Balik Tanaw: Dirty Ice Cream (Isa sa pinaka-paboritong pagkaing kalye)

imagesImage Source: Ang Mamang Sorbetero sa Manila Bay

Maraming klase ng street foods o mga pagkaing kadalasang inilalako sa kalye. Fishballs, kikiam, proven, kwek-kwek, tokneneng, adidas, betamax, ice candy, ice scrambles, snowbol, manggang hilaw, singkamas na may alamang at iba pa. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa. Pero isa na siguro sa pinaka-popular ang dirty ice cream. Sigurado ako, kahit sino ang tanungin mo ay nakakain na ng ice cream na inilalako sa kalye.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dirty ice cream sa normal na ice cream? Bukod sa may kalakip na alikabok ng lansangan at mapagpala at pinagpapawisang kamay ni Manong Sorbetero, mabibili mo ang dirty ice cream sa mura at kayang-kayang halaga. Naaalala ko noon, sa halagang tatlong piso ay meron ka nang dirty ice cream na nakalagay sa isang maliit na apa. Pinagbabawalan pa kaming kainin ‘yung dulo ng apa dahil marumi daw ‘yun (may kulangot daw umano) at hinawakan kasi ni Manong. Meron ding dirty ice cream na nakalagay sa isang plastic cup (na kadalasan ay kulay berde o dilaw) at may kasama pang wooden scoop kaya kung ikaw ang tipo nung kumakain na ninanamnam pati ang pangsubo ay malalasahan mo talaga ang kahoy na ito. At meron ding dirty ice cream na sa malaking apa naman nakalagay at nagkakahalaga lamang ng limang piso. Oo, five pesos lang ang pinakamahal na dirty ice cream noon. Halos magkapareho lang ng minimum fare noon. Isipin mo, sa halagang sampung piso pala eh makakabyahe ka na, makakapagmeryenda ka pa ng ice cream. ‘Yun nga lang, wala nang uwian kasi wala ka nang pamasahe pauwi. Atsaka hindi ka naman siguro babyahe para lang kumain ng dirty ice cream.

Anu-ano ang kadalasang flavors ng sorbetes? Normal na sa mga ito ang flavors na tulad ng cheese, ube, at syempre, ang kakaibang sipa ng chocolate, Chok-Nut style. Napatanong ako, bakit kaya hindi sila gumawa ng dirty ice cream na tulad ng cookies and cream, coffee crumble, at iba pa? Sa tingin ko, mukhang kaya naman eh.

Naaalala ko noong bata pa ako, minsan pagkatapos ng eskwela ay diretso na kami sa labasan para bumili ng sorbetes kay manong. Nasabi kong minsan lang, kasi madalas namang dumadaan ang karo ng sorbetes ni manong sa lugar namin noon. Kapag narinig na namin ang kalembang ng karo ni Manong ay lalabas na kami para bumili ng itinitinda nyang Dirty Ice Cream.

Masarap talagang kumain ng ice cream ng 3-in-1 plus 1 at Magnum ng Selecta, Magnolia at Nestle Ice Cream Products. Pero minsan ay hahanap-hanapin ng panlasa mo ang ice cream na nabibili sa kalye, ang ice cream na may kasamang usok ng sasakyan, ice cream na may kasamang alikabok sa daan..ang ice cream na sariling atin.

Pero paano kung nalaman mong may ice cream kayo sa loob ng Ref, at matapos mong buksan, ganito yung nakita mo?

9aqm4kImage Source: Anong mararamdaman mo?

Image Source : Mamang Sorbetero (Featured Image)

Nang ifollow nya ako

index

Malugod kong pinasasalamatan si Doctor Eamer  sa kanyang kumentong nakakaantig ng puso. Tama nga naman, Nagbablog ang mga blogger na katulad ko, hindi dahil gusto nating magkaroon ng madaming likes, comments, follow o anu man, nakakaisip tayo ng blog kundi dahil gusto natin yung ginagawa natin o dahil gusto nating i-express yung nilalaman ng nararamdaman natin sa bagay-bagay sa buhay-buhay. Just write because you like writing ika nga ni Doctor Eamer.

Sa lahat ng mga patuloy na bumibisita sa blog na ito maraming maraming salamat sa inyo. Patuloy lang akong lilikha ng mga iba’t ibang klaseng blog batay sa kung ano ang nilalaman ng isip ko. Apir.

Balik Tanaw: Ang mga Maiingay sa Klase

Sa isang classroom, laging may inaatasan ang ating pinakamamahal na guro na mamumuno ng katahimikan at kaayusan sa klase kapag s’ya ay wala. Kung hindi class officer ay ang pinakatahimik o pinakamatalino sa klase ang kanyang inuutusang maglista ng mga maiingay o Noisy at ng mga tayo ng tayo o Standing sa kanilang mga upuan. Minsan pa nga ay wais ang guro dahil kung sino man ang mapabilang sa listahan ay kinakailangan pang magbigay ng Floor Wax, Shoe Rug o magbayad ng piso na s’yang ilalagay “daw” ng titser sa class fund.

Dahil isa akong tahimik at mahiyaing bata noon, minsan na din akong naaatasan ng aming adviser na maglista sa isang pirasong papel ng mga Noisy at Standing. Laging nangunguna sa listahan ng mga maiingay ‘yung mga bully naming classmates at hindi naman mawawala sa listahan ’yung mga estudyanteng hindi mo alam kung may nunal ba sa talampakan dahil kung saan-saang lupalop ng silid aralan nakakarating. Minsan din ay nililista rin namin ang mga nagsasalita ng Tagalog sa oras ng English Class namin at as usual, may pisong multa rin ito na mapupunta sa class fund. Kaya ang ginagawa ko pag English Class na, tahimik lang ako. 🙂 (Para iwas pisong multa)

At alam n’yo ba na noong elementary days, akala ng klasmeyt ko nun na ang ibig sabihin ng “Standing” ay tahimik? May time kasi na nilista sya under “standing” ‘yung mga ibang kaklase ko nakaupo lang at nananahimik. Potek, ibig nya sigurong sabihin “outstanding” o ‘yung namumukod tangi. Ewan ko ba kung bakit. Kamot ulo na lang siguro ako nung mangyari yun. 😀

Sot-Palu: Baligtarin ang pagbigkas ng mabasa mo

Ang blog ay iba pang katawagan o pinaiksing salita para sa weblog (literal na “talaan sa web”). Isa itong websayt o sityo sa web na parang isang talaarawan. Karamihan sa mga tao ang makagagawa ng isang blog at, pagkatapos nito, sumulat kasunod ng blog na iyon. Tinatawag na mga blogero (mula sa Ingles na blogger o literal na “taga-blog”) ang mga taong sumusulat sa mga blog. Kalimitang isinusulat ng mga blogero sa mga blog ang kanilang mga opinyon at mga naiisip.

