Buko Pie ka ba?

Maraming bagay na espesyal sa mundo. Actually, bata palang tayong lahat, pinapaalala na sa atin ng lahat ng nasa paligid natin na espesyal tayo. Kaya naman kapag bumbyahe ka sa katimugang tagalog, lalo na parteng laguna lahat ng Buko Pie, ay special.

So ano nalang ang regular na buko pie?

Ganito din ang pakiramdam nating lahat kahit nasan tayo. Pag nasa pila tayo sa mga serbisyong handog ng gobyerno at mabagal ang pila, ilan satin ang magrereklamo at paulit ulit na sasambiting nagbabayad naman tayo ng tamang buwis. Ganun din naman sa mga restawran; nagbabayad ako, bakit ganito ang trato n’yo sakin? espesyal dapat ako diba?

E naisip mo na bang lahat ng ibang kasama mo sa pila, pati na ‘yung mga nangangasiwa ng pila ay nagbabayad din ng buwis? Pano ‘yung ibang kasama mong kumakain ng payapa, na nagbayad ng perang pinaghirapan din nila tulad mo, na gusto lamang ay kumain ng payapa at masarap?

Hindi naman ako nagmamaneho mula ng pinanganak ako, at malaking bahagi ng buhay ko ang naigugol ko sa loob ng mga pampublikong sasakyan, at lalong marami pa ang iginugol ko sa pagtayo sa sakayan ng bus, pila ng jeep o Taxi. Minsan din naging bahagi ako ng “special” na lupon. Sino ba itong mga Special na tao na ito?

Sila yung mga naghihintay ng sasakyan sa isang lugar na hindi dapat hintuan ng kahit anong sasakyan dahil gumagawa ito ng trapik Kadalasan ang mga lugar na tinatambayan ng mga Special na tao para maghintay ng masasakyan ay ang mga kanto.

Sa unang bahagi ng taon na ito, pinasinayaan ng MMDA ang Southwestern Integrated Bus Terminal, o in short, ang parking lot ng nabubulok at punong puno ng kaso at malisyang Coastal Mall sa Paranaque. Sa unang araw ng pagpapatakbo nito, nagkaron ng malaking kaguluhan sa kanto ng Airport Road at Roxas Boulevard dahil ang mga byahe ng bus na mula ng Cavite na dati’y nakakatuloy sa Lawton sa Maynila, at napuputol na ang linya sa Coastal Mall. Mula doon, ang mga kababayan nating kabitenyo na papunta sa kanilang mga trabaho’t paaralan ay kailangan nang sumakay ng isa pang beses patungo sa paroroonan nila. Sa totoo’y walang kaso ang sistemang ito in theory, pero lumabas ang problema sa application nito, nang makitang hindi gingulan ng pag-a-aral ang implementasyon nito. Pero ok lang, sanay na ang mga tao ngayon, hindi ba?

So ano yung naging kaguluhan? Tumawid ang mga tao mula sa Coastal mall, at sa kabilang dako ng Roxas Boulevard nag-abang ng kahit anong sasakyan na patuloy ang byahe papuntang Maynila, o Makati — Jeep, FX, Pedicab, kahit ano. Mabilis na lumapad ang nasasakupan ng walang masakyan, na naghihintay sa gitna ng kalsada. Kinalauna’y nakain na nila ang tatlong lane ng Roxas Boulevard, at nagdudulot na ito ng trapik. Unahan kasi ang sistema sa ganito.

(at balik na naman tayo sa pag-iisip ng kung ano-ano basta tungkol sa trapiko)
Ayun. Unahan. Ang pinakamahalagang skill na matutunan mo sa pagiging commuter sa kalakhang maynila: Kailangan magaling ka manguna sa pagsakay. Hahabol ka ng bus, ng jeep, ng FX. Kailangan may strategy ka kung pano mong mauunahan yung aleng kanina pang nakatayo sa tabi mo at maraming dala, kasi pag naunhan ka niya, ikaw naman ang hindi makakauwi ng maaga. Bakit? Special ka kasi. Pakelam mo ba sa sakanya? Haha!

