Masarap Pakinggan ang Pag-Ibig

Kung naging mabait ba ang madrasta’t kapatid ni Cinderella, mamahalin ba natin siya? Kung di ba kinagat ni Snow White ang mansanas, magugustuhan ba natin siya? Kung si Beast ba ay naging isang karaniwang prinsipe lang, mapapansin ba natin ang kwento nila ni Belle?
 
 
Masarap basahin ang mga kwento ng pag-ibig.

Masarap pakinggan.

Lalo na yung mga kwentong hango sa tunay na buhay, at yung mga nagtatapos ng masaya. Natututo tayong maniwala.
 
 
Pero sa likod ng itinakdang halik. Bago natin marinig yung tatlong salitang gusto nating marinig. Yung mga tao sa likod ng mga kwentong ito, marami silang pinagdaanan. Merong mga magaganda, at merong malulungkot. Masaya yung magaganda, pero ibang klase rin pag malungkot na. Sino ba ang hindi dumaan sa problema? Tungkol sa ex, sa mga kumplikasyon, mga kaibigang di sumasang-ayon, sa drama, lahat ng susubok kung gaano katibay ang pundasyon ng inyong relasyon.

Pero gaano man tayo nasasaktan, nahihirapan sa lahat ng iyon, ito yung mga sangkap na nagpapaganda sa ating kwento ng pag-ibig.
 
Kung sabihin ko sa inyo na ang kwento namin ng kasintahan ko nuon, oo nuon pa,  ay simple lang, nagkakilala, nainlove at nagkatuluyan, siguro mabuburyo kayo. Ako man, mababato. Siguro kung ganun nga ang nangyari, baka halos siyam na buwan na akong single ulit. Pero di ko expected na magkakabalikan ang lahat bago man mangyari ang lahat, Di ko man kinukwento dito, pero ilang beses na akong nalungkot, umiyak, nasaktan at nadepress bago naging kami ulet. At gaya ng ibang pag ibig nalungkot, binaliwala at iniwan ulit. Pero ayus lang. wala akong pinagsisihan, sa huli lahat ng aking pinagdaanan ay nasulit.

Sa mga kwento ng pag-ibig, ang importante lang naman ay tayo ay naniwala, naghanap, nagmahal at lumaban para dito. Pero ung mga ibang kaka-break pa lang, andyan lang sila nagpapaka-bitter at lubos ko naman nauunawaan yun, ung iba nga lang e OA na sa pagkabitter.
 
 
Tungkol doon naman talaga ang mga kwento ng pag-ibig, di ba?

Ito’y para sa mga naniniwala, naghahanap at lumalaban para sa pag-ibig.

 
 
Sa mga naghahanap ng isa sa dahilan para ngumiti. Anjan lang sya, maging bukas lang isip mo sa mga bagay na pepwede na sa pagkakataon at panahon.

Happy Mothers Everyday

KAPAG KINUMUSTA KA NG NANAY MO,
HUWAG KANG SASAGOT NG “OKAY LANG”

Kahit ano pang pinagdadaanan mo.
Kahit gaano kababaw, kabaliw o kasabaw.
Ikwento mo sa kanya.

Kahit tungkol pa ‘yan
sa financial assets ng kumpanya.
Sa nalalapit na merger.
O sa nalalapit mong pakikipagbalikan
sa ex mong mukhang nasabugan ng bulkan sa mukha.
Ikwento mo sa kanya.
Kahit ‘di niya lubos na maintindihan,
ikwento mo lang.

Gusto lang niya ng kausap.
Ng isang paalalang minsan
siya ang pinakamahalagang tao sa buhay mo.
Ang takbuhan mo noong mga panahong
wala ka pang ibang alam na mundo
maliban sa mga yakap niya.
Wala ka pang ibang kaibigan
maliban sa mga gawa-gawa niyang manika.
Wala ka pang ibang bukambibig kundi “Nanay”.
Masaya. Malungkot.
Natatakot.
Nakikiliti.
Inaantok.
Nagagalit.
Nagugutom.
Nauutot. Natatae.
“Nanay” lang lagi ang sambit.

Naninibago lang siya sa katahimikan ng tahanan
ngayong daan-daang milya na ang inyong pagitan.
Gusto lang niyang maramdaman
na parte pa rin siya ng ikaw.
Kahit alam naman niyang magkaiba
ang estilo niyo sa lahat ng bagay.
Gusto lang niyang maging bahagi ng buhay mo.
Kahit sa text man lang.
Kahit minsan sa isang linggo lang.