Karamihan sa mga blog ay naglalaman ng mga komentaryo o balita ukol sa ilang mga paksa; ang ilan naman ay ginagamit ito para gawing online diary (talaarawang nasa internet). Isang mahalagang bahagi ng mga blog ay ang pagiging interaktibo, iyon ay ang kakayahang mag-iwan ng mga komentaryo mula sa mga taong nagbasa ng isang partikular na blog.Karamihan sa mga blog ay binubuo lamang ng purong salita (o textual), pero mayroon ding nakapunto ang nilalaman sa mga obra (art blog), larawan (photoblog), mga bidyo (video blogging), musika (MP3 blogging), at mga tunog (podcasting). Microblogging naman ang tawag sa blog na sobrang ikli.

Pero maiba tayo ng usapan. Bigla ko lang kasi naisip to nitong mga nakaraang araw habang bumibyahe. Para bang utang na bigla mong naisip bayaran..

May dalawang bahagi ang isang nagpapalusot: Ang pagiging malikhain at ang isa ay pagkaduwag.

Palusot (Pa-lu-sot.. Pa/lu/sot) . Isinasagawa ito sa tuwing o kung ikaw ay naiipit sa isang sitwasyon na gusto mong takasan o takbuhan. Dulot ng paulit-ulit sa mga pagkakataong ganito, nakakatuwang isipin na ganitong pagkakataon ay nakakagawa ng isang malikhaing solusyon. Gaya na lamang ng mga sumusunod na halimbawa:

1. Eksena sa isang bahay ng iyong kaklase o iyong Kaibigan:

Napautot ka ng pagkalakas-lakas at ang palusot mo ay “Anong masama kung umutot ako? Humihinga rin naman ang pwet ko ah.”

2. Eksena sa classroom:

Titser: Asan na ang assignment mo?
Estudyante: Ah, sir, nawala ko po kasi. Nakipag-away po ako sa isang estudyante. Kasi sabi nila hindi daw kayo ang Best Teacher in the World.

3. Nagtanong ang nanay mo makaraang matapos ang exam nyo noong nakaraang linggo.
Nanay: Anak, musta grades mo dun sa exam nyo last week?
Anak: Ma, ang mahalaga buo pamilya natin. Nagmamahalan tayo.

4. Sa Classroom again:
Teacher: Carlito!! bakit ka natutulog sa gitna ng klase ko??
Carlito: Napaka lambing kasi ng boses mo mam, un po ung dahilan kung bakit ako naka tulog
Teacher: Eh bakit ung iba hindi naman nakatulog?
Carlito: Kasi po hindi naman sila nakikinig sayo eh..

5. Ano sasabihin mo sa friend mo, kapag nakita nyang maitim ang kilikili mo?

Palusot #1 : eto yung usong tattoo ngayon, Henna Tattoo toh!

Palusot #2 : ahh..eto kasi yung bagong labas na deodorant sa Market kailan lang.. Di mo ba nabalitaan yun.. Ok nga e. Darkening deodorant para maiba naman.

Palusot #3 : sobrang sipag ko kasing mag-aral, kasi hindi lang kilay ko ang sinusunog ko, pati kili-kili.

6. Sa isang Lomihan.

Tekla: Waiter, bakit may langaw itong Lomi ko?
Waiter: Ah yun po ba..E, kasi po Mam, sa sobrang sarap ng Lomi namin pati langaw gusto makatikim.

yan lang naman ang isa sa maraming palusot ng mga mamayang Pilipino, may nakakatuwa at may nakakabwisit paminsan-minsan.

Ngunit sa kabilang banda ng pagiging palusot mo, gumagawa ka lang ng isang bersyon ng realidad na kapani-paniwala ngunit malayo sa katotohanan. Nangangatwiran kahit mali. Pagtakas sa pagkakamali. Ngunit sa ganitong mga pagkakataon nananaig ang pagnanais na ipaglaban ang sarili kahit nagigipi na tayo.

Tinatamad na akong mag-isip magpapalusot na lang ako sa inyo.. 🙂

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling tigpipisong asukal sa tindahan ngunit mas mataba pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Noong bata pa ako, naglalaro sa piso hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi mga bata nuon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pineapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at chocolate. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kaibigan ko noong elementary na sipunin.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng nanay ko. Sa plastik ng yelo n’ya inilalagay ang tinimplang Milo.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore halimbawa ay ang dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik), o kaya adobo flavor tas may mangangata kang paminta.. Ang cool!

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas. Laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa plastik ng yelo. Nakakamiss lang..

imagesAng larawan ay nagmula sa my_sarisari_store.typepad.com

Ang Nakaraang First Move MO!