At diyan po nag-u-ugat ang lahat. Sa madaling salita, pwede natin itong tawaging  isang kundisyon ng pagiisip kung saan wala tayong ibang iniisip kundi ang sarili nating kapakanan, at wala na tayong pakialam pa sa ibang bagay.

Ito ang iba’t ibang panig ng isang tipikal na pag-para ng isang sasakyan sa kalsada:

1. Mula sa pananaw ng pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik.

2. Mula sa pananaw ng limampung iba pang pasahero.
Ano nga ba naman ang pakialam ko sa ilang sasakyang hihinto sa likod ng bus na pinara ko? Sasakay ako e. Mabilis lang naman akong sasampa sa bus na ito, at makakaalis na ito agad at aandar na ang trapik. o diba’t umulit lamang ang sinabi ng nasabi sa unang sinabi sa unang talata ng iisang pasahero.

3. Mula sa pananaw ng konduktor.
SouthMall, SouthMall, SouthMall! Kita, kita, kita!

4. Mula sa pananaw ng bus driver (A)
Hihinto lang naman ako sandali para magsakay ng pasahero. Masyadong malaki itong sasakyan ko kaya hindi ko maigigilid ng maayos, bukod pa dun, baka makasagi ako ng tao. Wala akong ibabayad sakanila pag nagawa ko yun. Sandali lang naman akong hahambalang e. Atsaka baka maunahan ako ng mga kakumpitensya kong bus.

5. Mula sa pananaw ng bus driver (B)
Tangna niyong lahat, naghahanap buhay ako ng marangal.

6. Sa pananaw ng traffic enforcer (A)
Gago to a, kung makahinto, akala mo kanya ang kalsada. Huy! *pito sa silbato* Ay, andami palang tao. Kawawa naman sila. O baka naman kaya pag nagmatigas ako sakanila magalit sila sakin at kuyugin ako. Sige, hayaan ko nalang sila. Kung ako naman ang nasa sitwasyon nila gugustuhin ko ding makasakay agad e.

7. Sa pananaw ng traffic enforcer (B)
Loko to a, di pa ‘to nagbibigay ngayong araw sakin a. Hoy! *pito sa slibato* Konduktor! Lika dito! *tahimik na usapan sa gilid ng bus para walang makakita at makakuha ng litrato*

8. Sa pananaw ng drayber ng sasakyang nasa likuran ng bus
PUT*NGIN****! *busina ng malakas at mahaba*

9. Sa pananaw ng pasyente sa ambulansyang naiipit sa likod ng trapik na ginawa ng bus.
*Nagflaflashback na ang buong buhay nya*

Kung sumakay ka, bababa ka din. At kadalasan, isa rin ito sa mga sanhi ng trapik. Isa ito sa mga kulturang pinoy na kaakibat na ng sagisag nating Jeepney.

Ang prangkisa ng karamihan sa mga Jeepney na bumabyahe sa mga lansangan ng Metro Manila ngayon ay pang-maiikling distansya lamang. Ang tawag dito ay secondary mode of transporation, ewan ko lang kung tama yung pagkakatawag ko dito o ito ay sadyang gawa-gawa ko lamang, sa pagitan ng primary, o yung mga mahahaba ang byahe katulad ng mga Tren at Bus, at mga tertiary o yung mga specific locations ang binabyahehan, tulad ng mga Padyak o ang tinatawag na pedicab at Tricycle. Ang konsepto ng transportasyon natin sa Pilipinas ay ganito: sasakay ka ng tertiary mode papunta sa secondary, papunta sa primary, na ibaba ka naman sa secondary, na ibababa ka sa tertiary. Kaiba ito sa mga transport system ng mga karatig bansa natin kung saan puro primary lang ang mayroon, pero naseserbisyohan ang halos lahat ng lansangan. Pagbaba mo, maglalakad ka.