Para lang hindi siya nag-iimbento ng kwento
tuwing tatanungin ng mga kapitbahay
kung kumusta na ba ang kanyang anak
na pinag-alayan niya ng pangarap at buhay.

Panimula: Pangalawang Pagkakataon

Ngayon lang ulet ako nagkaroon ng pagkakataong makalikha muli ng isang blog, natagalan bago ako makagawa ng isang blog mula sa huli kong inilikha, marahil na din sa takbo ng buhay ko magmula nang inilathala ko ang huli kong iniakda, marahil na din sa busy sa trabaho, at sa mga bagay na minsan kinakain ako ng katamaran sa pag-iisip ng mga patungkol sa kung ano-ano at walang kwentang kwento pumpasok sa isip ko. Kaya eto ngayon, gumawa ako ng isang seryosong blog patungkol sa 2nd chance…..

 

Everyone deserves a second chance.

 
Siguro narinig mo na ang mga salitang ito, kahit sa tv man o sa kaibigan mong magaling magpayo pero wala namang love life. Ang tanong, totoo ba ito at dapat paniwalaan? Ilang beses ko na rin naitanong sa sarili ko yan, at heto ang sagot ko.

Sa isang maikling sagot, oo. Kahit na nalilito ka o nagdadalawang isip, sige na, bigyan mo na sya ng 2nd chance. Kagaya lang yan ng paniniwala na “kapag nagmamahal ka ng dalawang tao, piliin mo yung pangalawa, kasi kung mahal mo talaga at kuntento ka sa una, hindi ka magmamahal ng isa pa.” Dito naman, “Kung hindi mo alam kung bibigyan mo pa sya ng 2nd chance o hindi, bigyan mo, kasi ang totoo nyan ay gusto mo pa talaga syang bigyan ng 2nd chance, natatakot ka lang na sayangin nya yun at saktan ka nya ulit.” Ano may sense ba? Isipin mo, ganun naman talaga diba? Eh Ayoko Nga Masaktan Ulit…

Siguro iniisip mo, “eh pano kung di pa rin sya magbago? Pano kung sayangin lang nya yung 2nd chance na ibibigay ko at saktan nya ulit ako?” Tama, pwede ngang mangyari ‘yun. Pwedeng pinapaasa ka lang nya at wala naman talaga syang balak na ayusin ang buhay nya dahil sa 2nd chance na ibibigay mo. Pero kaya nga tinawag na chance, diba? Ang dapat mo lang isipin ay hindi lang ito chance para sa kanya, kundi chance din para sa iyo. Sa pagbibigay mo sa kanya ng chance, binibigyan mo din ang sarili mo ng chance na magawa ang isa sa dalawang bagay na ito:

Matanggap mo kung ano man ang hindi mo matanggap sa kanya. Kadalasan kaya sya humihingi ng 2nd chance ay dahil may bagay syang hindi magawa o hindi maibigay sayo. O kaya naman ay may nagagawa o ginagawa syang bagay na nakakasakit sayo. Kahit hindi nya pa rin ito maibigay o mabago, pwedeng matanggap mo sa sarili mo na ganun na talaga sya, at hindi na nya kailangan pa ng 2nd chance para magbago. Pwedeng ikaw ang magbago ng pananaw, at matanggap mo kung ano man ang mga pagkukulang nya.

Magising ka sa realidad na hindi na talaga masosolusyonan ng “chance” ang kung ano man ang problema nyo. Pag nangyari sayo ‘to, hindi mo na itatanong sa sarili mo kung dapat bang bigyan mo sya ng chance (3rd man o 4th o kung pang-ilan man yun), dahil alam mo nang hindi mo na sya kayang bigyan pa nito.

Kelan Dapat Hindi Magbigay Ng Chance?

