Ay Yab Yu

Paunang Salita (ano ito? Libro?! hahehaha!)

Several months ago, nangako ako na gagawa ako ng isang blog (tungkol sa mga kwento dapat nyong abangan). At ito ang tinatakbo ng utak at puso ko ngayon kaya ito ang una kong sinulat. Ang pangako ay pangako at pipilitin at sisiguraduhin kong matupad iyon….

Naglalakad ako pauwi sa boarding house na tinutuluyan ko, pero bago ako dumiretso nang uwi, dumaan muna ako sa tindahan ng kanin at ulam. Nakita ko yung pinakamalapit na bilihan, mga limang bahay lang siguro ang pagitan mula sa tinutuluyan ko. Unang beses kong magboard, solo ko yung kwarto at karamihan pa nang katabing kwarto ko eh taga-ibang university o di kaya ay trabahador sa isang malapit na mall. Malayo kasi sa pinapasukan kong university yung tinutuluyan ko, dalawang sakay sa tricycle at isa sa jeep, mga 20 – 30 minutes sigurong biyahe. Sa kamag-anak kasi namin yung apartment, napakiusapan na bantayan ko, libre na ako sa bayad, sakripisyo nga lang sa biyahe. Sa maikling paliwanag, wala akong kaclose o kakilala sa bagong mundong pinili kong galawan.

Pumili na ako ng ulam, siyempre karne, ang isip ko kasi noon, kung kakain ka sa labas at babayaran mo ito, hindi sulit kung gulay lang ang bibilin mo (maniwala ka sa akin, mali ang paniniwala na yun). Isang order ng sisig, isang kanin at isang mahabang saging na lakatan. Isinupot nung ale na sa tantya ko eh nasa late 30’s o early 40’s na. Nag-abot ako ng 100 pesos, ngumiti yung babae at tinanong kung wala daw ba akong barya. Umiling ako at humingi ng pasensya, sumagot naman yung babae ng ok lang. Nagpaalam siya na papasok sa loob ng bahay nila. Nasa harap kasi ng bahay yung tindahan nila, tapos sa may bandang gilid may ilang lamesa na marahil kasya lang ang mga sampung tao. Maya-maya, narinig ko yung ale na may tinawag, ang sabi “Bunso, abot mo nga yung sukli dun sa bumili”. Ilang segundo lang, nakarinig ako ng mga yabag na may kabigatan, hindi ko alam kung nagdadabog ba yung inutusan o talagang ganun lang talaga siyang maglakad.

Maya-maya, humarap sa akin ang isang babae na nasa edad 13 – 16 siguro, medyo may katabaan ng konti pero di mo naman matatawag na obese. Hawak niya sa kamay niya ang 20 pesos at ilang pirasong barya, hinala ko yun yung sukli ko. Huminto siya nang malapit na siya sa akin. Tumitig na parang pinaghalong takot o pagkalito. Naisip ko baka nalilito siya kung sino aabutan ng pera. Bahagya kong tinaas ang kanang kamay ko at ngumiti sa kanya at sinabing “sa akin yung sukli”. Pero di yata nakatulong, bigla siya namula, tapos nakayuko na iniabot ang sukli sa akin sabay talikod at takbo pabalik sa loob ng bahay.

Nagtataka ako na tumalikod at nagsimulang maglakad. Iniisip ko nga kung ano ba ang itsura ko? Nakauniform ako ng white, tapos black pants at leather shoes. Baka naman takot siya sa nurse? Kasi nursing uniform suot ko. O baka naman mukha na akong rapist o goons? Huling check ko naman ok naman itsura ko, may manipis na tumutubong bigote pero di naman siguro matatawag na bigotilyo para i-classify na isa sa alagad ng kontrabida o presidente ng goons. Nagtataka pa din ako, at medyo natawa, para talagang natakot siya.

Kinabukasan, mga bandang 5:30 pm nang bago ulit umuwi sa boarding house ay dumaan ako sa tindahan nila. Nakita ko siyang nakaupo sa tabi ng ale na nagbebenta, hinala ko eh mama niya. Naabutan ko pa nga silang nag-uusap noon. Sabi ng mama niya, “Ayaw mo ba manood ng TV sa loob? Pumasok ka na kasi doon, maiinip ka dito. Dati naman ayaw mo nagbabantay dito? Bakit ba bunso?” Dumating ako at nagsimulang magbutinting ng takip ng mga kaserola. Nagsimula akong iangat ang mga takip ng kaserola, tumingin kay ate at ngumiti nang makapili na ako. Napansin ko nawala na naman yung anak niya, natakot na naman yata sa akin.

Ilang linggo din na ganun lagi ang nangyayari, tuwing dadating ako andoon siya, pero biglang tatakbo papasok sa loob ng bahay nila kapag bibili na ako. Madali ko nakasundo yung nanay niya at nakasanayan ko na ding tawaging ate. Minsan, tinanong ako ni ate kung anong pangalan ko, nagpakilala naman ako at magalang na sumagot. Nakangiti si ate at parang may sinisilip sa may bintana nila. Gawa na parte na yata ng pagiging ako ang pagiging mapagmasid, sinundan ko ng tingin ang pasimpleng nililingon ni ate. Nakita ko nga siya na nakasilip sa may bintana, at nang makita niya akong lumingon ay bigla siyang nagtago sa likod ng kurtina. Nangiti si ate, marahil nakita ang naging reaksyon ng anak niya. Nung hapon na yun, hindi ko alam kung tama ako, pero parang mas madami ang laman ng order ko na adobo habang ang isang tasang kanin na order ko ay parang naging dalawa.

