Bata..Bata bakit ka laging taya?

Noong bata pa ako, syempre maliit pa ko noon, pero hindi tungkol sa height ang pag-uusapan natin ngayon.  Naalala mo ba yung mga kakulitan mo nung bata ka pa? Tanda mo pa ba yung dahilan kung bakit ka pinapalo ng nanay at tatay mo? Anong nagpapasaya sayo nung bata ka?

Minsan nagtagu-taguan kami ng mga kalaro ko, ako ang taya.

taguan_by_mababangungutin-d4doz6g

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap, wala sa gilid, pagkabilang ko ng sampu nakatago ng kayo, SAMPU!

Ayokong tapusin ang pagbibilang, magmumuka akong tanga, eh 2 seconds pa lang pagpikit ng mata ko ay nagkakaripas na sila ng takbo para magtago, bibilang pa ba ko ng sampu? Minsan pagkatapos kong bumilang ng sampu may magbe-“base” na agad, nasa likuran ko lang pala. Hindi man lang mag-effort na magtago. May mga pagkakataon din namang talagang mahirap silang hanapin, yung tipong hinalughog mo na ang buong kalye ng street niyo wala pa rin. Saan ba sila nagtatago, sa poso negro? Kapag nahihirapan akong maghanap sa mga kalaro ko… “Bahala kayo dyan, kakain muna ko dinner, LA LA LA LA LA…”

araw-lilim

Taya-Tayaan

Uso din syempre ang walang kamatayang larong “taya-tayaan”. Ang pambansang larong kalye ng mga bata sa Pilipinas?

taympers – ito ang sinasabi ng mga kalaro ko kapag malapit ko na silang mataya.

Hindi perpekto ang mga bata, minsan sutil at sa kakulitan ay may pagkakamali ding nagagawa. May mga pagkakataon din na medyo takot akong umuwi sa bahay dahil baka nagsumbong yung kalaro kong nabaril ko ng pellet gun. Syempre, pag-uwi may palo sa pwet at sermon di ko naman naiintindihan nung bata ako, basta ang alam ko puro laro.

Trip ko din nung bata ako yung paglalaro ng text o maliliit na baraha. Hindi pa uso nun ang NBA2K16 kaya ang pakikipaglaban sa text ang naging hobby ng karamihan. Sobra itong nauso noon na tipong araw araw parang nagpapa-tournament si Brgy. Captain dahil nagkalat ang mga bata sa daan na naglalaban laban. Minsan kapag nanalo ako pinapaagaw ko din (mukhang ewan lang). Madami naman akong text nun, isang kahon ng sapatos. Minsan nagbebenta pa ko, bente pesos isang dangkal. Pero yung iba nagbebenta rin ng pamato nila (mukhang ewan lang). Ngayon hindi ko na maalala kung saan napunta ang mga text ko at saan napunta ang mga text ng mga kalaro ko. Nakatabi pa rin kaya yung sa kanila o sinunog na ng mga magulang nila?

Kapag wala akong ginawa at nabo-boring ako sa bahay madalas akong pumunta sa kusina, pinaghahalo halo ko ang toyo, mantika, patis, suka, Bear brand, Nescafe, UFC catshup, Star Margarine, Mama Sita hot sauce, asukal, asin, paminta, vanilla at vetsin. Lakas ng trip ko… tinikman ko at ang sarap ng lasa, promise! Kung ayaw niyo maniwala try niyo din. haha!

Kapag wala ulit akong magawa sa bahay kasi umuulan sa labas o di kaya ay brownout, madalas akong makipaghabulan sa mga sandamakmak naming pusa. Minsan nakikipaglaro ako sa kanila pero sa hindi malamang dahilan, kinalmot nya ako. haha. Mababait naman ang mga pusa sa bahay. May mga pagkakataon ding kinakausap ko sila pero sa dialect nila syempre. “Meow meowww meow” (Kumain ka na Muning?), tanong ko sa kanila. “Meoww meoww meow miyow meooow!”(Oo), sagot nila sa tanong ko.

Mayroon din pala kong natatanging kapangyarihan nung bata ako. Secret lang natin to ha, kaya kong gumawa ng bubbles gamit ang aking laway.