Ayon sa sarili kong statistically (na gawa-gawa ko lang at depende na lang sayo kung maniniwala ka?) na 89.21% ng mga lalaki ay gusto na ang babae ang gumawa ng first move, at proven rin na ayaw na ginagawa ito ng mga babae. Kaya wala talagang mangyayari sa atin kung hindi tayo gagawa ng first move. Gaya ng madalas na nangyayari sa ating mga kalalakihan:

Ang Senaryo: May maganda kang kaopismeyt o kaya sa iisang kumpanya kayo nagtatrabaho, as in yung hindi ka mkamove-on sa sobrang ganda, at nagpakita na sya ng Tanda ng pagkakaroon ng interest sayo o sabihin na lang nating IOI which means Indicate of Interest tulad ng nahuli nyo ang isa’t isa na nagkatinginan at nakangiti pa kayo nung nangyari un, or madalas kayong tumabi sa isa’t-isa kahit ang daming bakanteng upuan. Parang Destiny ba…

Problema: May kaopismeyt ka rin na pumoporma sa kanya, as in un deretsahang kapalmuks na pamomorma, at aminado ka sa sarili mo na mas gwapo sya sa iyo. Ano ang gagawin mo?

Solusyon: Hintayin mong ma-isolate yung babae then pag siya nalang mag-isa kumustahin mo sya like “Saang project ka napapunta?” or “musta yung trabaho mo ok ba?” tapos saka mo deretsahin ng “pedeng makuha number mo?” *IMPORTANT: panatilihing maikli ang paghingi ng number kunde kakainin ka ng katorpehan mo, tuluyan mo ng hindi makukuha ito.* 95% of the time ibibigay nya yon dahil sa mga IOI na pinakita nya, un remaining 5% na rejection ay mangyayari lang kapag may boyfriend na sya or sasagutin na nya yung kumag na pumoporma sa kanya (at yun yung kaopismeyt mo din..saklap!).

Alternatibong Solusyon (inirerekomenda sa mga taong TORPE tulad ko): Kilalanin mo ang bff nya, pag kilala mo na kaibiganin mo, pag kaibigan mo na saka ka magtanong tungkol sa department o project na ginagawa nya upang sa gayon kilala mo na sya kahit papano. Kung close na kayo ng kaibigan nya, saka mo hingiin yung number ng subject (ung motibo) mo sa kanya.

Ang totoong mangyayari: Hindi mo makukuha ang number nya kung ikaw lang mag-isa trust me. Kailangan mo ng kaibigan pra maboost ang confidence mo at kapag mayroon ka na non, hindi mo na kailangan sundin ang solution kahit ang alternate solution na yan.

Ang kalalabasan pag nangyari na ang totoong mangyayari: Sisisihin mo ang karuwagan, katangahan, at kaotorpehan mo.Sinasabi na nga ng universe na gusto ka rin nya eh bat di mo kayang makipagusap sa kanya? Bopols ka pla eh, bano, ugok, tongek, tungaw, kumag, ogag, tapos hanggang ngayon iniisip mo pa rin ang totoong nangyari at gagawan mo ito ng sanaysay na ipopost mo sa facebook, twitter, instagram, multiply, friendster, tapos magiging instant blogger ka na din bigla. Pero un mga nkamove-on na magcocomment at tatawa na lamang sila.

Note: Kumanta ng Torpedo ng Eraserheads habang nagmumukmok sa sa sulok ng alin mang bahagi sa inyong bahay at kumakain ng sinukmane:

..Pasensya na
Kung ako ay
Di nagsasalita
Hindi ko kayang sabihin
Ang aking nadarama..

..Huwag mo na akong pilitin
Ako ay walang lakas ng loob
Para tumanggi
Walang dapat ipagtaka
Ako ay ipinanganak
Na torpe
Sa ayaw at hindi..

first-move

BUHAY HAYSKUL PART 2

Halos ayan lahat ang bukambibig ng mga tao, kahit tanungin mo sila kung anong parte ng buhay estudyante nila ang nais nilang balikan. Isa lang ang laging sagot, yung highschool life ko.

Dati iniisip ko kung bakit nga ba? Hanggang nagka-ideya ako kung bakit:

Pumasok tayo sa highschool sa edad na 12 or 13. At nagtapos ng 16 o 17. Sa 4 years span ng paglagi natin sa highschool, masasabi natin na dumaan rin tayo sa isang bahagi ng development ng isang teenager, ang adolescence period. Kung saan naghalo ang saya natin bilang bata at pag-iisip natin bilang grown-up or isang nagbibinata at nagdadalaga. Sa highschool, pwede pa tayong maglaro ng teks, pogs, taguan pung, patintero, Chinese garter at duel cards. Hindi pa tayo masyadong conscious sa mga itsura natin, kahit mejo haggard, pawisan, di pantay ang pagpupulbo, sabog ang buhok.

Dito rin natin nakilala si First Crush. Dito tayo unang kinilig. Dito tayo unang makapunta sa mall na hindi kasama ang kamag-anak o kapamilya. Dito tayo nagsimulang mag-avail ng “barkada picture package”. Dito tayo unang nakatikim ng alak. Dito tayo natuto ng brutal na pangopya. Dito rin tayo natuto ng kapangyarihan ng “copy-paste” kapag gagawa ng projects or assignments. Ang daming UNA sa buhay natin dito. (at marami pang UNA, di ko na babanggitin yung iba.) Sa highschool rin natin nakilala ang mga solid nating barkada. May pangalan pa. Mula sa initials ng pangalan o apelyido, o kaya naman sikat na banda, o galing sa isang astig na name, o acronym tulad ng SaNMaPogSS (Samahan Ng MgA Pogi sa School) o kaya naman KOTG (Kikay on the go) o kaya naman SBE (Solid Barkada Ever).

Pero ngayong college wala nang teks at pogs. Wala na ring ten-twenty at doctor kwak-kwak. Wala na rin ang dating barkada. Magigising na lang tayo sa bagong mundong hindi natin alam kung ano ang iooffer. Pure competition. Kapaan ng ugali. Pakisamahan at minsan plastikan. Backstabbing, parinigan at murahan. Parang kahabaan ng EDSA, puro usok at polusyon. Puro bad vibes. Minsan malas mo pa kung panget ang facilities. Mataas ang expectations sayo ng lahat ng tao. Para kang nakikipaglaban sa sarili mong World War I.