Sa totoo lang, wala akong maisip na dahilan para hindi magbigay ng 2nd chance. Ang naiisip  ko lang ay para sa 3rd chance pataas, at ito ay kapag nagawa mo na ang letter B na sinabi ko sa taas. In other words, napagod ka na sa kabibigay ng chance at napagtanto mo na mapapagod lang kayo at masasaktan ng paulit-ulit kahit na ilang beses nyo pa subukan. Hindi lang yun, ikaw mismo ay pagod na, ngayon na. Tandaan, hindi ko sinasabing sumuko agad kayo. Ang gusto ko nga e laban lang ng laban hangga’t kaya pa. Try lang ng try hanggang sa makuha nyo ang tamang timpla ng samahan nyo. Pero pag dumating ka na sa point na ubos na ang lakas mo at sigurado ka na na nagpapantasya ka na lang na maaayos nyo pa ang problema nyo, aba’y tama na.

Pero pag dating sa 2nd chance, naniniwala ako na at least a 2nd chance is deserved by everybody. Kahit gaano pa kasama yung taong yun, at kahit gaano kagrabe at kasakit yung ginawa nya sayo, naniniwala ako na kayang magbago ng isang tao. Isipin mo na lang kung ikaw yung taong humihingi ng chance. Isipin mo na masama kang tao nung una, at sobrang nasaktan mo yung taong hinihingan mo ng chance. Tapos isang araw nagising ka, at narealize mo lahat ng pagkakamali mo, at nangako sa sarili mo na magbabago ka na. Pero wala na, ayaw na nya, napuno na sya sayo. Lumapit ka ngayon sa kanya, humihingi ng isa pang pagkakataon, para itama ang mga mali, buuin ang mga sira at punan ang mga pagkukulang. Alam mo sa sarili mo na gagawin mo ang lahat. Kahit anong mangyari ay magtatagumpay ka sa pagbabagong ito. Pero ayaw na nya, at hindi ka nya binigyan ng isa pang pagkakataon. Habang buhay kang magsisisi at manghihinayang sa isang bagay na nawala sayo nang wala kang nagawa. Hindi mo nasubukang patunayan sa kanya at sa sarili mo na kaya mong magbago. Masakit diba? Ayaw mong mangyari yun sayo, at sana ayaw mo rin mangyari yun sa iba. Kaya nga dapat natin magbigay ng chance.

Huling Salita

Aray. Mahirap masaktan. Mahirap din umasa. Pero mas mahirap mabuhay sa pagsisisi at pagtataka. Kung may humihingi sayo ng 2nd chance, at hindi mo binigyan, makakatulog ka ba ng mahimbing sa gabi? Hindi ka ba magtataka kung ano kaya ang nangyari kung nagbigay ka ng chance? Pano kaya kung nagbago sya talaga at naging happy ever after na kayo? At sa huli, kahit na sayangin nya ang chance na ibibigay mo, at least masasabi mo sa sarili mo na “I gave him/her a chance.”

Sinasabi ko ito bilang isang taong makailang beses na humingi ng 2nd chance sa iba’t ibang tao, ang nahingan na rin ng 2nd chance. Alam ko ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan at ang manghinayang sa hindi pagbibigay ng 2nd chance. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagbigay sakin ng 2nd chance, at nagtiwalang muli ka kabila ng mga bagay na ginawa ko. At dahil dun, ipinangako ko na rin sa sarili ko na magbibigay ng 2nd chance sa kung sino man ang manghingi nito. Pero tandaan, 2nd chance lang ang usapan dito. Sa 3rd at mga kasunod, kayo nang bahala dun. Haha.

So yun lang. Sa madaling salita: Oo, bigyan mo pa sya ng 2nd chance kung humihingi sya. Bigyan mo sya dahil nagtatanong ka pa imbis na tapusin na ang lahat. Bigyan mo sya para mabigyan mo din ang sarili mo. Bigyan mo sya para mapanatag ang loob mo. Bigyan mo sya dahil lahat tayo ay nagkakamali, pero lahat din ay pwedeng magbago.

Seryoso? Suicide…Wag!

Sino nga ba ang hindi nakakaalam sa balita ukol sa nangyaring “pagpapakamatay” ng asawa ni Ted Failon na si Trina Etong? Kung isa ka sa mga naniniwalang nag-suicide nga ang nasabing ginang, ituloy mo lang ang pagpapatiwakal mo este pagbabasa mo.

Hindi ko naisip na maging ang pamilya ng mga sikat na personalidad sa telebisyon e nakakaranas din ng problemang pam-pinansyal. Lalo na sa isang katulad ni Ted Failon na matagal nang nasa serbisyo. Pero wala naman kasing nakakaalam kung paano nangyari ‘yun, mahirap na din magsalita.