Nakaka-miss yung mga panahonng lagi kang sinusundan ng buwan kahit saan ka magpunta, yung mga panahong lagi mo nililigtas ang syota ni Mario, yung mga panahong nilalagay mo ang tabo sa ulo mo kapag naliligo ka, yung pagtalon mula sa upuan papuntang kabilang upuan para makaiwas sa lava, kumanta sa harap ng electric fan at paglaruan ang ilaw ng ref. Sino bang bata ang hindi natutuwa kapag nakakakita ng rainbow at lumilipad na eroplano sa langit. Kapag nakatulog ka sa sofa ay sa kwarto na ang gising mo dahil kung hindi malamang tapos na ang pagkabata mo. Unti unti mo ng maiintindihan ang mga bagay sa paligid mo. Matuto ka ng magtali ng sintas ng sapatos mo at mahihiya ka ng umiyak kapag nadapa ka. Masaya maging bata at masarap balikan ang pagkabata… teka may nakita akong pusa, kausapin ko na din si maya at si onyok pagdating ko sa bahay. hehe!

Isang Malalim na Pananaliksik sa Larong “Ten Twenty”

a

ten. twenti. terti. porti. pipti. chuk-chuk-chuk. wan handred.

Sa paglalaro ko ng TEKS, Jolen at Pogs sa kalsada, hinding hindi mawawala ang mga babaeng nakaharang sa daan na naglalaro ng ten-twenty.

Ano ba ang larong ten-twenty?

Ito ay isang uri ng larong pangkalye na ginagamitan ng chinese garter o ng gomang pinagdugtong-dugtong. Itatali sa paa ng dalawang kalahok para makabuo ng dalawang tuwid na linya na siya namang tatalunin ng unang manlalaro.

Saan po bang bansa nagmula ang larong ito?

Ayon sa mga manunulat ng kasaysayan, ito ay nagmula sa bansang Pilipinas. Sa atin mismo. Nanggaling marahil ito sa sayaw na tinikling.

Bakit po ito tinawag na ten-twenty?

Aba, malay ko. Tanong mo na lang kay Soriano kung gusto ko talagang malaman.

Paano po ba ito laruin?

Ito ay nilalaro ng tatlong katao pataas kung saan ang dalawang taya ay siyang magsusuot ng chinese garter na siya namang tatalunan ng unang kalahok.

Ito ay laro ng konsentrasyon, determinasyon at pagpupursigi. Ang manlalaro ay bibilang ng 10 sa una nitong talon. Pagkalipat sa talon sa kabila, ito ay bibilang ng 20. Papalit-palit hanggang makarating ng bilang 40. Pagdating sa bilang 50, ang dalawang paa ay dapat nasa labas ng garter. Ang susunod naman ay lulundag ito paitaas para maipasok sa loob ng garter ang dalawang paa. Ito ay bilang 60. Ang bilang 70-80-90 ay nirerepresenta ng pagkiskis ng dalawang talampakan paabante at paatras sa lapag ng kalsada. Kapag dumating ang bilang 100, tatalon ang kalahok at kailangan nilang apakan ang dalawang linya ng garter upang matapos ang laro.

May mga lebel po ba ang larong ito?

Meron. Una, ang garter ay nasa mababang parte ng paa. Sunod ay sa tuhod, hita, bewang pataas sa dibdib at leeg. Kapag natapos nila ang buong lebel sa katawan pataas, papasok na dito ang larong tinikling.

Paano po nilalaro ang tinikling?

Ito ay ang lebel ng laro kung saan ang garter ay nakasuot lamang sa iisang paa ng bawat kalaro.

Sino po ba ang karaniwang naglalaro nito?

Ito ay halos nilalaro ng lahat ng babaeng kalye, mga beking bata at mga napipilitang lalaki dahil kulang ang isang grupo ng miyembro.

Mga Terminolohiyang ginagamit sa laro:

  1. Mother – siya ang tumatayong lider ng bawat grupong naglalaban.
  2. Baby – siya naman ang pinakamahinang manlalaro ng grupo.
  3. No Labas Ngipin – isang batas kung saan kailangan mong umiwas na mapakita ang iyong ngipin habang tumatalon. (weird ng rule na ito at until now, hindi ko pa rin alam ang sense kung bakit may ganito.)
  4. Magic – ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbebend ng garter kung saan papasok ang manlalaro sa gitna at magsisimula sa bilang na 90 at kailangan na lang matapos sa pamamagitan ng pagtalon.
  5. No Passing -Ito ay ispesyal na batas kung saan pinipigilan ang pagligtas ng Mother sa mga titirang kalahok.