College life nga naman. Pero hindi naman lahat ng college life ng tao ay isang whirlwind. May inooffer din itong masasaya sa buhay. Nakakapunta tayo sa malalayong lugar. Nakakalabas tayo sa maliit na mundo ng highschool. Nahahasa ang ating competitiveness. May mga barkada din tayong nakikilala dito, di nga lang sing solid ng SanMaPogSS, KOTG at SBE. Pero okay na yun.

Kung ako tatanungin, mas gusto ko talaga ang highschool life pero may isang bagay lang akong nais ipagmalaki nung tumuntong ako sa mundo ng kolehiyo, ang pagiging FIGHTER. Dito ako natutong lumaban sa buhay. Lumaban para sa pangarap. Dito ko naranasang matalo at bumangon. Dito ko naranasang tumayo sa sarili kong paa. Dito ko nasabi sa sarili kong “Kaya ko kayong lahat.” Ang buhay ay parang MRT station, minsan marami ka pang kailangang daanan para makapunta ka sa pinapangarap mong istasyon. Makakaramdam ka ng siksikan, minsan buong biyahe ka nakatayo, minsan patay ang aircon. Minsan naman may mabait na magpapaupo sayo at minsan kailangan mong maging listo para makaupo ka agad sa isang available na upuan. Masaya ang highschool life pero sa buhay natin, di lang puro saya, dapat may challenge na I think, yan ang specialty na offer ng COLLEGE life. Ano sa tingin mo?

Ay Yab Yu

Paunang Salita (ano ito? Libro?! hahehaha!)

Several months ago, nangako ako na gagawa ako ng isang blog (tungkol sa mga kwento dapat nyong abangan). At ito ang tinatakbo ng utak at puso ko ngayon kaya ito ang una kong sinulat. Ang pangako ay pangako at pipilitin at sisiguraduhin kong matupad iyon….

Naglalakad ako pauwi sa boarding house na tinutuluyan ko, pero bago ako dumiretso nang uwi, dumaan muna ako sa tindahan ng kanin at ulam. Nakita ko yung pinakamalapit na bilihan, mga limang bahay lang siguro ang pagitan mula sa tinutuluyan ko. Unang beses kong magboard, solo ko yung kwarto at karamihan pa nang katabing kwarto ko eh taga-ibang university o di kaya ay trabahador sa isang malapit na mall. Malayo kasi sa pinapasukan kong university yung tinutuluyan ko, dalawang sakay sa tricycle at isa sa jeep, mga 20 – 30 minutes sigurong biyahe. Sa kamag-anak kasi namin yung apartment, napakiusapan na bantayan ko, libre na ako sa bayad, sakripisyo nga lang sa biyahe. Sa maikling paliwanag, wala akong kaclose o kakilala sa bagong mundong pinili kong galawan.

Pumili na ako ng ulam, siyempre karne, ang isip ko kasi noon, kung kakain ka sa labas at babayaran mo ito, hindi sulit kung gulay lang ang bibilin mo (maniwala ka sa akin, mali ang paniniwala na yun). Isang order ng sisig, isang kanin at isang mahabang saging na lakatan. Isinupot nung ale na sa tantya ko eh nasa late 30’s o early 40’s na. Nag-abot ako ng 100 pesos, ngumiti yung babae at tinanong kung wala daw ba akong barya. Umiling ako at humingi ng pasensya, sumagot naman yung babae ng ok lang. Nagpaalam siya na papasok sa loob ng bahay nila. Nasa harap kasi ng bahay yung tindahan nila, tapos sa may bandang gilid may ilang lamesa na marahil kasya lang ang mga sampung tao. Maya-maya, narinig ko yung ale na may tinawag, ang sabi “Bunso, abot mo nga yung sukli dun sa bumili”. Ilang segundo lang, nakarinig ako ng mga yabag na may kabigatan, hindi ko alam kung nagdadabog ba yung inutusan o talagang ganun lang talaga siyang maglakad.

Maya-maya, humarap sa akin ang isang babae na nasa edad 13 – 16 siguro, medyo may katabaan ng konti pero di mo naman matatawag na obese. Hawak niya sa kamay niya ang 20 pesos at ilang pirasong barya, hinala ko yun yung sukli ko. Huminto siya nang malapit na siya sa akin. Tumitig na parang pinaghalong takot o pagkalito. Naisip ko baka nalilito siya kung sino aabutan ng pera. Bahagya kong tinaas ang kanang kamay ko at ngumiti sa kanya at sinabing “sa akin yung sukli”. Pero di yata nakatulong, bigla siya namula, tapos nakayuko na iniabot ang sukli sa akin sabay talikod at takbo pabalik sa loob ng bahay.

Nagtataka ako na tumalikod at nagsimulang maglakad. Iniisip ko nga kung ano ba ang itsura ko? Nakauniform ako ng white, tapos black pants at leather shoes. Baka naman takot siya sa nurse? Kasi nursing uniform suot ko. O baka naman mukha na akong rapist o goons? Huling check ko naman ok naman itsura ko, may manipis na tumutubong bigote pero di naman siguro matatawag na bigotilyo para i-classify na isa sa alagad ng kontrabida o presidente ng goons. Nagtataka pa din ako, at medyo natawa, para talagang natakot siya.

Kinabukasan, mga bandang 5:30 pm nang bago ulit umuwi sa boarding house ay dumaan ako sa tindahan nila. Nakita ko siyang nakaupo sa tabi ng ale na nagbebenta, hinala ko eh mama niya. Naabutan ko pa nga silang nag-uusap noon. Sabi ng mama niya, “Ayaw mo ba manood ng TV sa loob? Pumasok ka na kasi doon, maiinip ka dito. Dati naman ayaw mo nagbabantay dito? Bakit ba bunso?” Dumating ako at nagsimulang magbutinting ng takip ng mga kaserola. Nagsimula akong iangat ang mga takip ng kaserola, tumingin kay ate at ngumiti nang makapili na ako. Napansin ko nawala na naman yung anak niya, natakot na naman yata sa akin.