Ang mga primary at secondary modes of transportation ay may nakatalagang babaan at sakayan, tulad ng mga waiting shed at mga transport terminal tulad nalang ng mga nasa mall. Pero dahil nga SPECIAL tayo, iba-bypass nating lahat ito at kakalimutan ang mga loading at unloading zone. Bababa ako sa harapan ng tindahan ni Mang Kanor, kaya dun ako papara eksakto. Wala akong pakialam kung ang kalsadang dinadaanan ng Jeep na ito ay dalawang lane lang, isa para sa bawat direksyon; ang importante, bababa ako sa pupuntahan ko at hindi na ‘ko maglalakad. Special ako e. Yan din ang dahilan kung bakit ang mga waiting shed natin sa kalsada ay punong puno lang ng mga naglalako ng kung ano ano, o di kaya naman ay playground ng mga bata. Sa España sa Sampaloc sa Maynila, ginagawa din itong garahe ng mga motorsiklo at Tricycle, o diba ang galing.. Pinas yan e.

Sabihin na din nating ginamit natin ang mga tamang lugar ng paghihintay ng sasakyan. Gaano ka naman kasiguro na yung drayber ng sasakyan mo ay hindi Special? Isipin mo nalang ito: ayon na din kay Google, sa Quiapo, sa Maynila, malawak ang kalsada. Dinesenyo ang Quezon Boulevard (oo, sa mga hindi nakakaalam, ito ang pangalan ng kalsadang iyon) mula sa kanto ng Lerma hanggang sa Panahan ng Quezon Bridge para sa apat na tatlong lane na dumadaloy at isang lane para paghinto ng mga sasakyhang pampubliko, alintana na ngang isa itong major hub sa kalkhang Maynila. Pero kadalasan, baligtad ang nagaganap; isang lane lang ang dumadaloy, at tatlong lane sa kanan ang puno ng mga nakahimpil na bus, jeep, FX, padyak, kuliglig at tricycle. Special kasi sila at naghahanap buhay sila ng marangal, kaya hindi mo dapat pigilan ang pag-istambay nila dun upang makalikom ng tamang dami ng mga pasahero para kumita. Sa kabilang banda, hindi rin naman maglalakad ng malayo ang mga pasahero para makasakay, kasi… special kami, at nakakatamad.

Oo nga pala, yung isang lane na dumadaloy? Humihinto pa ‘yun pag may bus na lalabas at lalarga na, kasi sasakupin nya yung umaandar na pila para makaalis.

So paano natin babaguhin ito? Simple lang naman, at simula’t sapul tinuturo na ito sa atin ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan. Gumamit kasi tayo ng bus stop at terminal. Ilang Loading-Unloading bay na ba ang ipinagawa ng mga namumuno sa MMDA sa EDSA? Ilang Rapid Bust Transit na ang ipinatupad ng MMDA mula pa sa panahon ng MMDA ni Fidel Ramos nung 90s? Ilang color coding, number coding, at kung ano ano pang solusyon ang naisip ng mga pinuno natin para lang ma-isaayos ang mga lansangan ng Metro Manila? Kung tutuusin lahat ng pinatupad na ganito ay mabisa, subalit ang nagiging problema nalang natin ay ang mismong mga dapat sumunod dito… kasi ayaw nilang sumunod.

Bakit nga ba sa Business District ng Republic of Makati e maayos ang transport system kahit paano? Minimal pa ang infrastructure na ipinagawa nila para dyan ha. Pero sumusunod ang mga tao. Gayun din naman sa bayan ng Olongapo sa Zambales. Political will lang ba ang solusyon dito? Hindi.

Special nga kasi tayo. Kailangan nating makarating agad sa pupuntahan natin, at dapat maintindihan ito ng lahat ng tao. Ang kaso mo nga, pare-pareho din tayo ng iniisip. Kaya ang resulta, gulo. So anong pinagkaiba natin sa Special na Buko Pie?

Na-Late tuloy ako (Byahe Biñan to Las Piñas)

“…BAKIT NAPAKATRAFFIC DITO SA PILIPINAS..!!!!?..”