Nilalaro pa rin ba ito hanggang ngayon?

Dahil sa naglabasang bagong gadgets, halos hindi na ito nilalaro ng mga kabataang babae at beki ngayon, ang nilalaro na lang nila ay Tetris at COC.

Anong matututunan namin sa blog na ito?

Sa blog na ito ay marahil bumalik ang kabataan niyo kung saan nasa pila kayo nung elementary days ninyo. Habang naghihintay ng pagdating ng guro upang kayo ay papasukin sa loob ng classroom. Dito niyo natutunan ang TEAMWORK. Ang pagtitiwala. Ang paglaban.

Tulad sa buhay, may goal tayong magsucceed sa lahat ng aspects. May mga tutulong sa atin sa pagkamit nito ngunit tulad ng laro, marami tayong pagdadaanan. Mga pahirap na pahirap na challenges. Mga taong nais tayong magkamali. Pero all we need to do is to play and not to surrender. Parang try and try until we DED pero maDED man tayo, may second chance pa rin ang buhay. Natututo tayong maghintay, magplano at lumaban.

Ang buhay ay parang ten-twenty. Ang main purpose ay ang magsaya.

Isang Malalim na Pananaliksik sa “Kisses”

a

Noong grade school nag-alaga ka ba nito?.

Ano ba ang kisses?

Ito ay mga mumunting butil na gawa sa isang malinaw  na rubber na may iba’t ibang kulay. Ito ay hugis bilo-haba (tulad ng makikita niyo sa larawan) na may kaunting diin sa gitna. Isa sa mga natatangi nitong katangian ay ang pagiging mabango.

Paano ba ito inaalagaan?

Ito ay kadalasang inilalagay sa kahon ng posporong may bulak sa loob. Ang iba naman ay binabalot sa panyong may pulbos.

Nanganganak ba ito?

Maraming hakahaka ang umikot na ang kisses nga ay nanganganak. Malalaman mong buntis ang isang kisses kapag ito ay may umbok sa gitna.

Paano ba ito paaanakin?

Marami ang nagsabi na, upang mapaanak mo ang isang kisses, kailangan mo itong ilagay sa isang pantay na lugar, bubuhusan ito ng alcohol at papagulungan ng katawan ng lapis.

May mga naitala na bang kaso ng panganganak ng kisses?

Sa ilang taon ko nang nabubuhay sa mundo, wala pa akong naririnig o nakikitang kisses na nanganak.

Bakit hindi “kiss” ang singular ng “kisses”? Bakit “kisses” pa rin ang tawag dito kahit isa lamang ang pinatutunguan nito?

Aba malay ko. Baka siguro hindi pa alam ng mga nag-aalaga ng mga kisses ang singular/plural.

Ano ang mga aral na makukuha namin sa blog na ito?

Una, malalaman niyo na hindi talaga nanganganak ang mga kisses pero nagdadala ito sa atin ng aral kung paano mag-alaga ng mga bagay o taong pinapahalagahan natin. Dito natin unang natutunan ang pagpapahalaga, pag-aalaga at pagiging masaya sa mga simpleng bagay.

Tulad ng kisses, ang buhay natin ay makulay, mabango, Siguro kailangan lang nating alagaan at mahalin ang ating buhay para mahalin rin tayo nito pabalik. Minsan may mga bagay tayo pinaniniwalaan na hindi pala totoo, pero anong mawawala kung maniniwala diba? Malay mo, magkatotoo ito at masasabi mong nanganganak nga ang kisses.

Ang sarap maging bata. Walang limitasyong pumipigil sa atin para maging masaya. Laging nakangiti. Laging nakatawa. Walang problema. Ang tanging problema lang ay kapag nalaman ng nanay mo na yung baon mo ay pinambili mo lang ng mga kisses sa tapat ng eskwelahang pinapasukan mo.