Ilang linggo din na ganun lagi ang nangyayari, tuwing dadating ako andoon siya, pero biglang tatakbo papasok sa loob ng bahay nila kapag bibili na ako. Madali ko nakasundo yung nanay niya at nakasanayan ko na ding tawaging ate. Minsan, tinanong ako ni ate kung anong pangalan ko, nagpakilala naman ako at magalang na sumagot. Nakangiti si ate at parang may sinisilip sa may bintana nila. Gawa na parte na yata ng pagiging ako ang pagiging mapagmasid, sinundan ko ng tingin ang pasimpleng nililingon ni ate. Nakita ko nga siya na nakasilip sa may bintana, at nang makita niya akong lumingon ay bigla siyang nagtago sa likod ng kurtina. Nangiti si ate, marahil nakita ang naging reaksyon ng anak niya. Nung hapon na yun, hindi ko alam kung tama ako, pero parang mas madami ang laman ng order ko na adobo habang ang isang tasang kanin na order ko ay parang naging dalawa.

Buwan ang lumipas bago nangyari na kinausap niya ako. Ganun pa din ang scenario, nakatabi siya sa Mama niya, bumili ako. Inaasahan ko na tatakbo ulit siya papasok sa bahay, sisilip sa bintana hanggang makaalis ako. Pero hindi siya umalis. Hinayaan ko lang, kunyari di ko siya napapansin, ayaw ko kasi mailang na naman siya sa akin. Nakapili na ako ng ulam, nang maghanap ako ng saging.

“Naku, naubusan ka na.”

“Ganun po ba. Sayang, paborito ko pa naman yun” sabay ngiti dahil napansin ko nakatingin siya sa akin.

“Bu-bukas… tiran.. kita sa-saging” unang beses ko siya narinig nagsalita. Ngumiti ako sa kanya. Pagkaabot ng sukli tumalikod na ako.

Nilingon ko pa siya, nakatingin pa din siya sa akin at wari ay sinusundan ang bawat hakbang ko. Noong araw na yun, napatunayan ko na special nga si “bunso”. Kinabukasan, pagbili ko ulit sa kanila, may saging nga, tatlong piraso at nakalagay pa sa box, siya pa mismo ang nag-abot sa akin. Babayaran ko pero ayaw tanggapin ng mama niya, sabi gift daw yun ng bunso niya. Ilang araw pagkatapos noon, naikwento nung mama niya na isinilang ang bunso niya na may mental retardation, sabi pa may ilang signs din daw ng autism na nakita, buti nga daw ngayon nagsasalita na ito, pero pautal-utal lang.

Mula noon, tuwing bibili ako sa kanila, madalas may inaabot siya. Minsan ilang pirasong chocolates, candy, pastillas, minsan kahit nga chicharon o extrang ulam, basta may inaabot siya sa akin. Iniisip ko noon, siguro natutuwa siya sa akin, kaya kahit gaano pa ako kapagod, pinipilit ko ngumiti at medyo makipagbiruan sa kanya, o kaya tumawa habang nakikinig sa pautal-utal niyang kuwento. Pilit kong pinaramdam sa kanya na normal siya sa tingin ko at walang problema.

Unti-unti naging malapit siya sa akin, kahit na sa hapon o sa gabi lang niya ako nakikita, lagi siyang nag-iintay na bumili ko. May araw pa nga na nagpasama siya sa mama niya sa boarding house namin dahil ilang araw daw ako na di bumibili. Noong panahon na yun kasi panay ang overnight ko sa boarding house ng ilang kaklase para sa mga projects. Pag-uwi ko, nakita ko na lang ang tatlong pirasong saging na nakasabit sa doorknob ng room ko.

May pagkakataon pa na niyaya niya ako dahil birthday yata ng kuya niya. Balak ko nga matulog na noon, dumaan lang ako sa kanila para bumili ng yelo, pero inaya nya ako. Sabi ko magbibihis lang ako at babalik ako, di siya pumayag na umalis ako. Sinamahan pa niya ako na umuwi sa boarding house, nag-intay sa labas habang mabilis akong nagbihis sa room ko. Pagbalik ko nakangiti siya, bakas ko talaga sa kanya yung saya, kaya pinilit ko na ding mag-enjoy. Nabanggit niya dun na ilang linggo na lang birthday na din nya. Pautal-utal niya akong niyaya at sinabi na dapat present ako sa birthday niya.

Madali namang akong tumango at nangako, sa loob ko, totoo naman na gusto kong pumunta. Nung gabi na yun, kinausap din ako ng mama at kuya niya, nagpasalamat sa pagtitiyaga ko daw sa kakulitan ng kapatid nila. Humingi din ng dispensa, dahil alam daw nila, aminin ko man o hindi, minsan sobrang kulit na ng “bunso” nila. Ngumiti lang ako at sinabing, “ayos lang naman po, mabait po siya, natutuwa nga po ako sa mga kwento niya”.

Nagpaalam na akong umuwi dahil malapit na ding mag-alas diyes. Maglalakad na sana ako nang makita ko siya na pasunod sa akin. Sabi ko, “saan ka pupunta? Uuwi na ko.” Nakangiti siyang sumagot ng, “a-atid kitaw.. dye-yi-kadyo dyito”. Tumawa ako at sinabing malakas ako at kaya ko kahit sino ang kalaban. Tumawa din siya at sinabing, “ang-pa-chat mo nga.. pa-ya ka lang-tsing-ting”. Tumawa din ako ang kunyaring kinurot ang pisngi niya.

“Kulit mo bunso, sige na, balik ka na doon, uuwi na ako.”

“Ahm…”

“May sasabihin ka ba…?” Tumango siya. Nag-intay ako.

“Yab mo ba ko?” bulol siya pero malinaw ko yung narinig. Nung panahon na yun, wala ako kahit katiting na malisya na sumagot sa tanong niya.

“Oo naman, love kita. Bunso kita di ba?” nakangiti pa din ako sa kanya. Yumuko siya, nang mag-angat ng mukha, nakangiti siya at tumango. Nagba-bye siya sa akin, habang ako, nagtuloy na lumakad.

