ng cookies and cream, coffee crumble, at iba pa? Sa tingin ko, mukhang kaya naman eh.

Naaalala ko noong bata pa ako, minsan pagkatapos ng eskwela ay diretso na kami sa labasan para bumili ng sorbetes kay manong. Nasabi kong minsan lang, kasi madalas namang dumadaan ang karo ng sorbetes ni manong sa lugar namin noon. Kapag narinig na namin ang kalembang ng karo ni Manong ay lalabas na kami para bumili ng itinitinda nyang Dirty Ice Cream.

Masarap talagang kumain ng ice cream ng 3-in-1 plus 1 at Magnum ng Selecta, Magnolia at Nestle Ice Cream Products. Pero minsan ay hahanap-hanapin ng panlasa mo ang ice cream na nabibili sa kalye, ang ice cream na may kasamang usok ng sasakyan, ice cream na may kasamang alikabok sa daan..ang ice cream na sariling atin.

Pero paano kung nalaman mong may ice cream kayo sa loob ng Ref, at matapos mong buksan, ganito yung nakita mo?

9aqm4kImage Source: Anong mararamdaman mo?

Image Source : Mamang Sorbetero (Featured Image)

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling tigpipisong asukal sa tindahan ngunit mas mataba pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Noong bata pa ako, naglalaro sa piso hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi mga bata nuon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pineapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at chocolate. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kaibigan ko noong elementary na sipunin.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng nanay ko. Sa plastik ng yelo n’ya inilalagay ang tinimplang Milo.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore halimbawa ay ang dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik), o kaya adobo flavor tas may mangangata kang paminta.. Ang cool!

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas. Laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa plastik ng yelo. Nakakamiss lang..

imagesAng larawan ay nagmula sa my_sarisari_store.typepad.com

Ang Nakaraang First Move MO!

Ayon sa sarili kong statistically (na gawa-gawa ko lang at depende na lang sayo kung maniniwala ka?) na 89.21% ng mga lalaki ay gusto na ang babae ang gumawa ng first move, at proven rin na ayaw na ginagawa ito ng mga babae. Kaya wala talagang mangyayari sa atin kung hindi tayo gagawa ng first move. Gaya ng madalas na nangyayari sa ating mga kalalakihan:

Ang Senaryo: May maganda kang kaopismeyt o kaya sa iisang kumpanya kayo nagtatrabaho, as in yung hindi ka mkamove-on sa sobrang ganda, at nagpakita na sya ng Tanda ng pagkakaroon ng interest sayo o sabihin na lang nating IOI which means Indicate of Interest tulad ng nahuli nyo ang isa’t isa na nagkatinginan at nakangiti pa kayo nung nangyari un, or madalas kayong tumabi sa isa’t-isa kahit ang daming bakanteng upuan. Parang Destiny ba…

Problema: May kaopismeyt ka rin na pumoporma sa kanya, as in un deretsahang kapalmuks na pamomorma, at aminado ka sa sarili mo na mas gwapo sya sa iyo. Ano ang gagawin mo?

Solusyon: Hintayin mong ma-isolate yung babae then pag siya nalang mag-isa kumustahin mo sya like “Saang project ka napapunta?” or “musta yung trabaho mo ok ba?” tapos saka mo deretsahin ng “pedeng makuha number mo?” *IMPORTANT: panatilihing maikli ang paghingi ng number kunde kakainin ka ng katorpehan mo, tuluyan mo ng hindi makukuha ito.* 95% of the time ibibigay nya yon dahil sa mga IOI na pinakita nya, un remaining 5% na rejection ay mangyayari lang kapag may boyfriend na sya or sasagutin na nya yung kumag na pumoporma sa kanya (at yun yung kaopismeyt mo din..saklap!).

Alternatibong Solusyon (inirerekomenda sa mga taong TORPE tulad ko): Kilalanin mo ang bff nya, pag kilala mo na kaibiganin mo, pag kaibigan mo na saka ka magtanong tungkol sa department o project na ginagawa nya upang sa gayon kilala mo na sya kahit papano. Kung close na kayo ng kaibigan nya, saka mo hingiin yung number ng subject (ung motibo) mo sa kanya.