Sino nga bang tao ang hindi maiirita sa haba at tagal ng traffic!? Yung bang papasok ka na ng trabaho, tas na-stak ka sa isang lugar dahil sa traffic? (Ako kasi naranasan ko to ngayon lang e habang papasok ako sa trabaho,,inasahan ko kasi na maaga yung pagpasok ko dahil , Pagtingin ko sa selepono ko, 10:20PM na tas nasa NorthGate na ako. Napansin ko na unti-unting bumibigat yung daloy ng trapiko sa lugar ng ATC (Alabang Town Center) marahil sa napakatagal ko na sa loob ng jeep animo’y di mo masasabing bi-build up na yung traffic pero dumaan ang ilang minuto nagmistulang isang malaking Parking Lot ang kahabaan ng Alabang-Zapote Road. Yung hindi mo alam kung baba ka ba? o mag-i-stay muna pero dahil sa nakita mo yung relo mong timex e pasado mag-i-eleven PM na.. Nagdadalawang isip ka ngayon kung anong desisyon yung mas lumelevel-up.. Bakit nga nagkakanda-traffic sa ibang bahagi sa Pilipinas? Sa EDSA, sa Alabang, o kahit yung sa may Mall na malalapit.. Lalo pag rush hour (Kamot-ulo ka na lang sabay ileng ng tatlong beses vice versa).. pahirapan na nga sa pagsakay..pahirapan sa paglalakad..Ano kayang mga dahilan kung bakit tumatatraffic sa mga ilang bahagi ng kalsada ng Pilipinas? Saan may mali? Saan sila nagkamali?

Sabi nga ng ating kagalang galang na presidente na si Benigno Simeon Aguino III sa kanyang ilang bahaging talumpati noong nakaraang dalawang taon sa kanyang SONA:

Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH [Department of Public Works and Highways]: Alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay, “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa.” [Tawanan at palakpakan ng buwaya este ng mga panauhin] Paalala lang din po: Naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Palakpakan with matching hiyawan]

Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. One thousand five hundred and sixty-nine kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson; [Palakpakan ulet..] sa 2012, 2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang pinakabagong teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag lang po n’yo dagdagan ang national road network.

Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. [at Palakpakan again and again] Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, “Ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”..

Yan ay ang mga iilan sa mga talumpati ni Pnoy nung kasagsagan ng kanyang SONA 2012.. Tayo daw ang boss nya. Tayo nga ba..alamin..bahala ka nang kumimpirma?

Pero sa sarili mo, Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit laging ganun ang problema sa trapiko, samantalang ginagawa naman DAW ng mga bawat ahensya ng Gobyerno ang kanilang proyekto, ng mas dumali ang daloy ng trapiko? Eto ang iilan sa mga dahilan at opinyon ko kung bakit napakatraffic sa ibang parte ng METRO MANILA  halimbawa na lang ang EDSA (The Capital Parking Area) lalo na sa lugar na tinatahak ko ang “ALABANG” [applause with matching hiyawan, sabunutan, suntukan, habulan, sampalan, batuhan ng bote, hampasin ng langka sa muka, kumain ng bubog, tumulay sa sinulid, pisilin ang ilong hanggang sa hindi makahinga, matulog ng dilat, maglaslas sa pulso gamit ang nail cutter, tumalon sa tren o LRT/MRT habang umaandar ito at higit sa lahat, at gamit ang kartolina,isulat kung bakit may mga iilang buwaya sa kongreso..?]

Eto na nga pala yung mga sarili kong dahilan…

1. Dahil pasukan na naman.. — Na-enjoy mo ba ‘tong mga nakalipas na buwan na nababawasan ng konti ‘yung oras ng byahe mo sa umaga at uwian? Masaya ka ba na sa dalawang buwan na nagdaan ay nabawasan ang mga normal na traffic point ng dinadaanan mo? Pwes, tapos nang lahat ng ‘yan dahil mula ng pumatak ang buwan ng Hunyo, e Pasukan na naman!

Tuwing lunes hanggang sabado, babalik na sa mga silid-aralan ang mga tsikiting na nag-enjoy din naman sa kawalan ng pasok, sa mga bakasyon sa beach, swimming pool, parke at iba pa, ,at nagsaya din sa paglalaro sa labas buong araw — este, pagharap sa computer, tablet o cellphone buong araw. First wave palang yan, at sa mga darating na maraming lunes ay padagdag na ng padagdag ang mga commuter na makakasabay natin sa kalsada dahil isa isa na ring nagkakaroon ng pasok ang mga eskwelahan at pamantasan. Syempre, mas maraming tao sa daan, mas maraming trapik.