Hanga ako sa anak ni Ted Failon. Kahit na wala na ‘yung Mama niya at hindi masyadong maganda ‘yung dahilan kung bakit, may lakas ng loob pa rin siyang magsalita sa napakaraming tao para lang ipagtanggol ang pamilya niya (na halos sirain na ng mga naka-kulay blue na uniform). Sana nga lang wala nang matulad pa sa sinapit ng nanay niya.

Suicide. Sabi ng mga eksperto, 90% daw ng mga nagpapakamatay ay dahil sa sobrang depresyon o kalungkutan. “Pantapos ng problema”, sabi ‘nung mga friends ko na nag-suicide ‘nung dalawin ko sila sa sementeryo. Oo nga, pantapos ng problema. Pero kasabay ng pagtapos mo sa problema mo ay ang pagtapos mo sa lahat ng aspeto ng buhay mo at maging ng buhay ng ibang tao sa paligid mo. Tutuldukan mo ang kasiyahan ng ibang tao “simply because you extist”, sabi nga sa isang text quote. Tatapusin mo ang pangarap mo at ang mga pangarap na binuo mo kasama ng ibang taong mahal mo. Wawakasan mo ang ilang pagkakataong sumaya at ang pagkakataong matanaw ang bukas, ang pagkatapos ng bukas, at pagkatapos ng pagkatapos ng bukas. Kung inaakala mong matatapos mo ang problema sa simpleng paglaslas ng pulso (gamit ang kinakalawang na nail cutter o bread knife), pagbibigti (gamit ang sinulid), pagbabaril sa sarili (gamit ang pellet gun, pwede rin ang water gun), pagtalon sa billboard (ni Angel Locsin),pag-ooverdose ng gamot (epektib daw ‘yung biogesic), o pagtalon sa building (ng Taipei 101 sa ground floor) e nagkakamali ka.

Ang mahal kayang magpalibing. Kabaong pa nga lang, mamumulubi ka na. Kung magsu-suicide ka, abisuhan mo na ang pamilya mo para naman makapag-ipon sila.

“Ma, magsu-suicide na ko sa Tuesday, 3:54 ng umaga. Bumagsak kasi ako sa P.E.. P20,000 ata ‘yung kabaong. ‘Yung kulay pink tas may polka dots Ma ha?”

imagesIkaw, magpapakamatay ka ba? Kung oo,galingan mo. Dapat ‘yung siguradong dedbol ka na dahil kapag nabuhay ka pa, sangkatutak na sermon pa ang aabutin mo. “Walangya ka anak! Bakit ka nagtangkang magpakamatay? Bakit hindi mo ginalingan??” At utang na loob, huwag ka nang magmulto. Kung ako sa’yo, mga ilang oras lang matapos mong mag-suicide, pumunta ka sa airport. Sumakay ka ng eroplano at pumunta ka sa lahat ng lugar na gusto mong puntahan. Libre lang ang tiket. Di na kailangan ng matinding security check. Huwag sayangin ang pagkakataon.

Pero seryoso,kahit saang anggulo mo tignan, isa sa pinakamalaking kalokohan sa mundo ay ang magpakamatay. Sa napakaraming dahilan, sa napakaraming pagkakataon, at sa napakaraming aspeto, hindi ka “in” kapag nag-suicide ka. Hindi ka papayagang makapasok sa hotel ni Bro.

Magmula ngayon mag-isip-isip ka na.

Isang Malalim na Pananaliksik sa Larong “Ten Twenty”

a

ten. twenti. terti. porti. pipti. chuk-chuk-chuk. wan handred.

Sa paglalaro ko ng TEKS, Jolen at Pogs sa kalsada, hinding hindi mawawala ang mga babaeng nakaharang sa daan na naglalaro ng ten-twenty.

Ano ba ang larong ten-twenty?

Ito ay isang uri ng larong pangkalye na ginagamitan ng chinese garter o ng gomang pinagdugtong-dugtong. Itatali sa paa ng dalawang kalahok para makabuo ng dalawang tuwid na linya na siya namang tatalunin ng unang manlalaro.

Saan po bang bansa nagmula ang larong ito?

Ayon sa mga manunulat ng kasaysayan, ito ay nagmula sa bansang Pilipinas. Sa atin mismo. Nanggaling marahil ito sa sayaw na tinikling.

Bakit po ito tinawag na ten-twenty?

