Balik Tanaw: SOS (Pinoy Tic-Tac-Toe)

Sino nga ba ang hindi makakalimot at hindi nakakaalam sa larong ito? Ang SOS ay isang strategy game na hango sa Tic Tac Toe. Katulad ng Tic Tac Toe, kailangang makabuo ka ng mga letrang S-O-S in order, horizantally, diagonally, at vertically. At kung minsan ay bumibili pa kami ng “Graphic Paper” nang sa ganun ay hindi na kami mag-aabala pang gumuhit gamit ang ruler at typewriting o kahit nga sa isang simpleng papel ay makakalaro ka na nito, basta’t guhitan lamang ang papel ng mga grids.

Usong pampalipas oras ang SOS sa amin noong elementary days lalo na kapag breaktime. At noong minsang bored talaga kami, gumawa pa kami ng design sa isang graphing paper at nagustuhan naman ng aming guro. Parang baliw lang. Sino kamo? Hindi ko din alam.

Bakit nga kaya SOS ang tawag sa larong ito? Ang dami namang pwedeng letra, ‘di ba?  at sino kayang pinoy ang nakadiskubre dito? Tara, mag-SOS tayo.

 

Ang larawang nasa itaas ay nagmula sa : Mga Batang Nag-eeSOS

Balik Tanaw: Dirty Ice Cream (Isa sa pinaka-paboritong pagkaing kalye)

imagesImage Source: Ang Mamang Sorbetero sa Manila Bay

Maraming klase ng street foods o mga pagkaing kadalasang inilalako sa kalye. Fishballs, kikiam, proven, kwek-kwek, tokneneng, adidas, betamax, ice candy, ice scrambles, snowbol, manggang hilaw, singkamas na may alamang at iba pa. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa. Pero isa na siguro sa pinaka-popular ang dirty ice cream. Sigurado ako, kahit sino ang tanungin mo ay nakakain na ng ice cream na inilalako sa kalye.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dirty ice cream sa normal na ice cream? Bukod sa may kalakip na alikabok ng lansangan at mapagpala at pinagpapawisang kamay ni Manong Sorbetero, mabibili mo ang dirty ice cream sa mura at kayang-kayang halaga. Naaalala ko noon, sa halagang tatlong piso ay meron ka nang dirty ice cream na nakalagay sa isang maliit na apa. Pinagbabawalan pa kaming kainin ‘yung dulo ng apa dahil marumi daw ‘yun (may kulangot daw umano) at hinawakan kasi ni Manong. Meron ding dirty ice cream na nakalagay sa isang plastic cup (na kadalasan ay kulay berde o dilaw) at may kasama pang wooden scoop kaya kung ikaw ang tipo nung kumakain na ninanamnam pati ang pangsubo ay malalasahan mo talaga ang kahoy na ito. At meron ding dirty ice cream na sa malaking apa naman nakalagay at nagkakahalaga lamang ng limang piso. Oo, five pesos lang ang pinakamahal na dirty ice cream noon. Halos magkapareho lang ng minimum fare noon. Isipin mo, sa halagang sampung piso pala eh makakabyahe ka na, makakapagmeryenda ka pa ng ice cream. ‘Yun nga lang, wala nang uwian kasi wala ka nang pamasahe pauwi. Atsaka hindi ka naman siguro babyahe para lang kumain ng dirty ice cream.

Anu-ano ang kadalasang flavors ng sorbetes? Normal na sa mga ito ang flavors na tulad ng cheese, ube, at syempre, ang kakaibang sipa ng chocolate, Chok-Nut style. Napatanong ako, bakit kaya hindi sila gumawa ng dirty ice cream na tulad ng cookies and cream, coffee crumble, at iba pa? Sa tingin ko, mukhang kaya naman eh.

Naaalala ko noong bata pa ako, minsan pagkatapos ng eskwela ay diretso na kami sa labasan para bumili ng sorbetes kay manong. Nasabi kong minsan lang, kasi madalas namang dumadaan ang karo ng sorbetes ni manong sa lugar namin noon. Kapag narinig na namin ang kalembang ng karo ni Manong ay lalabas na kami para bumili ng itinitinda nyang Dirty Ice Cream.

Masarap talagang kumain ng ice cream ng 3-in-1 plus 1 at Magnum ng Selecta, Magnolia at Nestle Ice Cream Products. Pero minsan ay hahanap-hanapin ng panlasa mo ang ice cream na nabibili sa kalye, ang ice cream na may kasamang usok ng sasakyan, ice cream na may kasamang alikabok sa daan..ang ice cream na sariling atin.

Pero paano kung nalaman mong may ice cream kayo sa loob ng Ref, at matapos mong buksan, ganito yung nakita mo?

9aqm4kImage Source: Anong mararamdaman mo?

Image Source : Mamang Sorbetero (Featured Image)

Balik Tanaw: Ang mga Maiingay sa Klase

Sa isang classroom, laging may inaatasan ang ating pinakamamahal na guro na mamumuno ng katahimikan at kaayusan sa klase kapag s’ya ay wala. Kung hindi class officer ay ang pinakatahimik o pinakamatalino sa klase ang kanyang inuutusang maglista ng mga maiingay o Noisy at ng mga tayo ng tayo o Standing sa kanilang mga upuan. Minsan pa nga ay wais ang guro dahil kung sino man ang mapabilang sa listahan ay kinakailangan pang magbigay ng Floor Wax, Shoe Rug o magbayad ng piso na s’yang ilalagay “daw” ng titser sa class fund.