Isang Malalim na Pananaliksik sa Larong “Teks”

a

Gaano kasaya ang childhood mo nuon??

 

I-sa, Da-la-wa,Tat-lo, Cha! Isang laro. Dalawang pato. Tatlong teks na ititira mo.

Naalala ko pa noong maliit pa ako, madalas akong nasa kalsada para makipaglaban ng teks. Kahit mag-amoy araw na ako, wala pa ring ayawan. Matira matibay. Sa milyong beses ko nang naglalaro nito, masasabi kong swerte ako sa laban na ito. Lagi kasi akong nananalo.

Ano ba ang teks?

Teks o kadalasang tinatawag na post card ay isang manipis na karton na parihaba ang sukat. Dito ay may nakaimprentang larawan ng mga karakter ng mga sikat na palabas noon sa telebisyon tulad ng Ghost Fighter, Blue Blink, Doraemon, Mojako, Magic Knight Rayearth at Sailormoon.

Ang kaunaunahang uri ng teks ay may disenyong mala-komiks. (tulad ng makikita niyo sa larawan)

a

Paano ba ito nilalaro?

Ito ay nilalaro ng dalawang tao (minsan ay tatlo o apat). Ang bawat kalahok ay may kanyakanyang pamato (isang panlabang teks). Kapag dalawa lang ang maglalaban, sila ay maglalagay ng pamanggulo/panggulo/pananggulo, ito ay magsisilbing tagabalanse ng laro. Ititira ang bawat kalahok ang kanikanilang pamato. Ito ay isang odd-even game. Kapag nakaharap ang pamato ni Kalahok 1, at nakataob ang parehong teks kalaban at ang pamanggulo, ang kalahok 1 ang titira.

Mga terminolohiya:

  1. Cha – kapag ang teks ay nakaharap. (ang harap ng teks ay iba’t iba ang disenyo.)
  2. Chub – kapag ang teks naman ay nakataob. (ang likod ng teks ay parepareho, kadalasan ang nakalagay dito ay ang pamagat ng programang pinagkuhaan ng disenyo ng teks)

 

a

Paano manalo sa larong ito?

Mananalo ka sa larong ito kapag ang iyong pamato ay naging minorya sa lahat ng mga teks na tinira mo.

Halimbawa:

Ang pato ni Kalahok 1 ay naka-CHA. Ang pamanggulo ay naka-CHUB. At ang pato ng Kalahok 2 ay naka-CHUB. Si Kalahok 1 ang panalo.

K1 – CHA.

K2 – CHUB.

P- CHUB.

Maari ring naka-CHA ang pamanggulo at ang pamato kalaban, at ikaw ay naka-CHUB, ikaw ang panalo.

a

Paano ba tumaya dito? Paano magbilang ng mga taya?

Maraming uri ng pagtaya:

  1. Ang halaga ng iyong taya sa tig-iisang bilang. Halimbawa: Sampu Tig-iisa.
  2. Ang halaga ng iyong taya sa tigagalawang bilang Halimbawa: Sampu Tigagalawa. (Ito ay nagkakahalagang dalampu)
  3. Bet na lahat lahat. Sinasagot ng kalaban mo ang buong teks na hawak mo.
  4. Bet na lahat lahat pati pato’t pamanggulo. Ang lahat ng teks mo kasama ang pato at pamanggulo (kapag sa iyo ang pamanggulo)
  5. Sado na. Kapag tumaya siya ng kalahati at nanalo ka, ang susunod niyang taya ay ang isa pang kalahati. Kapag nanalo ka, sayo na lahat, kapag talo ka, quits na!
  6. Dangkalan. Ito ay ang pagtaya ng teks na nakaayon sa dangkal ng kamay. Binibilang ito o binabayaran ito sa paraan ng tumpukan.
  7. Kase Kase na. Pagsasamahin na ang iyong teks at ng teks ng kalaban mo para sa iisang tira lamang. Kadalasan itong nangyayari kapag gabi na o tinatawag na kayo ng nanay niyo para kumain.

Paano po ang bilang sa tigagalawa at may isa pang sumobra?

Ang tawag dito ay Cha.

Iba pang uri ng pagbibilang.