Halos lahat naman tayo’y malapit nang magsawa sa mga araw araw na kaganapan na nagdadala ng trapik sa dinadaanan natin: mga bus, jeep, FX, taxi, traysikol, este traysikel pala, motorsiklo, siklista, barker, traffic enforcer, drayber at pasahero. Nakita na nating lahat ‘yan at nasisi na natin ang lahat ng dapat sisihin sa mga pangyayaring yaon. Pero bakit nga ba hindi nalang natin tirahin ‘yung issue mula sa ugat nito?

Karamihan sati’y sasabihing “wala kasing disiplina e,” kapag nakakakita ng mga kapulpulan sa daan, pero naisip na ba natin na walang panggagalingan ang disiplina kung hindi kaalaman? “Common sense is not so common,” ika nga ni Mr. Kumon Sensei. At naniwala ka namang sya ang nagsabi nyan. Pero bakit di nating gawing common ang common sense?

Tutal naman kakapalit lang natin ng basic education structure ng bansa (K+12), bakit hindi pa natin isaksak sa curriculum ng Elementary ang Basic Rules of The Road? Di naman kaya’y isingit natin sa syllabus ng bawat baitang ng Sibika at Kultura (meron pa ba nito?) ang usapin tungkol sa tamang paggamit ng kalsada? Sa paningin ko, kaakibat na ng “Sibika” ang pag gamit ng kalsada sa panahong ito, at sa nakalipas na isang siglo na rin naman.

Palibhasa’y palagay natin simpleng simple ang mga nakalagay na senyas sa mga kalsada natin: “Walang Tawiran, Nakamamatay”, o kaya bakit hindi na lang gawing “Ang tumawid dito, ay PANGET.” or “Walang Tawiran, Nakakapanget!.” o kaya “Bawal tumawid, Sira-ulo ka ba?..” di ko lang din alam kung may tatawid pa din dyan, subalit ang hindi natin naiisip, ay kung bakit hindi ito sinusunod ng mga tao. Halimbawa, sa mga tawiran sa kanto, bakit kahit berde ang ilaw ng isang lane ng mga sasakyan ay may tumatawid? Kadalasa’y tinatawag lang nating tigas ng ulo ang mga gawaing ganito, pero ‘di kaya kaya nila ito nilalabag ay hindi nila alintana ang dahilan kung bakit ito kailangang sundin, bukod pa sa basic na “masasagasaan ka kasi” o baka magulungan ka sana ng nagbabadyang truck ng basura?

Marahil mas makakabuti din kung sa kalagitnaan ng pag-a-aral ng isang tao’y matuto din syang magpatakbo ng sasakyan sa kalsada, para naman ma-experience ng lahat ang lahat ng aspeto ng paggamit ng kalsada. Siguro kung ganito ang mangyari, mababawasan ang mga aksidente sa mga kalsada natin.

Palagay ko nama’y mas mainam na umpisahan natin ang edukasyon sa paggamit ng kalsada sa pagkamusmos ng isang tao, kesa ituro ito sa teen years n’ya kung saan may mga balakid na sa pang-unawa, katulad ng mga kasanayan na. Bakit ako makikinig sa’yo ngayon kung nagawa ko ito buong buhay ko nang hindi ako namamatay?

Pag-gamit nga ng kompyuter itinuturo natin sa mga bata, bakit ‘yung simple at araw-araw nating ginagamit na kalsada, hindi natin maituro ang pag-gamit? BAKEEEEEEEEEEEEEEEEEET??? sobrang haba pala nung dahilan ko sa number wan pa lang. Pano yung susunod na dahilan mahaba din.. Pero malay mo marami kang matutunan sa akin.. Tinuturo ko lang yung dapat mong matutunan kaya wag kang makulet jan okay?

2. Kasi may ginagawang kalsada — Eto na. Finally, matapos ang ilang dekadang paghihintay, ma-a-upgrade nang muli ang mga kalsada ng Metro Manila sa isang malaking paraan! Yipee.. Kaya lang may kasama ‘tong problema, na wala tayong magagawa kundi tiisin. Yan ang trapik.