Buwan ang lumipas bago nangyari na kinausap niya ako. Ganun pa din ang scenario, nakatabi siya sa Mama niya, bumili ako. Inaasahan ko na tatakbo ulit siya papasok sa bahay, sisilip sa bintana hanggang makaalis ako. Pero hindi siya umalis. Hinayaan ko lang, kunyari di ko siya napapansin, ayaw ko kasi mailang na naman siya sa akin. Nakapili na ako ng ulam, nang maghanap ako ng saging.

“Naku, naubusan ka na.”

“Ganun po ba. Sayang, paborito ko pa naman yun” sabay ngiti dahil napansin ko nakatingin siya sa akin.

“Bu-bukas… tiran.. kita sa-saging” unang beses ko siya narinig nagsalita. Ngumiti ako sa kanya. Pagkaabot ng sukli tumalikod na ako.

Nilingon ko pa siya, nakatingin pa din siya sa akin at wari ay sinusundan ang bawat hakbang ko. Noong araw na yun, napatunayan ko na special nga si “bunso”. Kinabukasan, pagbili ko ulit sa kanila, may saging nga, tatlong piraso at nakalagay pa sa box, siya pa mismo ang nag-abot sa akin. Babayaran ko pero ayaw tanggapin ng mama niya, sabi gift daw yun ng bunso niya. Ilang araw pagkatapos noon, naikwento nung mama niya na isinilang ang bunso niya na may mental retardation, sabi pa may ilang signs din daw ng autism na nakita, buti nga daw ngayon nagsasalita na ito, pero pautal-utal lang.

Mula noon, tuwing bibili ako sa kanila, madalas may inaabot siya. Minsan ilang pirasong chocolates, candy, pastillas, minsan kahit nga chicharon o extrang ulam, basta may inaabot siya sa akin. Iniisip ko noon, siguro natutuwa siya sa akin, kaya kahit gaano pa ako kapagod, pinipilit ko ngumiti at medyo makipagbiruan sa kanya, o kaya tumawa habang nakikinig sa pautal-utal niyang kuwento. Pilit kong pinaramdam sa kanya na normal siya sa tingin ko at walang problema.

Unti-unti naging malapit siya sa akin, kahit na sa hapon o sa gabi lang niya ako nakikita, lagi siyang nag-iintay na bumili ko. May araw pa nga na nagpasama siya sa mama niya sa boarding house namin dahil ilang araw daw ako na di bumibili. Noong panahon na yun kasi panay ang overnight ko sa boarding house ng ilang kaklase para sa mga projects. Pag-uwi ko, nakita ko na lang ang tatlong pirasong saging na nakasabit sa doorknob ng room ko.

May pagkakataon pa na niyaya niya ako dahil birthday yata ng kuya niya. Balak ko nga matulog na noon, dumaan lang ako sa kanila para bumili ng yelo, pero inaya nya ako. Sabi ko magbibihis lang ako at babalik ako, di siya pumayag na umalis ako. Sinamahan pa niya ako na umuwi sa boarding house, nag-intay sa labas habang mabilis akong nagbihis sa room ko. Pagbalik ko nakangiti siya, bakas ko talaga sa kanya yung saya, kaya pinilit ko na ding mag-enjoy. Nabanggit niya dun na ilang linggo na lang birthday na din nya. Pautal-utal niya akong niyaya at sinabi na dapat present ako sa birthday niya.

Madali namang akong tumango at nangako, sa loob ko, totoo naman na gusto kong pumunta. Nung gabi na yun, kinausap din ako ng mama at kuya niya, nagpasalamat sa pagtitiyaga ko daw sa kakulitan ng kapatid nila. Humingi din ng dispensa, dahil alam daw nila, aminin ko man o hindi, minsan sobrang kulit na ng “bunso” nila. Ngumiti lang ako at sinabing, “ayos lang naman po, mabait po siya, natutuwa nga po ako sa mga kwento niya”.

Nagpaalam na akong umuwi dahil malapit na ding mag-alas diyes. Maglalakad na sana ako nang makita ko siya na pasunod sa akin. Sabi ko, “saan ka pupunta? Uuwi na ko.” Nakangiti siyang sumagot ng, “a-atid kitaw.. dye-yi-kadyo dyito”. Tumawa ako at sinabing malakas ako at kaya ko kahit sino ang kalaban. Tumawa din siya at sinabing, “ang-pa-chat mo nga.. pa-ya ka lang-tsing-ting”. Tumawa din ako ang kunyaring kinurot ang pisngi niya.

“Kulit mo bunso, sige na, balik ka na doon, uuwi na ako.”

“Ahm…”

“May sasabihin ka ba…?” Tumango siya. Nag-intay ako.

