Bata..Bata bakit ka laging taya?

Noong bata pa ako, syempre maliit pa ko noon, pero hindi tungkol sa height ang pag-uusapan natin ngayon.  Naalala mo ba yung mga kakulitan mo nung bata ka pa? Tanda mo pa ba yung dahilan kung bakit ka pinapalo ng nanay at tatay mo? Anong nagpapasaya sayo nung bata ka?

Minsan nagtagu-taguan kami ng mga kalaro ko, ako ang taya.

taguan_by_mababangungutin-d4doz6g

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap, wala sa gilid, pagkabilang ko ng sampu nakatago ng kayo, SAMPU!

Ayokong tapusin ang pagbibilang, magmumuka akong tanga, eh 2 seconds pa lang pagpikit ng mata ko ay nagkakaripas na sila ng takbo para magtago, bibilang pa ba ko ng sampu? Minsan pagkatapos kong bumilang ng sampu may magbe-“base” na agad, nasa likuran ko lang pala. Hindi man lang mag-effort na magtago. May mga pagkakataon din namang talagang mahirap silang hanapin, yung tipong hinalughog mo na ang buong kalye ng street niyo wala pa rin. Saan ba sila nagtatago, sa poso negro? Kapag nahihirapan akong maghanap sa mga kalaro ko… “Bahala kayo dyan, kakain muna ko dinner, LA LA LA LA LA…”

araw-lilim

Taya-Tayaan

Uso din syempre ang walang kamatayang larong “taya-tayaan”. Ang pambansang larong kalye ng mga bata sa Pilipinas?

taympers – ito ang sinasabi ng mga kalaro ko kapag malapit ko na silang mataya.

Hindi perpekto ang mga bata, minsan sutil at sa kakulitan ay may pagkakamali ding nagagawa. May mga pagkakataon din na medyo takot akong umuwi sa bahay dahil baka nagsumbong yung kalaro kong nabaril ko ng pellet gun. Syempre, pag-uwi may palo sa pwet at sermon di ko naman naiintindihan nung bata ako, basta ang alam ko puro laro.

Trip ko din nung bata ako yung paglalaro ng text o maliliit na baraha. Hindi pa uso nun ang NBA2K16 kaya ang pakikipaglaban sa text ang naging hobby ng karamihan. Sobra itong nauso noon na tipong araw araw parang nagpapa-tournament si Brgy. Captain dahil nagkalat ang mga bata sa daan na naglalaban laban. Minsan kapag nanalo ako pinapaagaw ko din (mukhang ewan lang). Madami naman akong text nun, isang kahon ng sapatos. Minsan nagbebenta pa ko, bente pesos isang dangkal. Pero yung iba nagbebenta rin ng pamato nila (mukhang ewan lang). Ngayon hindi ko na maalala kung saan napunta ang mga text ko at saan napunta ang mga text ng mga kalaro ko. Nakatabi pa rin kaya yung sa kanila o sinunog na ng mga magulang nila?

Kapag wala akong ginawa at nabo-boring ako sa bahay madalas akong pumunta sa kusina, pinaghahalo halo ko ang toyo, mantika, patis, suka, Bear brand, Nescafe, UFC catshup, Star Margarine, Mama Sita hot sauce, asukal, asin, paminta, vanilla at vetsin. Lakas ng trip ko… tinikman ko at ang sarap ng lasa, promise! Kung ayaw niyo maniwala try niyo din. haha!

Kapag wala ulit akong magawa sa bahay kasi umuulan sa labas o di kaya ay brownout, madalas akong makipaghabulan sa mga sandamakmak naming pusa. Minsan nakikipaglaro ako sa kanila pero sa hindi malamang dahilan, kinalmot nya ako. haha. Mababait naman ang mga pusa sa bahay. May mga pagkakataon ding kinakausap ko sila pero sa dialect nila syempre. “Meow meowww meow” (Kumain ka na Muning?), tanong ko sa kanila. “Meoww meoww meow miyow meooow!”(Oo), sagot nila sa tanong ko.

Mayroon din pala kong natatanging kapangyarihan nung bata ako. Secret lang natin to ha, kaya kong gumawa ng bubbles gamit ang aking laway.

Nakaka-miss yung mga panahonng lagi kang sinusundan ng buwan kahit saan ka magpunta, yung mga panahong lagi mo nililigtas ang syota ni Mario, yung mga panahong nilalagay mo ang tabo sa ulo mo kapag naliligo ka, yung pagtalon mula sa upuan papuntang kabilang upuan para makaiwas sa lava, kumanta sa harap ng electric fan at paglaruan ang ilaw ng ref. Sino bang bata ang hindi natutuwa kapag nakakakita ng rainbow at lumilipad na eroplano sa langit. Kapag nakatulog ka sa sofa ay sa kwarto na ang gising mo dahil kung hindi malamang tapos na ang pagkabata mo. Unti unti mo ng maiintindihan ang mga bagay sa paligid mo. Matuto ka ng magtali ng sintas ng sapatos mo at mahihiya ka ng umiyak kapag nadapa ka. Masaya maging bata at masarap balikan ang pagkabata… teka may nakita akong pusa, kausapin ko na din si maya at si onyok pagdating ko sa bahay. hehe!