  1. I-sa, dala-wa, tat-lo cha. (7 teks)
  2. Isam-babae-K______-kagabi-paglabas-buntis! (12 teks)
  3. Isa-mudawa-mutarutaru-pa-semplang (10 teks)

 

a

 

Iba pang terminolohiya:

  1. King Kak – kapag ang teks mo ay nakaslant sa pataas na bagay.
  2. Pektus – isang uri ng pandaraya kung saan, itinitiklop ang iyong pamato at hinahayaang nakatuwid ang iba pang teks.
  3. Apir – ito ay kadalasang nilalaro ng mga batang hindi pa marunong tumira ng teks.
  4. Hinangin – kapag ang kalaban mo ay desperado na. Sasabihin niya yan para ulit.

Pwede ba itong laruin ng apat na tao?

Oo. Pwedeng labo labo o kaya naman ay kampihan.

Kapag marami ka nang teks, saan mo ito ilalagay?

Sa bulsa o kaya sa damit mong maluwag.

Anong dapat mong gawin kapag nanalo ka na?

Maaari kang mamigay ng balato o kaya naman ay magpaagaw. Pero kung ako sa inyo, ito ang gagawin ko:

a

Tumakbo ka!

Ano ba ang matututunan namin sa blog na ito?
Matututunan niyong maging madiskarte sa buhay. Na ang buhay ay isang pagtira ng teks na hindi mo alam ang kalalabasan, hindi mo alam kung papanig sayo ang ihip ng hangin. Maaari kang mandaya at gawin ang PEKTUS pero tandaan na ang mga bagay na nakakamit mo na galing sa hindi tamang paraan ay hindi magtatagal. Matuto sana tayong lumaban ng tama. Kapag nanalo ka, mamigay ka. Pero minsan, kailangan mong tumakbo muna para maiayos ang mga teks na ipamimigay mo. Pero ang pinaka-epic sa lahat ng dapat mong matutunan ay ang itago ang mga teks, kundi sasabihin ng nanay mo na “gusto mo ilaga na natin yan!”.

Balik-Tanaw: Palabunutan: Swerte ka ba dito o malas?

Fiesta na naman, marahil ilang linggo na namang may palabunutan at tiange sa mga lansangan, dagdagan mo na din ang tindera’t tindero ng mga lobo at kung ano man maganda sa mata ng mga bata na mga nais ibili sa kani-kanilang mga magulang. Wari’y mapapabili ka dahil sa rikit at ganda nito para sa mga bata.

Sa inyong palagay, ano nga palabunutan?

Isa ang Palabunutan sa mga paboritong atraksyon sa mga perya, sa tabi ng mga pampublikong paaralan o kaya kapag may kapistahan sa lugar n’yo. Sa murang halaga kasi ay magkakaroon ka na ng tyansang makapag-uwi ng ilang mga bagay na hindi mo mabibili sa isang normal na tindahan.

sisiw1Image Source: ColorGame

Para sa akin, may mga klase ng palabunutan/raffle. Isa na dito ‘yung bubunot ka ng kapirasong papel at kapag ibinabad sa tubig ay makikita ang hugis o numero na nag-uugnay sa premyo. Isa pang klase ay ‘yung colored game kung saan ihahagis mo ang pisong kalabaw mo sa tapat ng napili mong kulay at hihilahin ang tali para mahulog ang mga mala-kahon na nag-uugnay din sa premyo. Meron namang palabunutan na nakalagay sa isang banig. Pipitas ka na lamang ng mga nakabilot na papel sa isang banig na yari sa karton na nag-uugnay din sa mga premyo.

Ano ang kadalasang makukuha sa mga palabunutang tulad nito? Marami. Mga living things na tulad ng umang, dagang costa, itik, at syempre, ang walang kamatayang sisiw na mukhang rainbow dahil sa iba’t ibang kulay ng mga balahibo nito. Meron ding mga non-living things na tulad ng pekeng (at minsan ay kinakalawang pa) singsing at hikaw, mga plastik na laruan na tulad ng tau-tauhan, water game, water pistol, mga kuwintas na may pendant na hugis puso na yari sa chalk, plastik na bracelet, at kung minsan ay pera din ang mga premyo nito, na nagkakahalaga ng piso, limang piso at bente.

sisiw1

Image Source: Rainbow Chicks

Lagi kaming tumatambay sa labas ng eskwelahan namin ng kaibigan ko pagkatapos ng klase para sayangin ang piso namin sa mga tindahan ng palabunutan na ito. Pero meron akong natuklasan sa palabunutan.