Ilang araw na lang, birthday na nya kaya naghanap na ko nang ireregalo sa kanya. Nagpatulong pa ako sa isang kaibigang babae para lang masiguro ko na ok sa kanya yung ibibigay ko. Ok naman ang sched ko, 7am to 3pm ang duty ko noon sa hospital, sakto lang, 3 pm daw start ng party nya. Pero ilang araw bago ang eksaktong petsa, nagkaroon nang reshuffling ang duty schedule, naging 3 pm to 11 pm ako, tapos may klase pa ko sa umaga noong araw na yun mula 8 am to 1:00 pm. Sinabi ko yun sa mama niya, naintindihan naman, pero di ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na di ako makakapunta at di ko matutupad ang pangako ko. Sinabi ko sa kanya, at tulad ng dapat asahan, tantrums, isang malaking tantrums. Noon ko lang siya nakitang ganun, nagwawala at halos gusto na ibato lahat ng kaserola at kaldero sa akin. Naabot nga nya ko sa braso at nakalmot. Nagalit ang mama niya at binitbit siya sa loob. Nag-aalala ako sa kanya, walang pakialam kung nasugatan ba o kung naduguan ang suot kong uniform. Pagbalik ng mama niya humingi ito ng dispensa, ako naman malungkot na bumalik sa boarding house.

Ilang araw akong bumili sa kanila pero di ko siya nakita. Pati nga yung regalo na gusto ko ako mismo magbigay sa kanya, di ko na maibigay. Pagkagaling sa duty nung gabi ng birthday niya, dumaan ako sa kanila pero sarado na yung bahay nila. Umiiwas siya sa akin, nagtatampo siguro. Baka nga galit pa, kasi nangako ako, nagtiwala siya pero binigo ko.

Dumating yung pagkakataon na kasama ko yung mga barkada ko at napagpasyahan naming sa boarding house ko gumawa ng project. Nagpasama ako sa isang kabarkada kong babae na bumili ng dinner namin, bumili ako sa kanila. Nagbibiruan kami ng barkada ko habang papunta sa tindahan nila, kaya ng saktong nakita niya kami, tawa ng tawa ang kabarkada ko. Paglingon ko, nakita ko siya, ngumiti ako sa kanya, matagal din kaming di nagkita. Pero nagulat ako, dahil tumakbo siya papasok sa loob tulad nung naunang mga araw na di pa kami magkakilala, pero ngayon, may dagdag yun na luha sa mata.

Di na ulit nya ko kinausap, sa kabila ng bawat pagtatangka ko, bigo ako. Di nya ako pinapansin, o umiiwas siya ng husto, nagalit talaga siya sa akin ng buong-buo. Lumipas pa ang isang buwan, at malapit nang matapos ang school year, at naikwento ko sa mama niya na lilipat na ako ng boarding house sa mas malapit sa school na pinapasukan ko. Inabot ko din ang regalo ko para sana sa birthday niya, pero ayaw kuhanin ng mama niya. Sabi ng mama niya, mas maganda kung ako daw mismo ang personal na mag-abot. Sabi ko, ayaw nga akong kausapin ni bunso na sinagot ng mama niya na, “wag kang mag-alala, kakausapin ka na nun”

Naiayos ko na yung gamit ko, ano mang oras dadating na din yung sundo ko para ilipat yung gamit ko sa bagong boarding house. Hindi pa kami ulit nag-uusap, pero naisip ko na ganun siguro talaga magtatapos yung pagkakaibigan namin. Sumuko na nga siguro ako. Maya-maya, nakarinig ako ng katok sa room ko, akala ko yung sundo ko, pero nagulat ako na si “bunso” ang nakatayo sa room ko, habang ilang hakbang lang yung mama niya. Di ako agad nakapagsalita, pero ngumiti ako, siya ang bumasag ng katahimikan.

“Ba-kit.. aayis ka nya?”

“Kailangan eh, kasi may duty na ako na madaling araw, dapat malapit na titirhan ko.”

“Ga-yit.. ka yatsa tsa akin?”

“Hindi ah. Ako nga may atraso sa’yo eh, teka kunin ko lang gift mo, di ko na naibigay” mabilis akong bumalik sa room at kinuha yung gift nya.

“Tenchu”

“Sana magustuhan mo yan.”

Katahimikan. Hindi ko alam kung sino sa amin ang may iniintay na sabihin. Hindi ko alam kung sino ba ang dapat magsabi nang di pa napag-uusapan. Hanggang siya ulit ang bumasag ng katahimikan.

“Yab mo… pa dyin ba ako?”

“Oo naman… bunso kita di ba?” nakangiti ako, umaasa na ngingiti na din siya.

Ngumiti nga siya. Nakahinga ako ng maluwag. Pero teka, luha yung bumababa galing sa mata niya.

“Tsabi nga ni mama… kyapatyid yang daw ang tsingin mo tsakin…” umiiyak nga siya. Hindi ko alam kung ano yung pakiramdam na naramdaman ko, awa ba sa kanya? Guilt? Galit sa sarili ko dahil pinapaiyak ko siya? Ewan ko, di ko alam ang tumatakbo sa isip ko noon.

“Pewo kahit ganun…. ako bastsa… AY YABYU pa dyin… kahit dyi ako yung yab mo.”

May inabot siya sa kamay ko, maliit na box ulit. Mabilis siyang tumalikod at halos patakbo na lumapit sa mama niya, alam kong umiiyak siya, pero di ko alam kung ano yung tamang sabihin para i-comfort siya. Wala nga yata talagang tamang salita sa pagkakataon na yun. Lumabas sila ng boarding house na wala akong nagawa, walang nasabi, hindi nga ako nakakilos sa kinatayuan ko. Siguro katahimikan na nga lang ang tamang isagot sa sinabi niya.