Ang totoong mangyayari: Hindi mo makukuha ang number nya kung ikaw lang mag-isa trust me. Kailangan mo ng kaibigan pra maboost ang confidence mo at kapag mayroon ka na non, hindi mo na kailangan sundin ang solution kahit ang alternate solution na yan.

Ang kalalabasan pag nangyari na ang totoong mangyayari: Sisisihin mo ang karuwagan, katangahan, at kaotorpehan mo.Sinasabi na nga ng universe na gusto ka rin nya eh bat di mo kayang makipagusap sa kanya? Bopols ka pla eh, bano, ugok, tongek, tungaw, kumag, ogag, tapos hanggang ngayon iniisip mo pa rin ang totoong nangyari at gagawan mo ito ng sanaysay na ipopost mo sa facebook, twitter, instagram, multiply, friendster, tapos magiging instant blogger ka na din bigla. Pero un mga nkamove-on na magcocomment at tatawa na lamang sila.

Note: Kumanta ng Torpedo ng Eraserheads habang nagmumukmok sa sa sulok ng alin mang bahagi sa inyong bahay at kumakain ng sinukmane:

..Pasensya na
Kung ako ay
Di nagsasalita
Hindi ko kayang sabihin
Ang aking nadarama..

..Huwag mo na akong pilitin
Ako ay walang lakas ng loob
Para tumanggi
Walang dapat ipagtaka
Ako ay ipinanganak
Na torpe
Sa ayaw at hindi..

first-move

Buko Pie ka ba?

Maraming bagay na espesyal sa mundo. Actually, bata palang tayong lahat, pinapaalala na sa atin ng lahat ng nasa paligid natin na espesyal tayo. Kaya naman kapag bumbyahe ka sa katimugang tagalog, lalo na parteng laguna lahat ng Buko Pie, ay special.

So ano nalang ang regular na buko pie?

Ganito din ang pakiramdam nating lahat kahit nasan tayo. Pag nasa pila tayo sa mga serbisyong handog ng gobyerno at mabagal ang pila, ilan satin ang magrereklamo at paulit ulit na sasambiting nagbabayad naman tayo ng tamang buwis. Ganun din naman sa mga restawran; nagbabayad ako, bakit ganito ang trato n’yo sakin? espesyal dapat ako diba?

E naisip mo na bang lahat ng ibang kasama mo sa pila, pati na ‘yung mga nangangasiwa ng pila ay nagbabayad din ng buwis? Pano ‘yung ibang kasama mong kumakain ng payapa, na nagbayad ng perang pinaghirapan din nila tulad mo, na gusto lamang ay kumain ng payapa at masarap?

Hindi naman ako nagmamaneho mula ng pinanganak ako, at malaking bahagi ng buhay ko ang naigugol ko sa loob ng mga pampublikong sasakyan, at lalong marami pa ang iginugol ko sa pagtayo sa sakayan ng bus, pila ng jeep o Taxi. Minsan din naging bahagi ako ng “special” na lupon. Sino ba itong mga Special na tao na ito?

Sila yung mga naghihintay ng sasakyan sa isang lugar na hindi dapat hintuan ng kahit anong sasakyan dahil gumagawa ito ng trapik Kadalasan ang mga lugar na tinatambayan ng mga Special na tao para maghintay ng masasakyan ay ang mga kanto.

Sa unang bahagi ng taon na ito, pinasinayaan ng MMDA ang Southwestern Integrated Bus Terminal, o in short, ang parking lot ng nabubulok at punong puno ng kaso at malisyang Coastal Mall sa Paranaque. Sa unang araw ng pagpapatakbo nito, nagkaron ng malaking kaguluhan sa kanto ng Airport Road at Roxas Boulevard dahil ang mga byahe ng bus na mula ng Cavite na dati’y nakakatuloy sa Lawton sa Maynila, at napuputol na ang linya sa Coastal Mall. Mula doon, ang mga kababayan nating kabitenyo na papunta sa kanilang mga trabaho’t paaralan ay kailangan nang sumakay ng isa pang beses patungo sa paroroonan nila. Sa totoo’y walang kaso ang sistemang ito in theory, pero lumabas ang problema sa application nito, nang makitang hindi gingulan ng pag-a-aral ang implementasyon nito. Pero ok lang, sanay na ang mga tao ngayon, hindi ba?