Nang minsan kasing malas ako sa palabunutan at halos nakaka-bente pesos na ako at wala pa rin akong nakukuhang premyo, in-offeran ako ni Manong Tindero na bilhin ang isa sa limang piraso ng papel na nakatago sa bulsa n’ya dahil lahat daw ‘yun ay may premyo. Ako naman itong nauto at bumili ng isa sa limang papel na ‘yun at hindi nga ako nabigo! May nakuha akong premyo! Ano ito? Isang tumataginting na plastik na bracelet na kulay green. Potek. Ipinagpalit ko ang baon ko sa isang bracelet. Magaling.

Hindi ko sigurado kung gawain ng mga tindero ng palabunutan ang magtago ng papel na may premyo. Maaaring monkey business nila o sadya lang silang tuso pagdating sa ganitong uri ng kalakalan (teka, parang pareho lang ata ‘yun), ang mahalaga ay kumikita sila kahit paano.

Ikaw? Swerte ka ba o malas sa mga palabunutan?

Balik Tanaw: SOS (Pinoy Tic-Tac-Toe)

Sino nga ba ang hindi makakalimot at hindi nakakaalam sa larong ito? Ang SOS ay isang strategy game na hango sa Tic Tac Toe. Katulad ng Tic Tac Toe, kailangang makabuo ka ng mga letrang S-O-S in order, horizantally, diagonally, at vertically. At kung minsan ay bumibili pa kami ng “Graphic Paper” nang sa ganun ay hindi na kami mag-aabala pang gumuhit gamit ang ruler at typewriting o kahit nga sa isang simpleng papel ay makakalaro ka na nito, basta’t guhitan lamang ang papel ng mga grids.

Usong pampalipas oras ang SOS sa amin noong elementary days lalo na kapag breaktime. At noong minsang bored talaga kami, gumawa pa kami ng design sa isang graphing paper at nagustuhan naman ng aming guro. Parang baliw lang. Sino kamo? Hindi ko din alam.

Bakit nga kaya SOS ang tawag sa larong ito? Ang dami namang pwedeng letra, ‘di ba?  at sino kayang pinoy ang nakadiskubre dito? Tara, mag-SOS tayo.

 

Ang larawang nasa itaas ay nagmula sa : Mga Batang Nag-eeSOS

Balik Tanaw: Dirty Ice Cream (Isa sa pinaka-paboritong pagkaing kalye)

imagesImage Source: Ang Mamang Sorbetero sa Manila Bay

Maraming klase ng street foods o mga pagkaing kadalasang inilalako sa kalye. Fishballs, kikiam, proven, kwek-kwek, tokneneng, adidas, betamax, ice candy, ice scrambles, snowbol, manggang hilaw, singkamas na may alamang at iba pa. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa. Pero isa na siguro sa pinaka-popular ang dirty ice cream. Sigurado ako, kahit sino ang tanungin mo ay nakakain na ng ice cream na inilalako sa kalye.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dirty ice cream sa normal na ice cream? Bukod sa may kalakip na alikabok ng lansangan at mapagpala at pinagpapawisang kamay ni Manong Sorbetero, mabibili mo ang dirty ice cream sa mura at kayang-kayang halaga. Naaalala ko noon, sa halagang tatlong piso ay meron ka nang dirty ice cream na nakalagay sa isang maliit na apa. Pinagbabawalan pa kaming kainin ‘yung dulo ng apa dahil marumi daw ‘yun (may kulangot daw umano) at hinawakan kasi ni Manong. Meron ding dirty ice cream na nakalagay sa isang plastic cup (na kadalasan ay kulay berde o dilaw) at may kasama pang wooden scoop kaya kung ikaw ang tipo nung kumakain na ninanamnam pati ang pangsubo ay malalasahan mo talaga ang kahoy na ito. At meron ding dirty ice cream na sa malaking apa naman nakalagay at nagkakahalaga lamang ng limang piso. Oo, five pesos lang ang pinakamahal na dirty ice cream noon. Halos magkapareho lang ng minimum fare noon. Isipin mo, sa halagang sampung piso pala eh makakabyahe ka na, makakapagmeryenda ka pa ng ice cream. ‘Yun nga lang, wala nang uwian kasi wala ka nang pamasahe pauwi. Atsaka hindi ka naman siguro babyahe para lang kumain ng dirty ice cream.