“Yab mo ba ko?” bulol siya pero malinaw ko yung narinig. Nung panahon na yun, wala ako kahit katiting na malisya na sumagot sa tanong niya.

“Oo naman, love kita. Bunso kita di ba?” nakangiti pa din ako sa kanya. Yumuko siya, nang mag-angat ng mukha, nakangiti siya at tumango. Nagba-bye siya sa akin, habang ako, nagtuloy na lumakad.

Ilang araw na lang, birthday na nya kaya naghanap na ko nang ireregalo sa kanya. Nagpatulong pa ako sa isang kaibigang babae para lang masiguro ko na ok sa kanya yung ibibigay ko. Ok naman ang sched ko, 7am to 3pm ang duty ko noon sa hospital, sakto lang, 3 pm daw start ng party nya. Pero ilang araw bago ang eksaktong petsa, nagkaroon nang reshuffling ang duty schedule, naging 3 pm to 11 pm ako, tapos may klase pa ko sa umaga noong araw na yun mula 8 am to 1:00 pm. Sinabi ko yun sa mama niya, naintindihan naman, pero di ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na di ako makakapunta at di ko matutupad ang pangako ko. Sinabi ko sa kanya, at tulad ng dapat asahan, tantrums, isang malaking tantrums. Noon ko lang siya nakitang ganun, nagwawala at halos gusto na ibato lahat ng kaserola at kaldero sa akin. Naabot nga nya ko sa braso at nakalmot. Nagalit ang mama niya at binitbit siya sa loob. Nag-aalala ako sa kanya, walang pakialam kung nasugatan ba o kung naduguan ang suot kong uniform. Pagbalik ng mama niya humingi ito ng dispensa, ako naman malungkot na bumalik sa boarding house.

Ilang araw akong bumili sa kanila pero di ko siya nakita. Pati nga yung regalo na gusto ko ako mismo magbigay sa kanya, di ko na maibigay. Pagkagaling sa duty nung gabi ng birthday niya, dumaan ako sa kanila pero sarado na yung bahay nila. Umiiwas siya sa akin, nagtatampo siguro. Baka nga galit pa, kasi nangako ako, nagtiwala siya pero binigo ko.

Dumating yung pagkakataon na kasama ko yung mga barkada ko at napagpasyahan naming sa boarding house ko gumawa ng project. Nagpasama ako sa isang kabarkada kong babae na bumili ng dinner namin, bumili ako sa kanila. Nagbibiruan kami ng barkada ko habang papunta sa tindahan nila, kaya ng saktong nakita niya kami, tawa ng tawa ang kabarkada ko. Paglingon ko, nakita ko siya, ngumiti ako sa kanya, matagal din kaming di nagkita. Pero nagulat ako, dahil tumakbo siya papasok sa loob tulad nung naunang mga araw na di pa kami magkakilala, pero ngayon, may dagdag yun na luha sa mata.

Di na ulit nya ko kinausap, sa kabila ng bawat pagtatangka ko, bigo ako. Di nya ako pinapansin, o umiiwas siya ng husto, nagalit talaga siya sa akin ng buong-buo. Lumipas pa ang isang buwan, at malapit nang matapos ang school year, at naikwento ko sa mama niya na lilipat na ako ng boarding house sa mas malapit sa school na pinapasukan ko. Inabot ko din ang regalo ko para sana sa birthday niya, pero ayaw kuhanin ng mama niya. Sabi ng mama niya, mas maganda kung ako daw mismo ang personal na mag-abot. Sabi ko, ayaw nga akong kausapin ni bunso na sinagot ng mama niya na, “wag kang mag-alala, kakausapin ka na nun”

Naiayos ko na yung gamit ko, ano mang oras dadating na din yung sundo ko para ilipat yung gamit ko sa bagong boarding house. Hindi pa kami ulit nag-uusap, pero naisip ko na ganun siguro talaga magtatapos yung pagkakaibigan namin. Sumuko na nga siguro ako. Maya-maya, nakarinig ako ng katok sa room ko, akala ko yung sundo ko, pero nagulat ako na si “bunso” ang nakatayo sa room ko, habang ilang hakbang lang yung mama niya. Di ako agad nakapagsalita, pero ngumiti ako, siya ang bumasag ng katahimikan.

“Ba-kit.. aayis ka nya?”

“Kailangan eh, kasi may duty na ako na madaling araw, dapat malapit na titirhan ko.”

“Ga-yit.. ka yatsa tsa akin?”

“Hindi ah. Ako nga may atraso sa’yo eh, teka kunin ko lang gift mo, di ko na naibigay” mabilis akong bumalik sa room at kinuha yung gift nya.

“Tenchu”

“Sana magustuhan mo yan.”

Katahimikan. Hindi ko alam kung sino sa amin ang may iniintay na sabihin. Hindi ko alam kung sino ba ang dapat magsabi nang di pa napag-uusapan. Hanggang siya ulit ang bumasag ng katahimikan.

“Yab mo… pa dyin ba ako?”

“Oo naman… bunso kita di ba?” nakangiti ako, umaasa na ngingiti na din siya.