Aba, malay ko. Tanong mo na lang kay Soriano kung gusto ko talagang malaman.

Paano po ba ito laruin?

Ito ay nilalaro ng tatlong katao pataas kung saan ang dalawang taya ay siyang magsusuot ng chinese garter na siya namang tatalunan ng unang kalahok.

Ito ay laro ng konsentrasyon, determinasyon at pagpupursigi. Ang manlalaro ay bibilang ng 10 sa una nitong talon. Pagkalipat sa talon sa kabila, ito ay bibilang ng 20. Papalit-palit hanggang makarating ng bilang 40. Pagdating sa bilang 50, ang dalawang paa ay dapat nasa labas ng garter. Ang susunod naman ay lulundag ito paitaas para maipasok sa loob ng garter ang dalawang paa. Ito ay bilang 60. Ang bilang 70-80-90 ay nirerepresenta ng pagkiskis ng dalawang talampakan paabante at paatras sa lapag ng kalsada. Kapag dumating ang bilang 100, tatalon ang kalahok at kailangan nilang apakan ang dalawang linya ng garter upang matapos ang laro.

May mga lebel po ba ang larong ito?

Meron. Una, ang garter ay nasa mababang parte ng paa. Sunod ay sa tuhod, hita, bewang pataas sa dibdib at leeg. Kapag natapos nila ang buong lebel sa katawan pataas, papasok na dito ang larong tinikling.

Paano po nilalaro ang tinikling?

Ito ay ang lebel ng laro kung saan ang garter ay nakasuot lamang sa iisang paa ng bawat kalaro.

Sino po ba ang karaniwang naglalaro nito?

Ito ay halos nilalaro ng lahat ng babaeng kalye, mga beking bata at mga napipilitang lalaki dahil kulang ang isang grupo ng miyembro.

Mga Terminolohiyang ginagamit sa laro:

  1. Mother – siya ang tumatayong lider ng bawat grupong naglalaban.
  2. Baby – siya naman ang pinakamahinang manlalaro ng grupo.
  3. No Labas Ngipin – isang batas kung saan kailangan mong umiwas na mapakita ang iyong ngipin habang tumatalon. (weird ng rule na ito at until now, hindi ko pa rin alam ang sense kung bakit may ganito.)
  4. Magic – ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbebend ng garter kung saan papasok ang manlalaro sa gitna at magsisimula sa bilang na 90 at kailangan na lang matapos sa pamamagitan ng pagtalon.
  5. No Passing -Ito ay ispesyal na batas kung saan pinipigilan ang pagligtas ng Mother sa mga titirang kalahok.

Nilalaro pa rin ba ito hanggang ngayon?

Dahil sa naglabasang bagong gadgets, halos hindi na ito nilalaro ng mga kabataang babae at beki ngayon, ang nilalaro na lang nila ay Tetris at COC.

Anong matututunan namin sa blog na ito?

Sa blog na ito ay marahil bumalik ang kabataan niyo kung saan nasa pila kayo nung elementary days ninyo. Habang naghihintay ng pagdating ng guro upang kayo ay papasukin sa loob ng classroom. Dito niyo natutunan ang TEAMWORK. Ang pagtitiwala. Ang paglaban.

Tulad sa buhay, may goal tayong magsucceed sa lahat ng aspects. May mga tutulong sa atin sa pagkamit nito ngunit tulad ng laro, marami tayong pagdadaanan. Mga pahirap na pahirap na challenges. Mga taong nais tayong magkamali. Pero all we need to do is to play and not to surrender. Parang try and try until we DED pero maDED man tayo, may second chance pa rin ang buhay. Natututo tayong maghintay, magplano at lumaban.

Ang buhay ay parang ten-twenty. Ang main purpose ay ang magsaya.

Isang Malalim na Pananaliksik sa “Kisses”

a

Noong grade school nag-alaga ka ba nito?.

Ano ba ang kisses?

Ito ay mga mumunting butil na gawa sa isang malinaw  na rubber na may iba’t ibang kulay. Ito ay hugis bilo-haba (tulad ng makikita niyo sa larawan) na may kaunting diin sa gitna. Isa sa mga natatangi nitong katangian ay ang pagiging mabango.

Paano ba ito inaalagaan?

Ito ay kadalasang inilalagay sa kahon ng posporong may bulak sa loob. Ang iba naman ay binabalot sa panyong may pulbos.