So ano yung naging kaguluhan? Tumawid ang mga tao mula sa Coastal mall, at sa kabilang dako ng Roxas Boulevard nag-abang ng kahit anong sasakyan na patuloy ang byahe papuntang Maynila, o Makati — Jeep, FX, Pedicab, kahit ano. Mabilis na lumapad ang nasasakupan ng walang masakyan, na naghihintay sa gitna ng kalsada. Kinalauna’y nakain na nila ang tatlong lane ng Roxas Boulevard, at nagdudulot na ito ng trapik. Unahan kasi ang sistema sa ganito.

(at balik na naman tayo sa pag-iisip ng kung ano-ano basta tungkol sa trapiko)
Ayun. Unahan. Ang pinakamahalagang skill na matutunan mo sa pagiging commuter sa kalakhang maynila: Kailangan magaling ka manguna sa pagsakay. Hahabol ka ng bus, ng jeep, ng FX. Kailangan may strategy ka kung pano mong mauunahan yung aleng kanina pang nakatayo sa tabi mo at maraming dala, kasi pag naunhan ka niya, ikaw naman ang hindi makakauwi ng maaga. Bakit? Special ka kasi. Pakelam mo ba sa sakanya? Haha!

At diyan po nag-u-ugat ang lahat. Sa madaling salita, pwede natin itong tawaging  isang kundisyon ng pagiisip kung saan wala tayong ibang iniisip kundi ang sarili nating kapakanan, at wala na tayong pakialam pa sa ibang bagay.

Ito ang iba’t ibang panig ng isang tipikal na pag-para ng isang sasakyan sa kalsada:

1. Mula sa pananaw ng pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik.

2. Mula sa pananaw ng limampung iba pang pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik. o diba’t umulit lamang ang sinabi ng nasabi sa unang sinabi sa unang talata ng iisang pasahero.

3. Mula sa pananaw ng konduktor.
SouthMall, SouthMall, SouthMall! Kita, kita, kita!

4. Mula sa pananaw ng bus driver (A)
Hihinto lang naman ako sandali para magsakay ng pasahero. Masyadong malaki itong sasakyan ko kaya hindi ko maigigilid ng maayos, bukod pa dun, baka makasagi ako ng tao. Wala akong ibabayad sakanila pag nagawa ko yun. Sandali lang naman akong hahambalang e. Atsaka baka maunahan ako ng mga kakumpitensya kong bus.

5. Mula sa pananaw ng bus driver (B)
Tangna niyong lahat, naghahanap buhay ako ng marangal.

6. Sa pananaw ng traffic enforcer (A)
Gago to a, kung makahinto, akala mo kanya ang kalsada. Huy! *pito sa silbato* Ay, andami palang tao. Kawawa naman sila. O baka naman kaya pag nagmatigas ako sakanila magalit sila sakin at kuyugin ako. Sige, hayaan ko nalang sila. Kung ako naman ang nasa sitwasyon nila gugustuhin ko ding makasakay agad e.

7. Sa pananaw ng traffic enforcer (B)
Loko to a, di pa ‘to nagbibigay ngayong araw sakin a. Hoy! *pito sa slibato* Konduktor! Lika dito! *tahimik na usapan sa gilid ng bus para walang makakita at makakuha ng litrato*

8. Sa pananaw ng drayber ng sasakyang nasa likuran ng bus
PUT*NGIN****! *busina ng malakas at mahaba*

9. Sa pananaw ng pasyente sa ambulansyang naiipit sa likod ng trapik na ginawa ng bus.
*Nagflaflashback na ang buong buhay nya*

Kung sumakay ka, bababa ka din. At kadalasan, isa rin ito sa mga sanhi ng trapik. Isa ito sa mga kulturang pinoy na kaakibat na ng sagisag nating Jeepney.