Ngumiti nga siya. Nakahinga ako ng maluwag. Pero teka, luha yung bumababa galing sa mata niya.

“Tsabi nga ni mama… kyapatyid yang daw ang tsingin mo tsakin…” umiiyak nga siya. Hindi ko alam kung ano yung pakiramdam na naramdaman ko, awa ba sa kanya? Guilt? Galit sa sarili ko dahil pinapaiyak ko siya? Ewan ko, di ko alam ang tumatakbo sa isip ko noon.

“Pewo kahit ganun…. ako bastsa… AY YABYU pa dyin… kahit dyi ako yung yab mo.”

May inabot siya sa kamay ko, maliit na box ulit. Mabilis siyang tumalikod at halos patakbo na lumapit sa mama niya, alam kong umiiyak siya, pero di ko alam kung ano yung tamang sabihin para i-comfort siya. Wala nga yata talagang tamang salita sa pagkakataon na yun. Lumabas sila ng boarding house na wala akong nagawa, walang nasabi, hindi nga ako nakakilos sa kinatayuan ko. Siguro katahimikan na nga lang ang tamang isagot sa sinabi niya.

Naupo ako sa kama ko habang tinitingnan ang maliit na box na binigay niya sa akin, iniisip kung tama bang buksan ko pa. Naisip ko, minsan pala makakasakit ka ng tao kahit di mo intensyon. Minsan, makakasakit ka kahit wala kang ginagawa. Minsan makakasakit ka dahil sa pagpili sa isang aksyon, pero makakasakit ka din dahil sa hindi pagpili sa isang desisyon. Ang hirap pa lang makasakit lalo na at di mo sadya, lalo na kung wala kang magawa para mabawasan ang sakit na naidulot mo sa iba. Ang hirap makasakit lalo na kung di mo alam kung paano ito mapipigilan, kung paano ito mababawasan. Ang hirap makasakit pag hindi mo intensyon. Di ko alam kung hanggang ngayon may tampo pa din siya sa akin, o kung naaalala pa niya ako, pero dahil sa laman ng box na ibinigay niya, lagi kong naaalala, na may isa pang tao na nagpapahalaga sa akin sa mundo.

The End… ❤

Buhay Hayskul Part 1

Sabi nila, sa timeline ng student life, ang highschool life ang pinaka memorable at pinaka nakakamiss. Bakit kamo? Lahat ng ginagawa mong kalokohan ngayon natutunan mo nung naging freshman ka. Diba ? Dito ka nagkafirst barkada, unang pag-ibig, unang pag kimkim ng galit, yung iba unang pagbibisyo, at ang una mong pagbarkada sa iyong mga teacher. Dyan nag simula ang lahat.

Ang mga year daw ay may mga attributes na tinatawag. At ito ang isa sa mga halimbawa:

  • First Year(Freshmen)

Fresh na fresh, syempre eto yung mga taong naninibago palang sa buhay ng isang teen. Dito nagsisimula ang mga crushes, at pagkakaibigan sa mga kaklase. Wala pa silang gaanong alam sa buhay dalaga at binata kaya sila yung kadalasang pinapayuhan.

  • Second Year(Sophomores)

Eto mga experienced na sa highschool life, pero madami pang kakaining butil ng bigas. Dito kadalasang magkaroon ng first bf/gf at mga rivals na kung tawagin. Pero minsan ang mga rivals mo ay pwedeng maging bestfriend mo. O kung opposite sex kayo, maging bf/gf mo. Dito din ang stage ng pag lawak ng kaisipan o ang pagiging open minded.

  • Third Year(Juniors)

Mga beterano na sa mga kalokohan.Probably ang Juniors kumpara sa Sophomores at Freshmen. Sa stage na to karamihan ng kalokohan na pwedeng gawin ng kabataan ay nagawa mo na. Dito yung stage na ginagawa mo na lahat ng kaya mong gawin bago mapunta sa:

  • Fourth Year(Senior)

Eto yung mga talagang seryoso na talaga sa pag aaral, parang hindi kayang hindi makinig sa teacher dahil hindi sila makakagraduate kung hindi papasa (malamang). Sa pagtapos ng school year ng mga senior ay nagkaka-awkwardan na. Dito nagkakabati ang mga magkaaway, nagkakalambingan ang mga bitter, at higit sa lahat, nagkakaiyakan ang mga pinaka matipuno sa klase dahil, malamang, hindi na sila magkikita muli, dahil yung iba, pupunta sa maynila para makapag aral ng course nila, ang iba’y sa ibang bansa, at yung iba nama’y hindi na mag ka-college at walang pambayad, magtatrabaho kaagad.

So para sakin, ang pinaka magiging memorable talaga sa buhay ko ay ang highschool life. Kaya naman I always treasure every second. Kasi ang isang segundo na yon ay maaalala mo sa pag tanda mo.

