Isang Malalim na Pananaliksik sa “Kisses”

a

Noong grade school nag-alaga ka ba nito?.

Ano ba ang kisses?

Ito ay mga mumunting butil na gawa sa isang malinaw  na rubber na may iba’t ibang kulay. Ito ay hugis bilo-haba (tulad ng makikita niyo sa larawan) na may kaunting diin sa gitna. Isa sa mga natatangi nitong katangian ay ang pagiging mabango.

Paano ba ito inaalagaan?

Ito ay kadalasang inilalagay sa kahon ng posporong may bulak sa loob. Ang iba naman ay binabalot sa panyong may pulbos.

Nanganganak ba ito?

Maraming hakahaka ang umikot na ang kisses nga ay nanganganak. Malalaman mong buntis ang isang kisses kapag ito ay may umbok sa gitna.

Paano ba ito paaanakin?

Marami ang nagsabi na, upang mapaanak mo ang isang kisses, kailangan mo itong ilagay sa isang pantay na lugar, bubuhusan ito ng alcohol at papagulungan ng katawan ng lapis.

May mga naitala na bang kaso ng panganganak ng kisses?

Sa ilang taon ko nang nabubuhay sa mundo, wala pa akong naririnig o nakikitang kisses na nanganak.

Bakit hindi “kiss” ang singular ng “kisses”? Bakit “kisses” pa rin ang tawag dito kahit isa lamang ang pinatutunguan nito?

Aba malay ko. Baka siguro hindi pa alam ng mga nag-aalaga ng mga kisses ang singular/plural.

Ano ang mga aral na makukuha namin sa blog na ito?

Una, malalaman niyo na hindi talaga nanganganak ang mga kisses pero nagdadala ito sa atin ng aral kung paano mag-alaga ng mga bagay o taong pinapahalagahan natin. Dito natin unang natutunan ang pagpapahalaga, pag-aalaga at pagiging masaya sa mga simpleng bagay.

Tulad ng kisses, ang buhay natin ay makulay, mabango, Siguro kailangan lang nating alagaan at mahalin ang ating buhay para mahalin rin tayo nito pabalik. Minsan may mga bagay tayo pinaniniwalaan na hindi pala totoo, pero anong mawawala kung maniniwala diba? Malay mo, magkatotoo ito at masasabi mong nanganganak nga ang kisses.

Ang sarap maging bata. Walang limitasyong pumipigil sa atin para maging masaya. Laging nakangiti. Laging nakatawa. Walang problema. Ang tanging problema lang ay kapag nalaman ng nanay mo na yung baon mo ay pinambili mo lang ng mga kisses sa tapat ng eskwelahang pinapasukan mo.