Anu-ano ang kadalasang flavors ng sorbetes? Normal na sa mga ito ang flavors na tulad ng cheese, ube, at syempre, ang kakaibang sipa ng chocolate, Chok-Nut style. Napatanong ako, bakit kaya hindi sila gumawa ng dirty ice cream na tulad ng cookies and cream, coffee crumble, at iba pa? Sa tingin ko, mukhang kaya naman eh.

Naaalala ko noong bata pa ako, minsan pagkatapos ng eskwela ay diretso na kami sa labasan para bumili ng sorbetes kay manong. Nasabi kong minsan lang, kasi madalas namang dumadaan ang karo ng sorbetes ni manong sa lugar namin noon. Kapag narinig na namin ang kalembang ng karo ni Manong ay lalabas na kami para bumili ng itinitinda nyang Dirty Ice Cream.

Masarap talagang kumain ng ice cream ng 3-in-1 plus 1 at Magnum ng Selecta, Magnolia at Nestle Ice Cream Products. Pero minsan ay hahanap-hanapin ng panlasa mo ang ice cream na nabibili sa kalye, ang ice cream na may kasamang usok ng sasakyan, ice cream na may kasamang alikabok sa daan..ang ice cream na sariling atin.

Pero paano kung nalaman mong may ice cream kayo sa loob ng Ref, at matapos mong buksan, ganito yung nakita mo?

9aqm4kImage Source: Anong mararamdaman mo?

Image Source : Mamang Sorbetero (Featured Image)

Balik Tanaw: Ang mga Maiingay sa Klase

Sa isang classroom, laging may inaatasan ang ating pinakamamahal na guro na mamumuno ng katahimikan at kaayusan sa klase kapag s’ya ay wala. Kung hindi class officer ay ang pinakatahimik o pinakamatalino sa klase ang kanyang inuutusang maglista ng mga maiingay o Noisy at ng mga tayo ng tayo o Standing sa kanilang mga upuan. Minsan pa nga ay wais ang guro dahil kung sino man ang mapabilang sa listahan ay kinakailangan pang magbigay ng Floor Wax, Shoe Rug o magbayad ng piso na s’yang ilalagay “daw” ng titser sa class fund.

Dahil isa akong tahimik at mahiyaing bata noon, minsan na din akong naaatasan ng aming adviser na maglista sa isang pirasong papel ng mga Noisy at Standing. Laging nangunguna sa listahan ng mga maiingay ‘yung mga bully naming classmates at hindi naman mawawala sa listahan ’yung mga estudyanteng hindi mo alam kung may nunal ba sa talampakan dahil kung saan-saang lupalop ng silid aralan nakakarating. Minsan din ay nililista rin namin ang mga nagsasalita ng Tagalog sa oras ng English Class namin at as usual, may pisong multa rin ito na mapupunta sa class fund. Kaya ang ginagawa ko pag English Class na, tahimik lang ako. 🙂 (Para iwas pisong multa)

At alam n’yo ba na noong elementary days, akala ng klasmeyt ko nun na ang ibig sabihin ng “Standing” ay tahimik? May time kasi na nilista sya under “standing” ‘yung mga ibang kaklase ko nakaupo lang at nananahimik. Potek, ibig nya sigurong sabihin “outstanding” o ‘yung namumukod tangi. Ewan ko ba kung bakit. Kamot ulo na lang siguro ako nung mangyari yun. 😀

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling tigpipisong asukal sa tindahan ngunit mas mataba pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Noong bata pa ako, naglalaro sa piso hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi mga bata nuon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pineapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at chocolate. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kaibigan ko noong elementary na sipunin.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng nanay ko. Sa plastik ng yelo n’ya inilalagay ang tinimplang Milo.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore halimbawa ay ang dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik), o kaya adobo flavor tas may mangangata kang paminta.. Ang cool!