Naupo ako sa kama ko habang tinitingnan ang maliit na box na binigay niya sa akin, iniisip kung tama bang buksan ko pa. Naisip ko, minsan pala makakasakit ka ng tao kahit di mo intensyon. Minsan, makakasakit ka kahit wala kang ginagawa. Minsan makakasakit ka dahil sa pagpili sa isang aksyon, pero makakasakit ka din dahil sa hindi pagpili sa isang desisyon. Ang hirap pa lang makasakit lalo na at di mo sadya, lalo na kung wala kang magawa para mabawasan ang sakit na naidulot mo sa iba. Ang hirap makasakit lalo na kung di mo alam kung paano ito mapipigilan, kung paano ito mababawasan. Ang hirap makasakit pag hindi mo intensyon. Di ko alam kung hanggang ngayon may tampo pa din siya sa akin, o kung naaalala pa niya ako, pero dahil sa laman ng box na ibinigay niya, lagi kong naaalala, na may isa pang tao na nagpapahalaga sa akin sa mundo.

The End… ❤

Buhay Hayskul Part 1

Sabi nila, sa timeline ng student life, ang highschool life ang pinaka memorable at pinaka nakakamiss. Bakit kamo? Lahat ng ginagawa mong kalokohan ngayon natutunan mo nung naging freshman ka. Diba ? Dito ka nagkafirst barkada, unang pag-ibig, unang pag kimkim ng galit, yung iba unang pagbibisyo, at ang una mong pagbarkada sa iyong mga teacher. Dyan nag simula ang lahat.

Ang mga year daw ay may mga attributes na tinatawag. At ito ang isa sa mga halimbawa:

  • First Year(Freshmen)

Fresh na fresh, syempre eto yung mga taong naninibago palang sa buhay ng isang teen. Dito nagsisimula ang mga crushes, at pagkakaibigan sa mga kaklase. Wala pa silang gaanong alam sa buhay dalaga at binata kaya sila yung kadalasang pinapayuhan.

  • Second Year(Sophomores)

Eto mga experienced na sa highschool life, pero madami pang kakaining butil ng bigas. Dito kadalasang magkaroon ng first bf/gf at mga rivals na kung tawagin. Pero minsan ang mga rivals mo ay pwedeng maging bestfriend mo. O kung opposite sex kayo, maging bf/gf mo. Dito din ang stage ng pag lawak ng kaisipan o ang pagiging open minded.

  • Third Year(Juniors)

Mga beterano na sa mga kalokohan.Probably ang Juniors kumpara sa Sophomores at Freshmen. Sa stage na to karamihan ng kalokohan na pwedeng gawin ng kabataan ay nagawa mo na. Dito yung stage na ginagawa mo na lahat ng kaya mong gawin bago mapunta sa:

  • Fourth Year(Senior)

Eto yung mga talagang seryoso na talaga sa pag aaral, parang hindi kayang hindi makinig sa teacher dahil hindi sila makakagraduate kung hindi papasa (malamang). Sa pagtapos ng school year ng mga senior ay nagkaka-awkwardan na. Dito nagkakabati ang mga magkaaway, nagkakalambingan ang mga bitter, at higit sa lahat, nagkakaiyakan ang mga pinaka matipuno sa klase dahil, malamang, hindi na sila magkikita muli, dahil yung iba, pupunta sa maynila para makapag aral ng course nila, ang iba’y sa ibang bansa, at yung iba nama’y hindi na mag ka-college at walang pambayad, magtatrabaho kaagad.

So para sakin, ang pinaka magiging memorable talaga sa buhay ko ay ang highschool life. Kaya naman I always treasure every second. Kasi ang isang segundo na yon ay maaalala mo sa pag tanda mo.

Treasure every moment. Do not waste a second. (Kantahin dito ang Treasure ni Bruno Mars…) 🙂

Bagamat tapos na ang Buwan ng Pagtatapos ng mga estudyante, at ngayo’y Buwan na ng Abril, nais ko pa rin kayong batiin ng isang Maligayang Pagtatapos sa mga estudyanteng subsob sa pag-aral.

index

Jeep Story

Ang kwentong ito ay ang mga panahon na 2PM to 10PM pa ang skedyul ko sa trabaho… Nasa Starmall pa nun ang site ang kumpanya na pinagtatrabahuan ko. Nakakamiss din kahit pano lalo ang mga taong nakasalamuha mo nuon. Halos tatlong taon din pala kaming namalagi duon.. At isang taon mahigit na ang nakalipas ng maFORCE LEAVE kami. Hindi man namin expected na malilipat yung Project. Pero gayunpaman maraming oportunidad ang dumating,. Pero bago pa man humaba ang diskusyon na ito. Maiba na lang tayo ng kwento. Kwento sa mga bagay sa ating lipunan. At ito ang kwento ko…………………………….

Mahaba na naman ang pila sa sakayan.