Dahil isa akong tahimik at mahiyaing bata noon, minsan na din akong naaatasan ng aming adviser na maglista sa isang pirasong papel ng mga Noisy at Standing. Laging nangunguna sa listahan ng mga maiingay ‘yung mga bully naming classmates at hindi naman mawawala sa listahan ’yung mga estudyanteng hindi mo alam kung may nunal ba sa talampakan dahil kung saan-saang lupalop ng silid aralan nakakarating. Minsan din ay nililista rin namin ang mga nagsasalita ng Tagalog sa oras ng English Class namin at as usual, may pisong multa rin ito na mapupunta sa class fund. Kaya ang ginagawa ko pag English Class na, tahimik lang ako. 🙂 (Para iwas pisong multa)

At alam n’yo ba na noong elementary days, akala ng klasmeyt ko nun na ang ibig sabihin ng “Standing” ay tahimik? May time kasi na nilista sya under “standing” ‘yung mga ibang kaklase ko nakaupo lang at nananahimik. Potek, ibig nya sigurong sabihin “outstanding” o ‘yung namumukod tangi. Ewan ko ba kung bakit. Kamot ulo na lang siguro ako nung mangyari yun. 😀

Ice candy: Malamig na meryenda sa mainit na panahon

Muli kong napansin na meron na namang masarap na pagkain na hindi ko pa pala naikukwento sa aking blog. Kaya eto, hayaan ninyong maglitanya ako tungkol sa nasa larawan. Mahaba-haba ito. Kumuha na ng inyong sariling unan sa pinakamalapit na vicinity para maging handa kung sakaling dapuan kayo ng pagkabagot.

Kung babalikan ko lahat ng alaala ko noong bata, isa siguro ang pagkain ng ice candy sa ibabaw ng tirik na araw ang pinaka-mamimiss ko. Isang pagkaing swak sa tag-init at solb sa bulsa, ang ice candy ay isang timpladong juice o kahit anong beverage na pinatitigas sa freezer at karaniwang inilalagay sa isang payat at transparent na plastik na tulad ng pinaglalagyan ng nabibiling tigpipisong asukal sa tindahan ngunit mas mataba pa dito. Maraming naglalako nito dati sa mga naglalakad na ale sa lansangan pero dahil napakadaling gawin ay maaari ka rin mismong maglako nito. Sinubukan naming magtinda noon ng ice candy sa tapat ng bahay namin. Noong bata pa ako, naglalaro sa piso hanggang dalawang piso ang isang piraso ng ice candy. Dahil hindi na ako nakakabili ng inilalakong ice candy, ewan ko kung ganoon pa rin ang presyo nito ngayon.

Tulad ng ibang pagkain, meron ding iba’t-ibang flavors ang ice candy. Karaniwan na ang chocolate/cocoa flavor (Milo), melon flavor, avocado flavor, buko flavor (na naaalala kong mukha daw sipon ‘yung strands ng buko sabi mga bata nuon), monggo flavor, orange flavor (Tang/Eight O’Clock o kahit na anong orange juice), pineapple flavor (Del Monte pineapple juice o kaya ihi ng sanggol), at marami pang iba.

Minsan ay meron ding nabibiling sago-gulaman flavored ice candy. Ito ‘yung karaniwang sago gulaman na nasa plastic pero ang kaibahan lang ay inilagay ito sa freezer. Sa tindahan sa may kanto namin madalas may ganito noon. Hindi ko nga lang trip ang flavor na ‘to. Mas oks pa sa akin ‘yung sago-gulaman na hindi pinatigas, lalo na kung maliliit ‘yung mga sago nito dahil ipinambabala ko ‘yun sa sumpit panlaban sa mababantot kong mga kalaro dati gamit ang straw at kaunting saliva goodness!

Maski sa eskwelahan, hindi ko pinalampas ang pagkain ng ice candy. Dalawa lang lagi ang flavor ng ice candy sa canteen namin, orange at chocolate. Lagi kaming bumibili nito kasama ng mga kaibigan ko noong elementary na sipunin.

Kung home made ice candy rin lang ang pag-uusapan, pinakapaborito ko ‘yung ginagawa ng nanay ko. Sa plastik ng yelo n’ya inilalagay ang tinimplang Milo.

Kung merong home-made, meron ding nabibiling ice candy na naka-pack. Ilan lang sa brands nito ay Snow Time, Jelly Ace, at… at… Basta! Hindi ko na matandaan ‘yung iba.

Alam kong walastik tayong mga Pinoy. Kung pwedeng mag-explore, mag-eexplore. Kung pwedeng sumubok at mag-imbento, hanggang kaya, susubukan. Bakit nga kaya hindi tayo gumawa ng kakaibang flavor ng ice candy minsan, nang maiba naman? Gaya halimbawa ng coffee flavored ice candy, cola flavored ice candy, o kaya beer flavored ice candy. O kaya para mas hardcore halimbawa ay ang dinuguan flavored ice candy o kaya bangus flavored ice candy (with bangus bits para hindi matinik), o kaya adobo flavor tas may mangangata kang paminta.. Ang cool!

Sa isang tropikong bansa na gaya ng Pilipinas. Laging numero uno ang mga pagkaing swak sa tag-araw at the best na pamatid uhaw. At isa na ang ice candy na isang simbolo hindi lang ng ating pagka-Pilipino kundi pati na rin ng pangunahing klima sa ating bansa.

Minsan nga makagawa ulit ng ice candy. Ilalagay ko sa plastik ng yelo. Nakakamiss lang..

imagesAng larawan ay nagmula sa my_sarisari_store.typepad.com