Treasure every moment. Do not waste a second. (Kantahin dito ang Treasure ni Bruno Mars…) 🙂

Bagamat tapos na ang Buwan ng Pagtatapos ng mga estudyante, at ngayo’y Buwan na ng Abril, nais ko pa rin kayong batiin ng isang Maligayang Pagtatapos sa mga estudyanteng subsob sa pag-aral.

index

Unan

Para kanino ba ang iyong pagsisikap? Para kanino ka umaasa? Para kanino ka nangangarap? Para kanino ka nabubuhay? Para sa kanila o para sa kanya? Imposibleng wala. Dahil kahit gaano kasakit, kahit gaano kahirap, mayroon pa din tayong dahilan para gumising tuwing umaga. Paano kung wala kang mapaglabasan ng mga hinanakit na iyong nararamdaman? Paano kung wala ka nang matakbuhan? Para sa akin, mga unan lang ang katapat nyan.

Kagabi habang inaayos ko ang aking higaan, napansin ko ang aking mga unan na nakakalat sa aking kama. Mahigit ilang linggo ko na rin palang hindi nalalabhan ang mga ito. Tiningnan ko itong mabuti sa pagkaka-ayos, dahan dahan ko itong hinawakan at nilapit sa aking ilong. Naririnig ko ang tunog ng aking lunok habang naghahanda na langhapin ito. Pinikit ko ang aking mga mata at inamoy ang nasabing mga unan.

Sobrang hirap, sa lahat ng puwedeng maramdaman ito ang pinakaayaw ko, kapag may namimiss ako. Mas namimiss ko pa sa softdrinks na kinaadikan ko noong bata pa ako. Uhaw ako sa mga tawa niyang nakakatanggal ng uhaw. Gutom ako sa mga ngiti niyang nakakabusog. Napamura ako ng malakas, kaya pala ang bilis ko makatulog kapag gamit ko iyon, dahil nakakamiss namang talaga. Kaya dali dali ko itong niyakap habang nilalanghap. Iba talaga ang pakiramdam kapag sobrang namimiss mo ang isang bagay. Kahit sino pa o kahit ano pa ito. Magulang, kaibigan, kaklase, anak, minamahal o kahit yung mga kuto mo nung bata ka pa. Kapag namiss mo na. wala na, wala ka ng kawala.

Bigla na lang titigil ung mundo mong napaka usy. Parang sobrang tagal umandar ng oras mong kay bilis. Gusto mo itulog pero hindi ka naman makatulog kaiisip. Mararamdaman mo ang malakas na tibok ng iyong puso. Medyo mahihirapan kang huminga. Babalik ka sa alala mo noong mga nakaraan na nag-eenjoy ka kasama siya. Makakarelate ka sa bawat kantang maririnig mo. Lahat ng bagay na may kinalaman sa kanya maalala mo.

Napansin ko ang mga kakaibang marka at amoy sa aking mga unan. Animoy mapa ng mga kayamanan, amoy na pilit mong hinahanp kung saan saan, may mga marka ng mga pulo at isla. Dito bumalik ang alaala ng aking nakaraan, mga panahon na pakiwariý koý wala na akong magagawa kundi ipikit na lang ang aking mga mata at damahin ang unti unting pagbuhos ng aking mga luha. Mga luhang dulot ng pait at sakit na nagdaan, pakiramdam na hindi maintindihang pangungulila. Mahirap, sobrang hirap. Pero kinakaya ko pa.

Salamat dahil mayroon akong ordinaryong unan. Mga unan na pwede kong iyakan kapag pakiramdam ko pagluha na lang ang tanging paraan para mailabas ko ang mga sakit na aking nararamdaman. Mga unan na handang sumalo ng aking mga laway, mabaho man o mabango. Mga unan na pwede kong yakapin sa mga panahong nangungulila ako. Mga unan na nagbibigay sa akin ng pakiramdam na may karamay ako kapag hindi ako mapakali. Mga unan na kasama kong nananaginip. Mga unan na pwede kong suntuk suntukin kapag wala akong mapaglabasan ng sama ng loob, pero hindi umaangal. Ikaw? Para kanino ba ang yong pagsisikap? Para kanino ka umaasa? Para kanino ka nangangarap? Para kanino ka nabubuhay?

Buko Pie ka ba?

Maraming bagay na espesyal sa mundo. Actually, bata palang tayong lahat, pinapaalala na sa atin ng lahat ng nasa paligid natin na espesyal tayo. Kaya naman kapag bumbyahe ka sa katimugang tagalog, lalo na parteng laguna lahat ng Buko Pie, ay special.

So ano nalang ang regular na buko pie?

Ganito din ang pakiramdam nating lahat kahit nasan tayo. Pag nasa pila tayo sa mga serbisyong handog ng gobyerno at mabagal ang pila, ilan satin ang magrereklamo at paulit ulit na sasambiting nagbabayad naman tayo ng tamang buwis. Ganun din naman sa mga restawran; nagbabayad ako, bakit ganito ang trato n’yo sakin? espesyal dapat ako diba?

E naisip mo na bang lahat ng ibang kasama mo sa pila, pati na ‘yung mga nangangasiwa ng pila ay nagbabayad din ng buwis? Pano ‘yung ibang kasama mong kumakain ng payapa, na nagbayad ng perang pinaghirapan din nila tulad mo, na gusto lamang ay kumain ng payapa at masarap?