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas. Laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa plastik ng yelo. Nakakamiss lang..

imagesAng larawan ay nagmula sa my_sarisari_store.typepad.com

BUHAY HAYSKUL PART 2

Halos ayan lahat ang bukambibig ng mga tao, kahit tanungin mo sila kung anong parte ng buhay estudyante nila ang nais nilang balikan. Isa lang ang laging sagot, yung highschool life ko.

Dati iniisip ko kung bakit nga ba? Hanggang nagka-ideya ako kung bakit:

Pumasok tayo sa highschool sa edad na 12 or 13. At nagtapos ng 16 o 17. Sa 4 years span ng paglagi natin sa highschool, masasabi natin na dumaan rin tayo sa isang bahagi ng development ng isang teenager, ang adolescence period. Kung saan naghalo ang saya natin bilang bata at pag-iisip natin bilang grown-up or isang nagbibinata at nagdadalaga. Sa highschool, pwede pa tayong maglaro ng teks, pogs, taguan pung, patintero, Chinese garter at duel cards. Hindi pa tayo masyadong conscious sa mga itsura natin, kahit mejo haggard, pawisan, di pantay ang pagpupulbo, sabog ang buhok.

Dito rin natin nakilala si First Crush. Dito tayo unang kinilig. Dito tayo unang makapunta sa mall na hindi kasama ang kamag-anak o kapamilya. Dito tayo nagsimulang mag-avail ng “barkada picture package”. Dito tayo unang nakatikim ng alak. Dito tayo natuto ng brutal na pangopya. Dito rin tayo natuto ng kapangyarihan ng “copy-paste” kapag gagawa ng projects or assignments. Ang daming UNA sa buhay natin dito. (at marami pang UNA, di ko na babanggitin yung iba.) Sa highschool rin natin nakilala ang mga solid nating barkada. May pangalan pa. Mula sa initials ng pangalan o apelyido, o kaya naman sikat na banda, o galing sa isang astig na name, o acronym tulad ng SaNMaPogSS (Samahan Ng MgA Pogi sa School) o kaya naman KOTG (Kikay on the go) o kaya naman SBE (Solid Barkada Ever).

Pero ngayong college wala nang teks at pogs. Wala na ring ten-twenty at doctor kwak-kwak. Wala na rin ang dating barkada. Magigising na lang tayo sa bagong mundong hindi natin alam kung ano ang iooffer. Pure competition. Kapaan ng ugali. Pakisamahan at minsan plastikan. Backstabbing, parinigan at murahan. Parang kahabaan ng EDSA, puro usok at polusyon. Puro bad vibes. Minsan malas mo pa kung panget ang facilities. Mataas ang expectations sayo ng lahat ng tao. Para kang nakikipaglaban sa sarili mong World War I.

College life nga naman. Pero hindi naman lahat ng college life ng tao ay isang whirlwind. May inooffer din itong masasaya sa buhay. Nakakapunta tayo sa malalayong lugar. Nakakalabas tayo sa maliit na mundo ng highschool. Nahahasa ang ating competitiveness. May mga barkada din tayong nakikilala dito, di nga lang sing solid ng SanMaPogSS, KOTG at SBE. Pero okay na yun.

Kung ako tatanungin, mas gusto ko talaga ang highschool life pero may isang bagay lang akong nais ipagmalaki nung tumuntong ako sa mundo ng kolehiyo, ang pagiging FIGHTER. Dito ako natutong lumaban sa buhay. Lumaban para sa pangarap. Dito ko naranasang matalo at bumangon. Dito ko naranasang tumayo sa sarili kong paa. Dito ko nasabi sa sarili kong “Kaya ko kayong lahat.” Ang buhay ay parang MRT station, minsan marami ka pang kailangang daanan para makapunta ka sa pinapangarap mong istasyon. Makakaramdam ka ng siksikan, minsan buong biyahe ka nakatayo, minsan patay ang aircon. Minsan naman may mabait na magpapaupo sayo at minsan kailangan mong maging listo para makaupo ka agad sa isang available na upuan. Masaya ang highschool life pero sa buhay natin, di lang puro saya, dapat may challenge na I think, yan ang specialty na offer ng COLLEGE life. Ano sa tingin mo?