Nanganganak ba ito?

Maraming hakahaka ang umikot na ang kisses nga ay nanganganak. Malalaman mong buntis ang isang kisses kapag ito ay may umbok sa gitna.

Paano ba ito paaanakin?

Marami ang nagsabi na, upang mapaanak mo ang isang kisses, kailangan mo itong ilagay sa isang pantay na lugar, bubuhusan ito ng alcohol at papagulungan ng katawan ng lapis.

May mga naitala na bang kaso ng panganganak ng kisses?

Sa ilang taon ko nang nabubuhay sa mundo, wala pa akong naririnig o nakikitang kisses na nanganak.

Bakit hindi “kiss” ang singular ng “kisses”? Bakit “kisses” pa rin ang tawag dito kahit isa lamang ang pinatutunguan nito?

Aba malay ko. Baka siguro hindi pa alam ng mga nag-aalaga ng mga kisses ang singular/plural.

Ano ang mga aral na makukuha namin sa blog na ito?

Una, malalaman niyo na hindi talaga nanganganak ang mga kisses pero nagdadala ito sa atin ng aral kung paano mag-alaga ng mga bagay o taong pinapahalagahan natin. Dito natin unang natutunan ang pagpapahalaga, pag-aalaga at pagiging masaya sa mga simpleng bagay.

Tulad ng kisses, ang buhay natin ay makulay, mabango, Siguro kailangan lang nating alagaan at mahalin ang ating buhay para mahalin rin tayo nito pabalik. Minsan may mga bagay tayo pinaniniwalaan na hindi pala totoo, pero anong mawawala kung maniniwala diba? Malay mo, magkatotoo ito at masasabi mong nanganganak nga ang kisses.

Ang sarap maging bata. Walang limitasyong pumipigil sa atin para maging masaya. Laging nakangiti. Laging nakatawa. Walang problema. Ang tanging problema lang ay kapag nalaman ng nanay mo na yung baon mo ay pinambili mo lang ng mga kisses sa tapat ng eskwelahang pinapasukan mo.

Isang Malalim na Pananaliksik sa Larong “Teks”

a

Gaano kasaya ang childhood mo nuon??

 

I-sa, Da-la-wa,Tat-lo, Cha! Isang laro. Dalawang pato. Tatlong teks na ititira mo.

Naalala ko pa noong maliit pa ako, madalas akong nasa kalsada para makipaglaban ng teks. Kahit mag-amoy araw na ako, wala pa ring ayawan. Matira matibay. Sa milyong beses ko nang naglalaro nito, masasabi kong swerte ako sa laban na ito. Lagi kasi akong nananalo.

Ano ba ang teks?

Teks o kadalasang tinatawag na post card ay isang manipis na karton na parihaba ang sukat. Dito ay may nakaimprentang larawan ng mga karakter ng mga sikat na palabas noon sa telebisyon tulad ng Ghost Fighter, Blue Blink, Doraemon, Mojako, Magic Knight Rayearth at Sailormoon.

Ang kaunaunahang uri ng teks ay may disenyong mala-komiks. (tulad ng makikita niyo sa larawan)

a

Paano ba ito nilalaro?

Ito ay nilalaro ng dalawang tao (minsan ay tatlo o apat). Ang bawat kalahok ay may kanyakanyang pamato (isang panlabang teks). Kapag dalawa lang ang maglalaban, sila ay maglalagay ng pamanggulo/panggulo/pananggulo, ito ay magsisilbing tagabalanse ng laro. Ititira ang bawat kalahok ang kanikanilang pamato. Ito ay isang odd-even game. Kapag nakaharap ang pamato ni Kalahok 1, at nakataob ang parehong teks kalaban at ang pamanggulo, ang kalahok 1 ang titira.

Mga terminolohiya:

  1. Cha – kapag ang teks ay nakaharap. (ang harap ng teks ay iba’t iba ang disenyo.)
  2. Chub – kapag ang teks naman ay nakataob. (ang likod ng teks ay parepareho, kadalasan ang nakalagay dito ay ang pamagat ng programang pinagkuhaan ng disenyo ng teks)

 

a

Paano manalo sa larong ito?

Mananalo ka sa larong ito kapag ang iyong pamato ay naging minorya sa lahat ng mga teks na tinira mo.