Hindi naman ako nagmamaneho mula ng pinanganak ako, at malaking bahagi ng buhay ko ang naigugol ko sa loob ng mga pampublikong sasakyan, at lalong marami pa ang iginugol ko sa pagtayo sa sakayan ng bus, pila ng jeep o Taxi. Minsan din naging bahagi ako ng “special” na lupon. Sino ba itong mga Special na tao na ito?

Sila yung mga naghihintay ng sasakyan sa isang lugar na hindi dapat hintuan ng kahit anong sasakyan dahil gumagawa ito ng trapik Kadalasan ang mga lugar na tinatambayan ng mga Special na tao para maghintay ng masasakyan ay ang mga kanto.

Sa unang bahagi ng taon na ito, pinasinayaan ng MMDA ang Southwestern Integrated Bus Terminal, o in short, ang parking lot ng nabubulok at punong puno ng kaso at malisyang Coastal Mall sa Paranaque. Sa unang araw ng pagpapatakbo nito, nagkaron ng malaking kaguluhan sa kanto ng Airport Road at Roxas Boulevard dahil ang mga byahe ng bus na mula ng Cavite na dati’y nakakatuloy sa Lawton sa Maynila, at napuputol na ang linya sa Coastal Mall. Mula doon, ang mga kababayan nating kabitenyo na papunta sa kanilang mga trabaho’t paaralan ay kailangan nang sumakay ng isa pang beses patungo sa paroroonan nila. Sa totoo’y walang kaso ang sistemang ito in theory, pero lumabas ang problema sa application nito, nang makitang hindi gingulan ng pag-a-aral ang implementasyon nito. Pero ok lang, sanay na ang mga tao ngayon, hindi ba?

So ano yung naging kaguluhan? Tumawid ang mga tao mula sa Coastal mall, at sa kabilang dako ng Roxas Boulevard nag-abang ng kahit anong sasakyan na patuloy ang byahe papuntang Maynila, o Makati — Jeep, FX, Pedicab, kahit ano. Mabilis na lumapad ang nasasakupan ng walang masakyan, na naghihintay sa gitna ng kalsada. Kinalauna’y nakain na nila ang tatlong lane ng Roxas Boulevard, at nagdudulot na ito ng trapik. Unahan kasi ang sistema sa ganito.

(at balik na naman tayo sa pag-iisip ng kung ano-ano basta tungkol sa trapiko)
Ayun. Unahan. Ang pinakamahalagang skill na matutunan mo sa pagiging commuter sa kalakhang maynila: Kailangan magaling ka manguna sa pagsakay. Hahabol ka ng bus, ng jeep, ng FX. Kailangan may strategy ka kung pano mong mauunahan yung aleng kanina pang nakatayo sa tabi mo at maraming dala, kasi pag naunhan ka niya, ikaw naman ang hindi makakauwi ng maaga. Bakit? Special ka kasi. Pakelam mo ba sa sakanya? Haha!

At diyan po nag-u-ugat ang lahat. Sa madaling salita, pwede natin itong tawaging  isang kundisyon ng pagiisip kung saan wala tayong ibang iniisip kundi ang sarili nating kapakanan, at wala na tayong pakialam pa sa ibang bagay.

Ito ang iba’t ibang panig ng isang tipikal na pag-para ng isang sasakyan sa kalsada:

1. Mula sa pananaw ng pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik.

2. Mula sa pananaw ng limampung iba pang pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik. o diba’t umulit lamang ang sinabi ng nasabi sa unang sinabi sa unang talata ng iisang pasahero.

3. Mula sa pananaw ng konduktor.
SouthMall, SouthMall, SouthMall! Kita, kita, kita!

4. Mula sa pananaw ng bus driver (A)
Hihinto lang naman ako sandali para magsakay ng pasahero. Masyadong malaki itong sasakyan ko kaya hindi ko maigigilid ng maayos, bukod pa dun, baka makasagi ako ng tao. Wala akong ibabayad sakanila pag nagawa ko yun. Sandali lang naman akong hahambalang e. Atsaka baka maunahan ako ng mga kakumpitensya kong bus.

5. Mula sa pananaw ng bus driver (B)
Tangna niyong lahat, naghahanap buhay ako ng marangal.

6. Sa pananaw ng traffic enforcer (A)
Gago to a, kung makahinto, akala mo kanya ang kalsada. Huy! *pito sa silbato* Ay, andami palang tao. Kawawa naman sila. O baka naman kaya pag nagmatigas ako sakanila magalit sila sakin at kuyugin ako. Sige, hayaan ko nalang sila. Kung ako naman ang nasa sitwasyon nila gugustuhin ko ding makasakay agad e.

7. Sa pananaw ng traffic enforcer (B)
Loko to a, di pa ‘to nagbibigay ngayong araw sakin a. Hoy! *pito sa slibato* Konduktor! Lika dito! *tahimik na usapan sa gilid ng bus para walang makakita at makakuha ng litrato*

8. Sa pananaw ng drayber ng sasakyang nasa likuran ng bus
PUT*NGIN****! *busina ng malakas at mahaba*

9. Sa pananaw ng pasyente sa ambulansyang naiipit sa likod ng trapik na ginawa ng bus.
*Nagflaflashback na ang buong buhay nya*

Kung sumakay ka, bababa ka din. At kadalasan, isa rin ito sa mga sanhi ng trapik. Isa ito sa mga kulturang pinoy na kaakibat na ng sagisag nating Jeepney.