Ang prangkisa ng karamihan sa mga Jeepney na bumabyahe sa mga lansangan ng Metro Manila ngayon ay pang-maiikling distansya lamang. Ang tawag dito ay secondary mode of transporation, ewan ko lang kung tama yung pagkakatawag ko dito o ito ay sadyang gawa-gawa ko lamang, sa pagitan ng primary, o yung mga mahahaba ang byahe katulad ng mga Tren at Bus, at mga tertiary o yung mga specific locations ang binabyahehan, tulad ng mga Padyak o ang tinatawag na pedicab at Tricycle. Ang konsepto ng transportasyon natin sa Pilipinas ay ganito: sasakay ka ng tertiary mode papunta sa secondary, papunta sa primary, na ibaba ka naman sa secondary, na ibababa ka sa tertiary. Kaiba ito sa mga transport system ng mga karatig bansa natin kung saan puro primary lang ang mayroon, pero naseserbisyohan ang halos lahat ng lansangan. Pagbaba mo, maglalakad ka.

Ang mga primary at secondary modes of transportation ay may nakatalagang babaan at sakayan, tulad ng mga waiting shed at mga transport terminal tulad nalang ng mga nasa mall. Pero dahil nga SPECIAL tayo, iba-bypass nating lahat ito at kakalimutan ang mga loading at unloading zone. Bababa ako sa harapan ng tindahan ni Mang Kanor, kaya dun ako papara eksakto. Wala akong pakialam kung ang kalsadang dinadaanan ng Jeep na ito ay dalawang lane lang, isa para sa bawat direksyon; ang importante, bababa ako sa pupuntahan ko at hindi na ‘ko maglalakad. Special ako e. Yan din ang dahilan kung bakit ang mga waiting shed natin sa kalsada ay punong puno lang ng mga naglalako ng kung ano ano, o di kaya naman ay playground ng mga bata. Sa España sa Sampaloc sa Maynila, ginagawa din itong garahe ng mga motorsiklo at Tricycle, o diba ang galing.. Pinas yan e.

Sabihin na din nating ginamit natin ang mga tamang lugar ng paghihintay ng sasakyan. Gaano ka naman kasiguro na yung drayber ng sasakyan mo ay hindi Special? Isipin mo nalang ito: ayon na din kay Google, sa Quiapo, sa Maynila, malawak ang kalsada. Dinesenyo ang Quezon Boulevard (oo, sa mga hindi nakakaalam, ito ang pangalan ng kalsadang iyon) mula sa kanto ng Lerma hanggang sa Panahan ng Quezon Bridge para sa apat na tatlong lane na dumadaloy at isang lane para paghinto ng mga sasakyhang pampubliko, alintana na ngang isa itong major hub sa kalkhang Maynila. Pero kadalasan, baligtad ang nagaganap; isang lane lang ang dumadaloy, at tatlong lane sa kanan ang puno ng mga nakahimpil na bus, jeep, FX, padyak, kuliglig at tricycle. Special kasi sila at naghahanap buhay sila ng marangal, kaya hindi mo dapat pigilan ang pag-istambay nila dun upang makalikom ng tamang dami ng mga pasahero para kumita. Sa kabilang banda, hindi rin naman maglalakad ng malayo ang mga pasahero para makasakay, kasi… special kami, at nakakatamad.

Oo nga pala, yung isang lane na dumadaloy? Humihinto pa ‘yun pag may bus na lalabas at lalarga na, kasi sasakupin nya yung umaandar na pila para makaalis.

So paano natin babaguhin ito? Simple lang naman, at simula’t sapul tinuturo na ito sa atin ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan. Gumamit kasi tayo ng bus stop at terminal. Ilang Loading-Unloading bay na ba ang ipinagawa ng mga namumuno sa MMDA sa EDSA? Ilang Rapid Bust Transit na ang ipinatupad ng MMDA mula pa sa panahon ng MMDA ni Fidel Ramos nung 90s? Ilang color coding, number coding, at kung ano ano pang solusyon ang naisip ng mga pinuno natin para lang ma-isaayos ang mga lansangan ng Metro Manila? Kung tutuusin lahat ng pinatupad na ganito ay mabisa, subalit ang nagiging problema nalang natin ay ang mismong mga dapat sumunod dito… kasi ayaw nilang sumunod.