Pero diba, sanay naman na tayo sa araw-araw na bigat ng daloy ng trapik pag bumabyahe tayo papasok at pauwi? Di nga ba’t kalkulado na nga natin iyong oras na kailangan natin para makarating sa pupuntahan natin nang hindi nale-late, at alam din natin iyong oras na kapag umalis tayo, ay siguradong late na tayo? Babaguhin nating lahat yan pansamantala, upang pagbigyan ang pagbabago. (Pero ang aga ko na talaga kanina e bakit na-late pa din ako e.. MODIFY tuloy ako 12am-8am tuloy.. nakakaurat ka kasing traffic ka.. sapukin kita ih..)

Goodnews may panukala: isang multi-level na elevated road, mas kilala sa tawag na Skyway Phase 3, na magdurugtong sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway. Ang Skyway ay isa sa mga pinakamalaki at pinaka-kumain ng oras na proyekto ng pamahalaan upang makatulong sa daloy ng trapiko.

Bukod pa sa Skyway Phase 3 na inaasahang matapos at magbukas bago ang katapusan ng panunungkulan ng Pangulong Aquino sa 2016, ilang malalaking infrastructure project pa ang sisimulang gawin ngayong taon, na may kaparehong target operational date UMANO DAW.

AT alam mo kung ano yung kaukulang BAD NEWS: yun ay ang walang sawang TRAFFIC pag gumawa sila ng infrastructure project na yan..

Huwag sana tayong madala sa mga headline ng mga balita at pangunahan ng takot. Makaka-adjust din tayo, at sa huli, laging isaisip na ang lahat ng ito’y para din naman sa ikagiginhawa nating lahat.

Sana nga lang naumpisahan ng mas maaga, pero ano nga ba naman ang magagawa natin sa red tape? Kung ‘yun ngang sticker ng rehistro ng sasakyan natin nung 2013 wala pa hanggang ngayong 2014 na e, infrastructure pa kaya? (boink!) o mga bata pangatlo ng dahilan na tayo nawa’y marami kayong natutunan kay kuya etnad. May kasunod pa.. basahin mo pa rin yan, wag kang tamad..

3.Dahil sa Parking — May kaibigan akong nagkwento ang sabi sakin, na napaka-arte nya pagdating sa pagpili ng pupuntahan. Una sa lahat, ayaw na ayaw nyang pumupunta sa mga mall, dahil bukod sa dami ng tao, ingay, at kawalan ng katuturan ng pagpunta kung wala namang kailangan, ayaw nyang nagpaparada ng sasakyan, o maghanap ng lugar para pagparadahan. Oo, pwede namang hindi nalang magdala ng sasakyan, pero pumupunta sya sa mall kapag may kailangan syang bilhin, o hanapin. Sa pangkalahatan, kung makikipagkita lang naman sa isang tao, mas pipiliin nya na sa mga establisimentong walang problema sa paradahan sya pumunta.

Ilang minuto din ang nawawala sa buhay natin habang naghahanap ng pagpaPARKINGan.Bukod pa sa paghihintay, nakapagdulot din ito ng kaunting pila ng sasakyan sa likuran habang naka-hazard at pa-gapang na naghahanap ng paparadahan.

Kadalasang nagaganap ang mga ganitong tagpo sa mga lugar na puno ng mga kainan at kadalasan din ay double parking pa nga. Kaya sumatotal TRAFFIC ang dadanasin mo.,kapatid, kapamilya, ka-Q, kapuso, kababayan, kabarkada, ka-kabet, ka-dencho at marami pang KA.

Gamitin na lamang nating halimbawa ang mga negosyo sa kahabaan ng Muntinlupa Palengke o sa mga karatig na lugar na may ganito ding problema. Madalas ay mahirap pumarada sa lugar na ito pagkat karamihan ng mag may ari ng mga tindahan dito’y inaangkin ang paradahan sa tapat nila. Hindi na bagong makarinig ng “naka-reserve po sa may-ari ito e” mula sa mga tauhan ng mga tindahan kung saang tapat mo sana gustong pumarada. Dulot ng ilang segundong usapan mula sa nagmamaneho at sa taong ito ay isang pila sa likuran nila na maaring umabot kung saan pa, depende sa pakikipagmatigasan ng parehong partido, at kung sinong unang bibigay.