Ang prangkisa ng karamihan sa mga Jeepney na bumabyahe sa mga lansangan ng Metro Manila ngayon ay pang-maiikling distansya lamang. Ang tawag dito ay secondary mode of transporation, ewan ko lang kung tama yung pagkakatawag ko dito o ito ay sadyang gawa-gawa ko lamang, sa pagitan ng primary, o yung mga mahahaba ang byahe katulad ng mga Tren at Bus, at mga tertiary o yung mga specific locations ang binabyahehan, tulad ng mga Padyak o ang tinatawag na pedicab at Tricycle. Ang konsepto ng transportasyon natin sa Pilipinas ay ganito: sasakay ka ng tertiary mode papunta sa secondary, papunta sa primary, na ibaba ka naman sa secondary, na ibababa ka sa tertiary. Kaiba ito sa mga transport system ng mga karatig bansa natin kung saan puro primary lang ang mayroon, pero naseserbisyohan ang halos lahat ng lansangan. Pagbaba mo, maglalakad ka.

Ang mga primary at secondary modes of transportation ay may nakatalagang babaan at sakayan, tulad ng mga waiting shed at mga transport terminal tulad nalang ng mga nasa mall. Pero dahil nga SPECIAL tayo, iba-bypass nating lahat ito at kakalimutan ang mga loading at unloading zone. Bababa ako sa harapan ng tindahan ni Mang Kanor, kaya dun ako papara eksakto. Wala akong pakialam kung ang kalsadang dinadaanan ng Jeep na ito ay dalawang lane lang, isa para sa bawat direksyon; ang importante, bababa ako sa pupuntahan ko at hindi na ‘ko maglalakad. Special ako e. Yan din ang dahilan kung bakit ang mga waiting shed natin sa kalsada ay punong puno lang ng mga naglalako ng kung ano ano, o di kaya naman ay playground ng mga bata. Sa España sa Sampaloc sa Maynila, ginagawa din itong garahe ng mga motorsiklo at Tricycle, o diba ang galing.. Pinas yan e.

Sabihin na din nating ginamit natin ang mga tamang lugar ng paghihintay ng sasakyan. Gaano ka naman kasiguro na yung drayber ng sasakyan mo ay hindi Special? Isipin mo nalang ito: ayon na din kay Google, sa Quiapo, sa Maynila, malawak ang kalsada. Dinesenyo ang Quezon Boulevard (oo, sa mga hindi nakakaalam, ito ang pangalan ng kalsadang iyon) mula sa kanto ng Lerma hanggang sa Panahan ng Quezon Bridge para sa apat na tatlong lane na dumadaloy at isang lane para paghinto ng mga sasakyhang pampubliko, alintana na ngang isa itong major hub sa kalkhang Maynila. Pero kadalasan, baligtad ang nagaganap; isang lane lang ang dumadaloy, at tatlong lane sa kanan ang puno ng mga nakahimpil na bus, jeep, FX, padyak, kuliglig at tricycle. Special kasi sila at naghahanap buhay sila ng marangal, kaya hindi mo dapat pigilan ang pag-istambay nila dun upang makalikom ng tamang dami ng mga pasahero para kumita. Sa kabilang banda, hindi rin naman maglalakad ng malayo ang mga pasahero para makasakay, kasi… special kami, at nakakatamad.

Oo nga pala, yung isang lane na dumadaloy? Humihinto pa ‘yun pag may bus na lalabas at lalarga na, kasi sasakupin nya yung umaandar na pila para makaalis.

So paano natin babaguhin ito? Simple lang naman, at simula’t sapul tinuturo na ito sa atin ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan. Gumamit kasi tayo ng bus stop at terminal. Ilang Loading-Unloading bay na ba ang ipinagawa ng mga namumuno sa MMDA sa EDSA? Ilang Rapid Bust Transit na ang ipinatupad ng MMDA mula pa sa panahon ng MMDA ni Fidel Ramos nung 90s? Ilang color coding, number coding, at kung ano ano pang solusyon ang naisip ng mga pinuno natin para lang ma-isaayos ang mga lansangan ng Metro Manila? Kung tutuusin lahat ng pinatupad na ganito ay mabisa, subalit ang nagiging problema nalang natin ay ang mismong mga dapat sumunod dito… kasi ayaw nilang sumunod.

Bakit nga ba sa Business District ng Republic of Makati e maayos ang transport system kahit paano? Minimal pa ang infrastructure na ipinagawa nila para dyan ha. Pero sumusunod ang mga tao. Gayun din naman sa bayan ng Olongapo sa Zambales. Political will lang ba ang solusyon dito? Hindi.

Special nga kasi tayo. Kailangan nating makarating agad sa pupuntahan natin, at dapat maintindihan ito ng lahat ng tao. Ang kaso mo nga, pare-pareho din tayo ng iniisip. Kaya ang resulta, gulo. So anong pinagkaiba natin sa Special na Buko Pie?