Tanghaling tapat at naluluto na ako sa sa ilalim ng naglalagablab na araw. Ngunit tinitiis ko to. Kailangan ko itong gawin dahil mahuhuli ako sa trabaho kung sakaling maghihintay na naman ako ng panibagong masasakyan, kaya pumila ako. Nag-abang.. Hinintay kong mapuno ang sasakyan ng mga iba’t ibang uri ng mga pasahero. Wari’y puno na pero ika’ ng kundoktor ay dalawa pa.. E halos ang laman ng jeep e puro kalabaw ang size ng mga katawan. Ako lang ata ang nag-iisang patpatin dito. Hindi ako komportable kung tutuusin. Dalawang patpatin pede pa. Pero kung dalawang kalabaw ang lake. E panu na ako nyan, mukang magiging Sandwich ako nito. Sino ba naman ang magiging komportable ung higit pa sa talagang kakayanin ng jeep ang pinapasakay. Siksikan na naman na para ba umanong pila sa isang sikat na pelikula o sa isang mahabang pila ng NFA Rice. Buti napuno na. Kaso naipit ako sa gitna ng dalawang babae. Sa kaliwa, pikit na ang mata nakatulog na sa kakahintay. Kahit na anong tulak ko ay hindi sya magising gising. Dumadating din sa point na humahampas sa akin yung buhok nya. Sabihin ko sana sa kanya na “Ate, kakain ko lang kanina ng pansit..” Sana man lang ay umusog pa siya ng kahit konti lang. Hindi rin maayos ang upo ng katabi ko mula sa kanan. May kausap sya sa kanyang telepono. Hindi ko naman maintindihan. Hindi ko alam kong tagalog ba ito o salitang ilonggo o salita ng mga alien. Hindi ko din maintindihan talaga kung bakit kailangang nyang makipagsigawan na nasa kabilang linya. Wala naman akong intensyong sabihin sa kanya kung sinu ung kausap nya o intensyong malaman kong anu ung pinagtatalunan nila. At wala rin akong pakealam sa harap ko. Dalawang magkasintahan, Naglalampungan sila, kiss dito kiss doon wari’y parang walang kasabay sa jeep. Sa kabilang dulo, mayroong mag-ina, umiiyak na bata siguro e marahil na din sa init ng panahon dito sa pinas. Marami pang ibang pasahero ngunit pinansin ko lahat sila dahil sa araw-araw ko ba namang sumasakay sa jeep e tsaka para mas humaba yung kwento na to, 🙂 ano pa’t nagblog ako diba? kanya-kanya, iba-iba ang mga bawat galaw ng mga pasahero sa jeep. Pareho-parehong napipilitang ipabahagi ang kanilang sariling enpasyo para sa mga ekstrangherong walang pakialam at respeto sa personal na lugar, nilulunod ko na lang ang sarili ko sa aking patugtugan gamit ang cellphone kong N5233 noon. Basta umaasa akong matatapos agad ang paghihirap at paghihinagpis sa init ng panahon. Kaya sa dalas ng pagsakay ko sa jeep ito ay ang mga sumusunod na eksena ay ang mga nakakatuwa at medyo nakakainis na pangyayari sa loob ng isang Pinoy Jeepney.

  • Yung ang haba ng pila na daig pa ang Wowowee at Pila ng NFA! (Tulad ng sinabi sa taas na bahagi)
  • Yung waluhan lang yung jeep, pero sampuan ang pinagkakasya. (Gaya din sa taas na bahaging ng blog na ito)
  • Yung otso pesos yung bayad mo pero half lang ng pwet mo yung nakaupo. (Diba dapat kwatro lang?!)
  • Yung magbabayad ka pero dedma lang yung mga nasa harap mo, ang sarap ibato yung bayad kay Manong Driver!
  • Yung kapag nasa likod ka ng driver nakaupo, instant taga-abot ka ng bayad!
  • Yung wagas makatugtog ng Teach Me How to Dougie. Anaconda, Pusong Bato na paulit ulit!
  • Yung playlist nila ay yung mga Jeje Raps.
  • Yung may kakaibang amoy sa loob ng jeepney kapag gabi na at pauwi na ang mga tao mula sa nakakapagod na trabaho.
  • Yung may biglang batang papasok at pupunasan yung mga sapatos at kahit ang mga tsinelas tapos manghihingi ng barya tas pag hindi nabigyan aapakan yung sapatos mong Van Wall na binili sa StarMall.
  • Yung may papasok na bata ay may ilalagay sa hita mo na sobrang may nakasulat na “Kuya, ate, pangkain lang po”. tas pupunta sya sa bandang dulo ng Jeep at biglang kakanta ng Alien Songs.
  • Yung nakikibasa ka ng text ng katabi mo. (ka-mus-ta ka…na)
  • Yung kapag umulan, daig niyo pa yung siomai sa pagka-steamed sa loob ng jeep.
  • Yung pinaghandaan mo yung pagsabi mo ng “Para Po!”
  • Yung kapag gwapo at maganda yung sumakay, todo tingin ka. (Sabihin mong hindi, Sinungaling!)
  • Yung kapag hindi maayos yung suot, snatcher o magnanakaw agad! (Judgmental?!)
  • Yung kapag naghinala ka sa taong snatcher, hahawakan mo agad yung wallet at cellphone mo.
  • Yung roller coaster yung takbo ng jeep. (Dinaig pa kamo yung The Fast and The Furious)
  • Yung instant blower yung pagsakay sa jeep minsan pa nga nakakain ka na ng pansit este ng buhok ng katabi mo lalo pag babae.
  • Yung unahan sa harapan ng jeep. (Ano yan Nitro Type?)
  • Yung wagas makabukaka si Kuya. (Akala mo sya nagmamay-ari nung kinauupuan nya)
  • Yung male-late ka na tapos si manong driver lahat ng kanto tinitigilan at di lang basta tigil, nagstay pa doon ng matagal.
  • Yung kala mo nagpa-party party sa loob ng jeep sa lakas ng pagpapatugtog ng mga HipHop Horray.
  • Yung ginawang Luneta yung Jeep at wagas ang pagpi-PDA.
  • Yung pag-antok na antok ka na, hahawak ka sa hawakan ng jeep tapos makakabitaw ka. Tapos kapag bumagsak, tatahimik at magkukunwaring walang nangyari. (parang ganito ako..pero hindi naman madalas…apir!)
  • Yung sasakay ka tapos biglang magpapaandar ng mabilis si manong driver. (gawin ko din kaya sa kanya yun)
  • Yung pabababain ka habang umaandar pa yung jeep.
  • Yung magbibigay ka ng pamasahe tapos pahirapan pa ang pagkuha ng sukli.

Yan lang iilan sa mga iba’t ibang ginagawa ng mga kapwa ko pasahero o si manong driver man, nakakatuwa man pero meron namang nakakaasar. Kayo ano-ano pa bang mga ekspiryens ang gusto nyong maibahagi dito? Meron pa ba? Kung meron man.. ibahagi nyo din po sa pamamagitan ng pagkumento sa ibaba.. Maraming Salamat. Tara sakay na tayo ng Jeep baka mahuli na naman ako sa Kumpanyang minamahal ko? Ewan. 🙂