Nauuso na din ngayon ang mga tsangge, Mini Mall, o mga maliliit na open mall, na puno ng mga kainan at pailan-ilang pamilihan ng mga damit o ano pa.

Ayon sa isang survey sa isang website na hindi ko na papangalanan, Maraming maaaring maging solusyon sa suliranin ng Parking sa Metro Manila, at dahil konektado ang mga sumusunod:

1. Sweldo
2. Presyo ng Gasolina
3. Presyo ng Lumpiang Toge (hindi po kasama ito..)
4. Presyo ng Lupa
5. Kagustuhan ng Gobyerno
6. Kagustuhan ng Tao
7. Presyo ng Kuryente
8. Presyo ng Sasakyan
9. Kabuuang ekonomiya
10. Standing ng NBA Season 2014-2015 (Hindi rin pala toh..)

So anong gagawin natin para makatulong ineng, utoy?

1. Matuto kang magpark ng maayos. Basic na itinuturo kahit sa pinakapulpol na driving school ang parallel parking. Hindi tamang marinig sa isang lisensyadong nagmamaneho na “di ako marunong magpark” o “hindi ko kaya magpark ng ganito e”. Kung hindi kayang magparallel park, lisanin ang lugar at maghanap ng parking na angkop sa kakayanan mo. At higit sa lahat wag na wag mong gagayahin si Paul Walker sa pagpapark baka magaya ka sa kanya.

2. Magpark ng mabilis. Alam kong mahal ang sasakyan mo, pero dahil sasakyan mo yan, responsibilidad mong malaman ang mga hangganan at kakayanan ng sasakyan mo. Kung trentang beses mo nang sinubukang magpark at hindi mo magawa, lisanin ang parking lot, iuwi ang sasakyan, at mamasahe pabalik sa pupuntahan at muling papuntahin ang sasakyan sa kinatatayuan mo pero kung matino ka, hindi mo gagawin yan.

3. Kung walang parking, umalis na agad, o di naman kaya’y humanap ng lugar na hindi ka makaiistorbo sa daloy ng trapik upang mag-hazard at maghintay.

4. Kung pati pagkuha ng parking ticket ini-instagram mo, o ipopost mo sa FB mo at itwiTWEET mo sa twitter mo, umalis sa parking lot, magbayad, at pumunta sa ospital. Maghanap ng psychiatrist upang malunasan ang sakit.

5. Wag magtagal sa mga ticket dispenser. Simple lang naman yan kadalasan: pipindot ka ng buton at makukuha mo ang parking ticket. Alis agad. Minsan nama’y may taga bigay ng parking ticket; pagkakuha nito, alis agad. Mamaya mo na isipin kung saan mo ilalagay yung parking ticket dahil may naghihintay sa likod mo. Kung bayad-agad ang gusto ng parking lot, wag mamulot ng barya sa baryahan mo at magbilang ng P45.00 na gawa sa piso. Magbibilang ka, magbibilang din yung parking attendant.

As a general rule, bakit hindi nalang natin laging isaisip ang mga kapwa nating gumagamit ng mga pampublikong lugar? Ayaw nating maantala, kaya’t wag tayong gumawa ng dahilan upang makaantala. AT kung hindi naman ito maiiwasan, nakakalubag na din ng loob sa mga naatrasong drayber ang simpleng paghingi ng paumanhin sa pagpapahintay. (kaunting busina, kamay na paumanhin, o pagbulong ng “sorry” na nakikita sa paggalaw ng labi).

Hindi ko din kasi alam kung tama yung pinagsasabi ko dito sa BLOG na toh.. Para sa komento, suhestyon o kasagutan sa mga tanong na hindi mo maintindihan tumawag sa numerong Bantay Aso 143 o Maghulog ng sulat sa pinakamalapit na Bilihan ng NFA Rice sa inyong lugar. Hangga’t maaari ay maglakip ng tatlong sachet ng CLEAR Shampoo para mapasama sa raffle draw ang inyong ticket. Pero sa talakayan na ito DISIPLINA ang dapat na maghari sa buong sanlibutan. Basta ang pagkakaalam ko na-late talaga ako kanina.. 6:37 AM 12/13/2014 .. Modify tuloy ako ng sked ko. (12AM-8AM)