“PacMan Versus Pretty Boy”

Manny “The Pacman” Pacquiao vs “Pretty boy” Floyd Mayweather Jr. ay maghaharap sa darating na Mayo a-dos sa kasalukuyang taon, na gaganapin naman sa Las Vegas, Nevada.

The Fight is finally on. Let Get it on!

images
Si Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao ay maghaharap sa isang welterweight showdown, kaugnay nito  ibinunyag na magiging history ito ng pinakamayamang o pinakamalaking kita ng bawat isang boksingero. Si Mayweather ay inihayag ang labanan sa pagitan nila ni Pacquiao, noong Biyernes pagkatapos ng ilang buwan ng negosasyon, hinggil dito sya ay nag-post ng larawan nakalakip ang naka-sign na kontrata.

Ang haba ng negosasyong ito ay inaasahang maglalabanan sa lugar ng MGM Grand sa Las Vegas. Maaaring gumawa ang parehong boxers ng mas mayamang kita kaysa sa dati nilang laban. Maaaring kumita si Mayweather ng US $120,000,000 o higit pa, habang si Pacquiao naman ay posible namang nasa bandang $ 80,000,000 .

“I promised the fans we would get this done and we did,” ika ni Mayweather.

“It is an honour to be part of this historic event,” sambit ni Pacquiao. “I dedicate this fight to all the fans who willed this fight to happen and, as always, to bring glory to the Philippines and my fellow Filipinos around the world.”

Ang isa pang talaan na kung saan ay halos tiyak na maitatakda ang magiging pay -per-view na presyo, upang mapanood ang paglaban maging sa bahay lang.

Da Moves 101 (HSD Version)

Wala kong magawa sa mga oras na toh kaya naisip kong gumawa ng isang Da-Moves na galawan para sa’yo, sa katabi mo, sa kausap mo o sa magbabasa nito, ito ang mga iilang mga bahaging naisip ko:

 

  1. Kapag nahuli ka niya na tumitingin sa kanya, ibig sabihin tinitingnan ka din niya. Hindi ka naman niya mahuhuli kung hindi ka niya tinitingnan. Sabay banatan mo ng, “Huli ka! Tinitingnan mo ako ah!”
  2. Huwag gawing excuse ang katorpehan para hindi masabi sa kanya ang nararamdaman mo. Kapag nasabi mo na, tapos na ang problema mo. Kung ano ang isasagot niya, problema niya na ‘yun.
  3. Try mo’ng kausapin yung taong gusto mo, o yung kras mo mapatrabaho man o skulmeyt. Wala namang mawawala (baka magkaroon ka pa). Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Baka ma-analysis-paralysis ka at maunahan ka pa ng iba. Sige ka, ikaw din.
  4. Kung pinanganak kang torpe, at feeling mo ganyan ka na habang-buhay, tang*na, good luck sa’yo. Bihira ang babae na magta-tyaga sa taong torpe. Kung may mag-tyaga man sa’yo, good. Malas mo lang kung hindi mo siya type. Torpe ka kasi eh. Hahayaan mo na lang ba na ganyan? Note: Ang pagbabago ay nagsisimula sa sarli. Kailangang gustuhin mo muna
  5. Utang na loob, matuto kang MAGPATAWA! Gusto ng mga babae yung mga lalaki na napapatawa sila – nakakagaan kasi sa pakiramdam nila iyon. Kung pinanganak kang korni, kailangan mo ng matinding practice. Hangga’t maaari humingi ng tulong sa mga taong magagaling pagdating sa may sense of humor. Magpaturo kay kwan.
  6. Sabi ng titser ko dati sa Psychology way back college, kung mahal mo daw, ipaglalaban mo. Palagay ko, kulang iyon. Dapat ipaglaban mo na maging masaya siya, hindi ang maging masaya ka. Magiging Selfish ka nyan kung nagmamahal para sa sariling kasiyahan mo lang ang iniisip mo.
  7. Huwag mo nang pag-isipan nang sobra-sobra kung ano’ng dapat mo’ng sabihin sa kanya. Lalo ka lang matatameme at lalo lang masasayang ang pagkakataon.

 

Ang mga techniques, skills, strategies o kung anuman ang gusto mo’ng tawag dito, ay gumagana lamang kung gusto mo na magkaroon ng instant connection sa opposite sex. Pero kapag “tinamaan” ka na ng matinding pana ni kupido, makakagawa ng iyong sariling creative ways para sa kanya.

Ang mga iilang halimbawa ay mga pawang isip ko lamang, nasa sayo pa din naman kung gusto mong gawin ang nasabing talata. Pero kung ako sayo kapatid magDa-Moves ka para sa sariling kakayahan mo. Mag-effort ka. Wag ka muna humingi ng kapalit kung sakaling nakagawa ka ng mga bagay na nagpasaya ka sa kanya, pero atleast nasabi o nagawa mo yung part mo para sa sarili mo diba? Siguro ang magiging problema na lang niya ay yung kung ano ang isasagot nya para sa’yo. Pero mas ok na yun, kesa naman magsisi ka sa huli diba? Apir. Go lang ng go!