Halimbawa:

Ang pato ni Kalahok 1 ay naka-CHA. Ang pamanggulo ay naka-CHUB. At ang pato ng Kalahok 2 ay naka-CHUB. Si Kalahok 1 ang panalo.

K1 – CHA.

K2 – CHUB.

P- CHUB.

Maari ring naka-CHA ang pamanggulo at ang pamato kalaban, at ikaw ay naka-CHUB, ikaw ang panalo.

a

Paano ba tumaya dito? Paano magbilang ng mga taya?

Maraming uri ng pagtaya:

  1. Ang halaga ng iyong taya sa tig-iisang bilang. Halimbawa: Sampu Tig-iisa.
  2. Ang halaga ng iyong taya sa tigagalawang bilang Halimbawa: Sampu Tigagalawa. (Ito ay nagkakahalagang dalampu)
  3. Bet na lahat lahat. Sinasagot ng kalaban mo ang buong teks na hawak mo.
  4. Bet na lahat lahat pati pato’t pamanggulo. Ang lahat ng teks mo kasama ang pato at pamanggulo (kapag sa iyo ang pamanggulo)
  5. Sado na. Kapag tumaya siya ng kalahati at nanalo ka, ang susunod niyang taya ay ang isa pang kalahati. Kapag nanalo ka, sayo na lahat, kapag talo ka, quits na!
  6. Dangkalan. Ito ay ang pagtaya ng teks na nakaayon sa dangkal ng kamay. Binibilang ito o binabayaran ito sa paraan ng tumpukan.
  7. Kase Kase na. Pagsasamahin na ang iyong teks at ng teks ng kalaban mo para sa iisang tira lamang. Kadalasan itong nangyayari kapag gabi na o tinatawag na kayo ng nanay niyo para kumain.

Paano po ang bilang sa tigagalawa at may isa pang sumobra?

Ang tawag dito ay Cha.

Iba pang uri ng pagbibilang.

  1. I-sa, dala-wa, tat-lo cha. (7 teks)
  2. Isam-babae-K______-kagabi-paglabas-buntis! (12 teks)
  3. Isa-mudawa-mutarutaru-pa-semplang (10 teks)

 

a

 

Iba pang terminolohiya:

  1. King Kak – kapag ang teks mo ay nakaslant sa pataas na bagay.
  2. Pektus – isang uri ng pandaraya kung saan, itinitiklop ang iyong pamato at hinahayaang nakatuwid ang iba pang teks.
  3. Apir – ito ay kadalasang nilalaro ng mga batang hindi pa marunong tumira ng teks.
  4. Hinangin – kapag ang kalaban mo ay desperado na. Sasabihin niya yan para ulit.

Pwede ba itong laruin ng apat na tao?

Oo. Pwedeng labo labo o kaya naman ay kampihan.

Kapag marami ka nang teks, saan mo ito ilalagay?

Sa bulsa o kaya sa damit mong maluwag.

Anong dapat mong gawin kapag nanalo ka na?

Maaari kang mamigay ng balato o kaya naman ay magpaagaw. Pero kung ako sa inyo, ito ang gagawin ko:

a

Tumakbo ka!

Ano ba ang matututunan namin sa blog na ito?
Matututunan niyong maging madiskarte sa buhay. Na ang buhay ay isang pagtira ng teks na hindi mo alam ang kalalabasan, hindi mo alam kung papanig sayo ang ihip ng hangin. Maaari kang mandaya at gawin ang PEKTUS pero tandaan na ang mga bagay na nakakamit mo na galing sa hindi tamang paraan ay hindi magtatagal. Matuto sana tayong lumaban ng tama. Kapag nanalo ka, mamigay ka. Pero minsan, kailangan mong tumakbo muna para maiayos ang mga teks na ipamimigay mo. Pero ang pinaka-epic sa lahat ng dapat mong matutunan ay ang itago ang mga teks, kundi sasabihin ng nanay mo na “gusto mo ilaga na natin yan!”.

Balik-Tanaw: Palabunutan: Swerte ka ba dito o malas?

Fiesta na naman, marahil ilang linggo na namang may palabunutan at tiange sa mga lansangan, dagdagan mo na din ang tindera’t tindero ng mga lobo at kung ano man maganda sa mata ng mga bata na mga nais ibili sa kani-kanilang mga magulang. Wari’y mapapabili ka dahil sa rikit at ganda nito para sa mga bata.