Bakit nga ba sa Business District ng Republic of Makati e maayos ang transport system kahit paano? Minimal pa ang infrastructure na ipinagawa nila para dyan ha. Pero sumusunod ang mga tao. Gayun din naman sa bayan ng Olongapo sa Zambales. Political will lang ba ang solusyon dito? Hindi.

Special nga kasi tayo. Kailangan nating makarating agad sa pupuntahan natin, at dapat maintindihan ito ng lahat ng tao. Ang kaso mo nga, pare-pareho din tayo ng iniisip. Kaya ang resulta, gulo. So anong pinagkaiba natin sa Special na Buko Pie?

Da Moves 101 (HSD Version)

Wala kong magawa sa mga oras na toh kaya naisip kong gumawa ng isang Da-Moves na galawan para sa’yo, sa katabi mo, sa kausap mo o sa magbabasa nito, ito ang mga iilang mga bahaging naisip ko:

 

  1. Kapag nahuli ka niya na tumitingin sa kanya, ibig sabihin tinitingnan ka din niya. Hindi ka naman niya mahuhuli kung hindi ka niya tinitingnan. Sabay banatan mo ng, “Huli ka! Tinitingnan mo ako ah!”
  2. Huwag gawing excuse ang katorpehan para hindi masabi sa kanya ang nararamdaman mo. Kapag nasabi mo na, tapos na ang problema mo. Kung ano ang isasagot niya, problema niya na ‘yun.
  3. Try mo’ng kausapin yung taong gusto mo, o yung kras mo mapatrabaho man o skulmeyt. Wala namang mawawala (baka magkaroon ka pa). Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Baka ma-analysis-paralysis ka at maunahan ka pa ng iba. Sige ka, ikaw din.
  4. Kung pinanganak kang torpe, at feeling mo ganyan ka na habang-buhay, tang*na, good luck sa’yo. Bihira ang babae na magta-tyaga sa taong torpe. Kung may mag-tyaga man sa’yo, good. Malas mo lang kung hindi mo siya type. Torpe ka kasi eh. Hahayaan mo na lang ba na ganyan? Note: Ang pagbabago ay nagsisimula sa sarli. Kailangang gustuhin mo muna
  5. Utang na loob, matuto kang MAGPATAWA! Gusto ng mga babae yung mga lalaki na napapatawa sila – nakakagaan kasi sa pakiramdam nila iyon. Kung pinanganak kang korni, kailangan mo ng matinding practice. Hangga’t maaari humingi ng tulong sa mga taong magagaling pagdating sa may sense of humor. Magpaturo kay kwan.
  6. Sabi ng titser ko dati sa Psychology way back college, kung mahal mo daw, ipaglalaban mo. Palagay ko, kulang iyon. Dapat ipaglaban mo na maging masaya siya, hindi ang maging masaya ka. Magiging Selfish ka nyan kung nagmamahal para sa sariling kasiyahan mo lang ang iniisip mo.
  7. Huwag mo nang pag-isipan nang sobra-sobra kung ano’ng dapat mo’ng sabihin sa kanya. Lalo ka lang matatameme at lalo lang masasayang ang pagkakataon.

 

Ang mga techniques, skills, strategies o kung anuman ang gusto mo’ng tawag dito, ay gumagana lamang kung gusto mo na magkaroon ng instant connection sa opposite sex. Pero kapag “tinamaan” ka na ng matinding pana ni kupido, makakagawa ng iyong sariling creative ways para sa kanya.

Ang mga iilang halimbawa ay mga pawang isip ko lamang, nasa sayo pa din naman kung gusto mong gawin ang nasabing talata. Pero kung ako sayo kapatid magDa-Moves ka para sa sariling kakayahan mo. Mag-effort ka. Wag ka muna humingi ng kapalit kung sakaling nakagawa ka ng mga bagay na nagpasaya ka sa kanya, pero atleast nasabi o nagawa mo yung part mo para sa sarili mo diba? Siguro ang magiging problema na lang niya ay yung kung ano ang isasagot nya para sa’yo. Pero mas ok na yun, kesa naman magsisi ka sa huli diba? Apir. Go lang ng go!