Sa inyong palagay, ano nga palabunutan?

Isa ang Palabunutan sa mga paboritong atraksyon sa mga perya, sa tabi ng mga pampublikong paaralan o kaya kapag may kapistahan sa lugar n’yo. Sa murang halaga kasi ay magkakaroon ka na ng tyansang makapag-uwi ng ilang mga bagay na hindi mo mabibili sa isang normal na tindahan.

sisiw1Image Source: ColorGame

Para sa akin, may mga klase ng palabunutan/raffle. Isa na dito ‘yung bubunot ka ng kapirasong papel at kapag ibinabad sa tubig ay makikita ang hugis o numero na nag-uugnay sa premyo. Isa pang klase ay ‘yung colored game kung saan ihahagis mo ang pisong kalabaw mo sa tapat ng napili mong kulay at hihilahin ang tali para mahulog ang mga mala-kahon na nag-uugnay din sa premyo. Meron namang palabunutan na nakalagay sa isang banig. Pipitas ka na lamang ng mga nakabilot na papel sa isang banig na yari sa karton na nag-uugnay din sa mga premyo.

Ano ang kadalasang makukuha sa mga palabunutang tulad nito? Marami. Mga living things na tulad ng umang, dagang costa, itik, at syempre, ang walang kamatayang sisiw na mukhang rainbow dahil sa iba’t ibang kulay ng mga balahibo nito. Meron ding mga non-living things na tulad ng pekeng (at minsan ay kinakalawang pa) singsing at hikaw, mga plastik na laruan na tulad ng tau-tauhan, water game, water pistol, mga kuwintas na may pendant na hugis puso na yari sa chalk, plastik na bracelet, at kung minsan ay pera din ang mga premyo nito, na nagkakahalaga ng piso, limang piso at bente.

sisiw1

Image Source: Rainbow Chicks

Lagi kaming tumatambay sa labas ng eskwelahan namin ng kaibigan ko pagkatapos ng klase para sayangin ang piso namin sa mga tindahan ng palabunutan na ito. Pero meron akong natuklasan sa palabunutan.

Nang minsan kasing malas ako sa palabunutan at halos nakaka-bente pesos na ako at wala pa rin akong nakukuhang premyo, in-offeran ako ni Manong Tindero na bilhin ang isa sa limang piraso ng papel na nakatago sa bulsa n’ya dahil lahat daw ‘yun ay may premyo. Ako naman itong nauto at bumili ng isa sa limang papel na ‘yun at hindi nga ako nabigo! May nakuha akong premyo! Ano ito? Isang tumataginting na plastik na bracelet na kulay green. Potek. Ipinagpalit ko ang baon ko sa isang bracelet. Magaling.

Hindi ko sigurado kung gawain ng mga tindero ng palabunutan ang magtago ng papel na may premyo. Maaaring monkey business nila o sadya lang silang tuso pagdating sa ganitong uri ng kalakalan (teka, parang pareho lang ata ‘yun), ang mahalaga ay kumikita sila kahit paano.

Ikaw? Swerte ka ba o malas sa mga palabunutan?

Balik Tanaw: SOS (Pinoy Tic-Tac-Toe)

Sino nga ba ang hindi makakalimot at hindi nakakaalam sa larong ito? Ang SOS ay isang strategy game na hango sa Tic Tac Toe. Katulad ng Tic Tac Toe, kailangang makabuo ka ng mga letrang S-O-S in order, horizantally, diagonally, at vertically. At kung minsan ay bumibili pa kami ng “Graphic Paper” nang sa ganun ay hindi na kami mag-aabala pang gumuhit gamit ang ruler at typewriting o kahit nga sa isang simpleng papel ay makakalaro ka na nito, basta’t guhitan lamang ang papel ng mga grids.

Usong pampalipas oras ang SOS sa amin noong elementary days lalo na kapag breaktime. At noong minsang bored talaga kami, gumawa pa kami ng design sa isang graphing paper at nagustuhan naman ng aming guro. Parang baliw lang. Sino kamo? Hindi ko din alam.

Bakit nga kaya SOS ang tawag sa larong ito? Ang dami namang pwedeng letra, ‘di ba?  at sino kayang pinoy ang nakadiskubre dito? Tara, mag-SOS tayo.

 

Ang larawang nasa itaas ay nagmula sa : Mga Batang Nag-eeSOS